Thursday, September 29, 2011

Papaalis na OFW - First Time

Karamihan sa mga OFW na first time pa lang aalis ay walang pamilyang naghahatid sa airport. Sa agency muna ito pupunta para sa final briefing at ang agency na rin ang maghahatid sa airport. Maliban na lang kung napagkasunduan mo at ng iyong agency na sa airport kayo magkikita. Siguraduhin lang na makakarating ng maaga. Ang iyong travel documents ay ibibigay din sa mga oras na iyon at kadalasang ibinibigay na sa airport. Halos lahat ng biyaheng Middle East ay nasa NAIA terminal 1.
Madaling malaman ang mga baguhang OFW sa airport dahil sa bitbit na brown envelope. Ganyan din ako noon! Magkagrupo at ang iba nakauniform pa.Bago pumasok sa airport, ang mga OFW ay papasok muna sa OFW lounge sa kanang bahagi ng airport. Sa mga first timer, dito ipinapaliwanag ng agency recruiter ang detalye ng flight at ang gagawin mo paglabas sa final destination mo. Kung sino ang kokontakin at kung may naghihintay sa atin sa destinasyon. Doon din tayo iniiwanan ng ating mga agency recruiters habang hinihintay ang pagbukas ng counter ng flight natin.
Nasa loob din ang POEA kung saan kailangan nating ipaverify ang ating OEC. Pipila ka dun para ito'y tatakan.
Makakabili ka rin ng roaming sim, at makaopen ng savings account sa loob habang naghihintay ng flight.
May screen sa loob na nagmomonitor ng mga flights. Excited ka pa dahil nga first time mong aalis. Kapag hudyat na para magcheck-in, bitbitin o hilahin na ang bag at pumila papasok sa airport.

1. Dadaan ka kay Mamang Guard. Iwasan ang magbitbit ng anumang bagay tulad ng celphone, ipad, player at iba pa. Ipasok ito sa bag mo. Pabilisan ang transaction dito kaya posibleng may mawala ka. Dadaan ang bagahe mo sa X-ray machine at ikaw ay sa metal detector device. Kaya mas mainam, na huwag magsuot ng mga metal at panatilihing simple sa biyahe. IPAPAKITA MO: itinerary flight ticket at passport. IBABALIK SAYO: ang ipinakita mong dokumento.

2. Hanapin mo ang counter ng iyong eroplano at pumila. Ihanda ang iyong passport(visa). May airline personnel na magveverify nito, May nagpapartial check din ng bagahe mo kung ito'y overweight kaya iwasang magdala ng aparador. Papabawasan din sa iyo iyan. Allowed ang isang pasahero ng isang cabin bag.
Sa airline check in counter, may ground airline staff para magverify. IPAPAKITA MO: itinerary flight ticket, passport at OEC. IBABALIK SAYO: itinerary flight ticket, passport, OEC, boarding pass at baggage numbers ng check-in bags mo. Sasabihin din sa iyo ang mga informations na nakasulat sa boarding pass.

3.Kadalasan habang pumipila ka sa counter, may ibibigay sa iyong papel na galing sa POEA. Fill mo ito habang hindi ka pa busy, magagamit mo ito pagkatapos mong makuha ang boarding pass mo. Papasok ka na sa lugar na describe ng marami, ay may mga buwaya. Una ang POEA collecting counter, sa bandang kaliwa ang lane ng mga OFW. IPAPAKITA MO: boarding pass at OEC. IBABALIK SAYO: boarding pass at 2 copies ng OEC na m,ay tatak na OFW. Libre ka ng terminal at travel tax fees. 
Confirmed OFW ka!

4. Dumiretso ka na kaagad sa immigration counter.IPAKITA MO: passport, OEC, boarding pass at ang POEA form. IBABALIK SAYO: passport na may tatak na "depart", OEC, at boarding pass". Minsan may, itatanong din sa iyo, sagutin mo lang ng maayos.

