Tuesday, September 17, 2013

Bukas-Sara tuwing Salah

Ang kuwartong inuupahan ay nasa 3rd floor ng isang buiding at walang elevator. At habang nagluluto ay napansin na may kulang na sangkap. Mauuwi lamang sa basura ang pagkaing nasa kaldero kapag wala ang sangkap na iyon. Saglit  na nagbihis at patakbong bumaba sa hagdanan. Ang misyon ay pumunta sa malapit na tindahan na ilang metro lang ang layo. Humahangos na narating ang tindahan. Ilang hakbang na lang sana nang lumabas ang tindero at madaling isinara ang pintuan. Sabay padlock sa pinto ang karatulang "Closed for Prayer".

Nakakainis.

Naiinis sa sarili dahil hindi namalayan ang oras ng SALAH (salat ayon sa wikipedia at salah ayon sa mga lokal dito sa Saudi.). Ito ang oras ng dasal ng mga Muslim na ginagawa limang beses sa isang araw. Ito ay nagtatagal ng 15 hanggang 30 minutos.

Namumukod tangi ang Saudi Arabia sa mga bansa na kailangang magsara ang mga tindahan, kainan, bangko, private at government offices, outpatients clinics o hospitals at halos lahat ng kumikitang kabuhayan tuwing oras ng salah. May mga religious pulis na nagmamatyag sa mga establisyamentong hindi tumutugon sa kanilang alituntunin. Maaring ipasara ang mga ito kapag nahuling hindi sumusunod.

1st Prayer: Fajr
Ang unang salah ang pampagising sa umaga. Ang pagtatapos nito ay ang pagbubukas ng mga bofia at mga maliliit na grocery stores. Ang unang liwanag sa kalangitan ang hudyat ng pasiunang dasal.

2nd Prayer: Dhuhr
Kapag naabot na ng araw ang rurok at nagsimula nang bumaba, ito na ang hudyat ng tanghaling salah. Ito ay uwian ng mga nagtatrabaho sa hospital. Hanggang tanghali lang at babalik ulit sa hapon ang kadalasang pasok nila. Sarado ulit ang mga tindahan pero saglit ding magbukas. Oras na kasi ng tanghalian. Kaya kadalasang nadidistorbo ang mga taong nagugutom, nakapila at kakain pa lang sa mga restaurants. Hindi na tumatanggap ng food order ang mga kahero kahit take out pa!

3rd Prayer: Asr
Sarado ulit ang mga tindahan. Napapansin kong mas mahaba ang oras ng panalangin sa hapon. Subalit, halos lahat ng tindahan ay nagbubukas pagkatapos. Ito ang oras na maraming nagsisipaglabasan dahil buhay na buhay ang mga paninda.

4th Prayer: Magrib
Sarado ulit at pinapatay ang ilaw ng ibang tindahan. Kaya kapag naabutan kang naghahapunan sa isang restaurant ay magdahan dahan sa paglunok at baka matinik ka kapag isda ang ulam. Kahit sa malaking department store ay ganito din ang eksena. Kapag nasa loob ka nung naabutan ng salah, ay saglit na maghanap ng maupuan at hintaying matapos dahil walang tindero na mag-aasikaso. Medyo madilim din kaya iwasan muna ang pamimili. Hindi ka puwedeng lumabas dahil sarado ang mga pintuan.

5th Prayer: Isha
Pagkatapos ng panghuling salah sa gabi, malaya na ang mga tindahan sa sitwasyong bukas- sarado. Kaya maraming namamalengke at nagshoshopping pagkatapos nito.

PAALALA: Paiba-iba ang mga timings ng salah. Depende kasi iyon sa araw o buwan na basehan nila ng oras.

Kahit amining matagal na sa kaharian, hindi maitatangging minsan nahuli  pa rin ako ng salah. Kahit may bibilhin pa sana ay kailangan nang pumunta sa counter dahil sinasarado na ang pintuan ng grocery store. Ang sana ay "Dine In" sa paboritong kainan ay naging "TAKE OUT" na lamang. Ang tumambay sa loob ng madilim na barber shop dahil hindi pa tapos ang haircut. At iyong gutom na gutom nang pumasok sa fast food restaurant, ngunit hindi makapag-order dahil ilang minuto na lang ay magsasara na.

