Showing posts with label Vacation Trip. Show all posts
Showing posts with label Vacation Trip. Show all posts

Thursday, June 8, 2017

Bahrain: A Free Visa country for Filipinos (special category)

Visitors who have been resident in the GCC for a minimum of six months, and who posses a return visa for the country of GCC residency can obtain a free tourist visa in Bahrain. 
Source: http://www.alloexpat.com


Ang Bahrain ay miyembro ng GCC o Gulf Cooperation Council na kinumpleto ng bansang Kuwait, Qatar, United Arab Emirates, Oman, at Saudi Arabia. Malayang nakakapunta ang mga expat dito lalo na iyong nagtatrabaho sa Saudi dahil halos isang oras lang ang biyahe nito mula sa Al-Khobar, Eastern Saudi.

Paglampas pa lang ng immigration sa King Fahad Causeway ay nag-iiba na kaagad ang "aura" ng lugar. Iyong biglang gumaan ang pakiramdam na parang nakawala sa isang hawla. Maihahantulad ang Saudi sa isang kulungan para sa mga taong sanay sa kalayaan. Sa Bahrain, legal ang sinehan, club, disco, at ang mga babae ay may kalayaan sa trabaho at maging sa pagmamaneho.

Bahrain Immigration in King Fahad Causeway
Para makapasok ng libre sa Bahrain Immigration ang isang expat na galing ng Saudi, kakailanganin ang mga sumusunod:
- valid passport
- dapat technician pataas (white collar jobs) ang trabaho na nakasulat sa iqama o sa working visa
- may Saudi exit-reentry visa 

PINOY SPIRIT

Ang taxi na unang nasakyan ay minamaneho ng isang lokal na Bahraini. Ang ipinagkaiba niya lang ay dahil puro OPM ang ang nakasalang na musika sa audio ng sasakyan. Sinasabayan din niya ng bigkas at memoryado ang mga kanta tulad ng "Kanlungan".

Unang pinuntahan ang Cathedral sa Bahrain. Ilang buwan din kasing tigang sa ganitong gawain. Hindi naman nakalimutan ang magdasal pero iba pa rin talaga kapag sa simbahan ka mismo nakaapak para manalangin.

At higit sa lahat, dinayo ang mga Filipino restaurants at umorder ng kahit anong menu na may karneng baboy katulad ng crispy pata. Natatakam kasi sa karneng baboy na ipinagbabawal sa Saudi. Ngunit hindi ito kasing sarap katulad sa Pilipinas dahil  malamang frozen at hindi na sariwa. May mga alak din dito na dinadayo pa ng mga gustong maglasing.

Halos sa bawat establisyamento na napasukan ay may mga pinoy. Hindi nawawala ang lahing kayumanggi sa mga hotel, restaurants, at mga tindahan.

Great view of Manama City from Bahrain Holiday Villa Hotel
Heto ang mga lugar na madalas dinadayo ng mga Pinoy sa Bahrain:

Bahrain National Museum - short cut para sa mga nais matutunan ang kultura ng bansa.

Novotel Al Dana Hotel and Resort - sa mahilig magrelax at magswimming.

Arirang Edo Restaurant - kung hilig ang Japanese or Korean cuisines. Halos lahat ng mga staffs ay mga pinoy.
The Dolphin Resort - para makapanuod ng dolphin at sea lion tricks
Al Areen Wildlife Park - kapag nais makita ang naipreserbang lugar ng mga hayop at halaman na kadalasang makikita sa Middle East, at Africa.
Lost Paradise of Dilmun - isang outdoor water park sa gitna ng disyerto.

Friday, December 2, 2016

UAE: A Free Visa Country for Filipinos (special category)

Ang isang pinoy na kasalukuyang nakatira sa Saudi Arabia at may mataas na propesyon sa kanyang iqama katulad ng engineer, manager, accountant, at doktor ay malayang makakapasok sa United Arab Emirates ng libre. Kailangan lamang dalhin at ipakita ang orihinal na iqama sa immigration counter. 

Ang United Arab Emirates ay miyembro ng GCC o Gulf Cooperation Council na kinumpleto ng bansang Bahrain, Kuwait, Qatar, Oman, at Saudi Arabia.

 "Residents who are not GCC nationals, but, have high professional status, such as business men, company managers, accountants, auditors, engineers, doctors, pharmacists, or employees (and their families) working in the public sector, drivers and personal staff under their sponsorship, are all eligible for non-renewable 30-day visa on arrival, at approved points of entry. However, a valid passport with valid GCC residence stamp, along with proof of employment in the country of residence, may require to be produced for this category." -www.guide2dubai.com


Sa mga Pinoy na may employment status na hindi napabilang sa mga nabanggit ay may maraming paraan para makakuha ng visit visa sa UAE. Dito sa Saudi Arabia, tanging kopya ng pasaporte at iqama lamang ang hinihingi ng mga travel agent para masimulan ang proseso ng tourist visa na makukuha lamang sa loob ng ilang araw.