5. Another security measures.IPAKITA MO: medyas mo! Hubarin ang belt, relos, pitaka, sapatos, at lahat na kumikinang at bakal sa katawan. Ang iyong gamit ay dadaan ulit sa X-ray at ikaw ay sa metal detector. Mas strikto dito, kaysa noong papasok pa lang sa airport. IBABALIK SAYO: perwisyo! Di na bale basta safe lang ang mga pasahero! Tandaang bawal ang liquid at gel sa cabin bags.

6. Pre-departure area. Paglapas mo ng Duty Free at pasalubong stores, ay hanapin mo ang gate na nakasaad sa iyong boarding pass. Ang Middle East ay nasa kanang bahagi ng hallway. IPAKITA MO: boarding pass at passport. Pipilasin nila ang boarding pass hudyat na ikaw ay nasa predeparture area na. IBABALIK SAYO: passport at ang maliit na parte ng boarding pass.

Magpahinga ka na! Ihanda mo ang sarili mo sa walong oras o higit pa na biyahe at habang naghihintay ng oras para mag check-in, tawagan mo o itext ang mga mahal mo sa buhay. Magpaalam ka ulit. Kung tutulo ang luha mo, hayaan mo lang. may ganun talagang eksena. Magtira ka lang ng isang daang peso para pangroaming ng sim mo.
Pag oras nang pumasok sa eroplano, huwag magmamadali. Hintayin mong tawagin ang iyong seat number na matatgpuan din sa iyong boarding pass. Walang ibang uupo sa upuang nakalaan para sa iyo. Iactivate mo na sa roaming ang telepono mo. Kung Smart sim ka, type ROAM ON at isend sa 333.

Wednesday, September 28, 2011

Legal na OFW sa Saudi

Ang legal na OFW sa Saudi ay may employment contract. Dito nakasulat ang pinagkasunduan mo at ng iyong employer. Nakasaad dito kung ilang taon ang kontrata, uri ng trabaho, schedule ng trabaho, sahod, at mga benipisyo. Pagkatapos ng kasunduan, ang agency na ang mag-aayos ng iyong mga dokumento. Itiwala mo lang sa kanila ang mga kailangang dokumento para maproseso ang iyong legal na pag-alis tulad ng visa. Tandaan na halos ang OFW sa Saudi ay walang placement fee.

Ang legal na OFW sa Saudi ay nakapagmedikal sa GAMCA(Gulf Accredited Medical Clinics Association). Sila ang mga lehitimong klinika para sa mga OFW na papuntang Middle East. Kung may matindi kang karamdaman at nakalusot ka sa GAMCA ay huwag maging kampante dahil uulitin ang mga medical test pagdating sa Saudi lalo na kapag malalaking kumpanya ang napasukan mo.
Ito ang mga GAMCA klinika sa Pilipinas courtesy of Neil's Version blog.
  1. American Out-Patient Clinic
  2. Angelina Apostol Punzalan Medical Clinic
  3. Angelus Medical Clinic - dito ako nagpamedikal.
  4. Arguelles Medical Clinic
  5. Christian Cangco Medical Clinic
  6. International Diagnostic Clinic
  7. L-R Medical Clinic
  8. Mabini Medical Clinic
  9. Our Lady of Fatima Med Clinic
  10. Physicians Diagnostic Clinic
  11. Philippine Medical Test System
  12. Ruben Bartolome Medical Clinic
  13. S.M. Lazo Medical Clinic
  14. St. Martin Polyclinic
  15. St. Patrick’s Healthcare System
  16. St. Peter & Paul Medical Clinic
  17. St. Vincent Medical Clinic
Ang legal na OFW sa Saudi ay may working visa at entry visa.
Ang working visa yung nasa babang bahagi at ang entry visa yung maliit na stamp na may puno.
Ang legal na OFW sa Saudi ay nakakuha ng OEC (Overseas Employment Certificate) at nakapagbayad ng fees sa OWWA at Philhealth bilang mga miyembro. Ang OEC ang nagpapatunay na legal kang OFW.

Ang legal na OFW sa Saudi ay nakapag-attend ng PDOS (Pre-daparture Orientation Seminar). Mahalaga ito para sa atin para ating malaman ang mga batas na umiiral sa Middle East lalong lalo na sa Saudi Arabia.
Ang galing ng DOLE!