Ganunpaman, respeto pa rin ang dapat na ipairal. Ang minuto na iyon ay BANAL para sa mga lokal ng kaharian.

Thursday, September 5, 2013

Tatlong banyaga, Iisang Diwa

Kainan sa Saudi nang nakakamay. Kabsa rice at spareribs.
Lunch break sa isang trabaho, magkasabay na kumain sa isang hapag ang isang Indiyano, Malaysian at isang Pinoy. Hindi lamang sa pagkain naging abala ang tatlo. Isang kuwentuhan ang namuo, na nagtuturo ng iisang direksiyon. Ang karanasan nila ay mismong nararanasan at idinadaing din ng ilan sa ating mga OFW.

"It was the most healthiest conversation that we have so far!", sang-ayon ng tatlo.

Ano bang purpose mo kung bakit nasa Saudi ka nagtatrabaho? Alam naman natin na hindi ito panghabambuhay na trabaho. Darating talaga ang panahon na papauwiin tayo. At isa pa, ang sahod sa Saudi ay hindi ganoon kataas kung ikumpara mo sa ibang bansa.

Galante. Ang mga nagtatrabaho sa abroad ay malakas maglabas ng pera. Saan mo ba dinadala ang pera mo? Hindi pa ba sapat sa iyo na talsik ang pawis mo sa taas ng temperatura sa Saudi? Sa hirap ng trabaho at pamumuhay sa disyerto? Ayos lang ba sa iyo na ang pinaghirapan mo ay ipapainom mo sa mga kabarkada at kakilala mo? Ilulustay mo sa ibang tao, maliban sa pamilya mo? Para kanino ka ba nagtatrabaho? Para sa sarili mo o sa pamilya mo?

Maluho. Kahit alam natin ang pgkakaiba ng WANTS sa NEEDS, ay atin itong isinantabi. Ano nga ba ang dahilan kung bakit mamahalin ang cellphone mo? Bakit kailangan pang maglustay ng pera para sa bagong labas na I-phone o Galaxy. Bakit kailangan pang maging high tech sa gadget kung tawag lang naman o SMS ang kailangan? Kung internet ang rason, e ano ang gamit ng computer mo? Gayong halos lahat ng expat sa Saudi ay nakakabili ng laptop.

Bakit ka bibili ng kotse sa Pilipinas kung nandito ka naman nagtatrabaho? Kung halos isang buwan lang naman ang bakasyon mo. Kung bakit tag-iisa pa kayo ng sasakyan ng Misis mo. Kailangan mo ba talagang gamitin ang kotse kahit ang bumili lang sa malapit na tindahan?

Utang. Kapag galing ka sa abroad, ang daming lumalapit para mangutang. Minsan, ang uutangin niya ay pambili pala ng luho nila. Minsan, ang nangungutang ay mas maganda pa ang cell phone kaysa iyo. Minsan ang nangungutang, mas marami at magara pa ang sasakyan kaysa iyo. Minsan, ang nangungutang mas maganda pa ang bahay kaysa sa tinitirhan mo. Minsan, ang nangungutang humihithit pa ng sigarilyo habang nakikiusap sa iyo. Meron silang mga kagamitan ngunit ikaw ang may pera. Kaya sila galit dahil ayaw mong pautangin. May ipinatago ba silang pera sa iyo?

Kung ang pamilya ang mangutang ay ayos lang, kahit hindi pa nila bayaran. Pamilya mo sila e! Ngunit naitanong mo na ba? Kung sakaling wala ka ng pera, tutulungan ka rin ba ng pamilya mo?
_________________________________________________

Ang pag-uusap na iyon ay nagwakas sa isang conclusion. Maging masinop sa paggasta at Mag-ipon po tayo! Hindi lamang para sa ating pamilya kundi para na rin sa ating mga sarili.