Marami na tayong nabalitaan na undocumented OFWs na kinulong at pinadeport. Sa hangaring mapadali ang pag-alis, dinaan na sa illegal na pamamaraan. Ang iba sa kanila ay inosente at wala talagang alam. Huwag na nating dagdagan pa! Huwag tayong magpapaloko!

Tuesday, September 27, 2011

Puhunan

Dahil gusto mong kumita ng malaki, kailangan mo rin ng malaking kapital. Pera lang ba ang pwedeng maging puhunan? Para sa akin, lahat ng bagay ay hindi kayang tapatan ng kwarta.
Kung ordinaryong papel lang ito, magbabasura na lang ako.

Ang pag-aabroad ay may kaakibat na pagod at paghahanda. Kasama na rin diyan ang excitement na kahit sabihin mong may iiwanan ka at mapapalayo ka sa mga mahal mo sa buhay. Iisipin mo na ginagawa mo ito para sa kanila. Kailangan e!
Ito ang mga puhunang kailangan mong paghandaan. Ito rin ang mga hinanda ko noong paalis pa lang ako.

Work Experiences - kailangan mong ipunin lahat ng mga work certificates mo. Hindi paramihan kundi pangmatagalan ang kadalasang binabasehan ng mga employer. Mas maganda sa paningin kung tumatagal ka sa isang kumpanya. Base sa mga napagdaanan kong mga interviews, naiintindihan ng interviewer kung sa unang dalawang kumpanya mo ay maikling taon lang ang itinagal mo. Syempre dahil naghahanap pa tayo ng "greener pasture" kumbaga. Pero kapag yung pangatlo at iba mo pang working experience ay less than a year din, nadidiscourage sila. Iisipin nila di ka rin tatagal at masasayang lang ang pagtraining nila sa iyo. Pero depende rin yan sa edad mo, mas marami kang experience, mas advantage.

Medikal -  mas maiging minomonitor natin ang ating kalusugan dahil ang katawan ang tunay na puhunan. Maraming sumasablay dito! May ibang bansa kasi na masyadong strikto na kahit kunting taas lang ng high blood pressure ay ayaw magbigay ng waiver. Ang mga medikal test na kadalasang ginagawa sa mga papaalis na mga Pinoy ay mga sumusunod: Blood tests, X-ray, ECG, vision test, stool, at  urine. Buti na nga lang di kasama ang audio. Marami kasing interruptions kapag ako'y isinasalang dito. Mas naririnig ko pang usapan sa kabilang kwarto at traysikel sa kalayuan kaysa sa tunog na nanggagaling sa headset. Sana may alternative test para dito. Kukunan ka din ng timbang, taas, at BP.
Meron ding physical exam by a doctor in a closed room kung saan kailangang mong isiwalat ang buo mong katawan. Iniinspect kung may tattoo tapos may dadakmahin, tatalikod, tutuwad, at uubo. Ganito ang ginagawa sa mga lalaki, ewan ko lang sa mga babae.
Meron ding psychological exam kung saan one on one interview naman with psychiatrist. Tatanungin ka lang naman kung ano ang iyong mga kahinaan at ang pinakahighlight dito ay kung kaya mo ba talagang umalis ng bansa. Kung malakas ang dedikasyon mo, wala kang magiging problema dito.

Pera - "kapag may pera ako, mag-aaply ako abroad". Mahirap mag-apply ng walang pera dahil wala namang libre sa panahon ngayon. Lahat may bayad!

Emosyon - kailangan mo rin itong paghandaan. Kailangan mong tapangan ang iyong emosyon. Kung may pag-aalinlangan ka, ay huwag ka nang umalis. Sinasayang mo lang ang oras sa pag-aaply na dapat ay para sa iyong pamilya. Kung talagang desidido, paghahandaan mo ang araw ng iyong pag-alis. Sigurado ako, may drama at teleserye sa raw na iyon.

Mahirap ang mga ginagawang preparasyon pero ano ba't babalik din sa iyo ito!