Isang oras na biyahe sa eroplano mula sa Saudi ay masisilayan ang progresibong siyudad ng Dubai at Abu Dhabi.

Mga OFW sa Dubai

Maraming Pinoy sa UAE lalong lalo na sa Dubai. Halos karamihan sa kanila ay nagtatrabaho sa mga hotel at restaurant. Kung tutuusin, mas maayos ang kalagayan nila kaysa sa amin na nasa Saudi. Mas malaya sila. Mas marami silang lugar na napapasyalan pagkatapos ng trabaho. May mas maraming kainan at pagkaing Pinoy. At higit sa lahat, may night life.

Ganunpaman, ayon sa mga naging kakuwentuhan ko, inaamin nila na mas mahirap mag-ipon sa UAE. Lahat kasi doon ay mahal katulad ng upa sa bahay. Ang standard of living ay mas mataas kung ihahantulad ito sa Saudi Arabia.

Turismo
 
Marami ang mga makabagong imprastraktura ang makikita sa UAE. Nandoon ang pinakamataas na gusali at ang  pinakamabilis na roller coaster sa buong mundo. Meron ding naglalakihang mga shopping mall na may sariling attractions. May snow village, may aquarium, at marami pang iba. Hindi ka rin makakaalis sa Dubai kapag hindi naranasan ang kanilang water parks, safari ride, at night dhow cruise.

Ito ang ilan sa mga magagandang lugar na makikita at may tatak UAE.

Dubai Miracle Garden
Burj Khalifa Visitors Deck
Burj Al Arab
Atlantis , The Palm
Abu Dhabi's Grand Mosque
Ferrari World Park

Tuesday, January 19, 2016

Maldives: A Free Visa country for Filipino

Marami na sa ating mga Pilipino ang nakakapunta o nakakagala sa ibang bansa.
Isang pagpapatunay na umaangat ang ating kakayahan na maglakbay at magtuklas ng mga bagong kultura maliban sa kakaibang tanawin na masisilayan lamang sa bansang bibisitahin.

Nang minsan kasabayan ko ang mga grupo ng mga kabataan sa isang domestic flight galing ng Davao, ay dinig ko ang kanilang usapan. "Pag-iipunan at pupuntahan ko talaga ang Maldives!".
Ang mga isla ng Maldives mula sa eroplano.
Maldives! Matagal ko nang naririnig ang lugar dahil maganda raw ang baybayin nito.
Saan ba yon? Paano pupuntahan? Anong sasakyan? Mura ba doon? 
At mula noon, naging interesado rin ako sa pagpunta ng Maldives lalo pa at napapabalita na ang ibang isla nito ay unti-unti nang lumulubog. 

Bago natapos ang taong 2015 ay napuntahan ko sa unang pagkakataon ang bansang pinapangarap ng mga taong mahilig maglakbay. Tama nga ang mga sinasabi ng mga taong nakakapunta na. Ito ang lugar na gustong gusto mong puntahan pero ayaw mo nang balikan lalo na sa usaping pinansyal.

Ang Maldives ay isang bansang binubuo ng mga maliliit na mga isla sa Indian Ocean. Mas malapit ito dito sa Saudi Arabia kaysa sa Pilipinas. Kapitbahay na bansa niya ang India at Sri Lanka kaya medyo magkakahawig ang mga mukha at kultura nila. At kahit sila ay nasakop ng Briton, nanatiling puro muslim ang bansa. Katulad ng Saudi, tanging Islam lamang ang kinikilalang relihiyon ng bansa kaya aasahan na wala kang makita na anino ng baboy.

Ang pagpunta sa Maldives ay hindi biro. Kailangan ng malaking halaga. Ganunpaman, kapag gusto ay may paraan. Kailangan lamang na pag-ipunan. Kailangang paghandaan para makarating sa Maldives ang isang katulad ko na ordinaryong OFW mula ng Saudi.

Inumpisahan ko munang maghanap ng eroplanong masasakyan. Apat na buwan bago ng bakasyon ay nabili ko na ang round-trip tiket sa Oman Air. Hindi kagandahan ang transit hours dahil sa medyo mababa ang presyo pero ang mahalaga ay marating ang pupuntahan. Ang paghahanap naman ng resort  ay masakit sa ulo. Ang mamahal at ang daming fees na babayaran. Napansin ko lamang, mas mahal ang mga resort na malapit sa kapitolyo ngunit mas mura ang pamasahe dahil speed boat ang kadalasang sasakyan na maghahatid sa isla. Ang mga malalayong resort na mahirap puntahan ay mas mababa ang presyo ngunit mahal ang pamasahe dahil seaplane ang sasakyan. Ang paggamit sa mga pampublikong sasakyang pandagat papunta sa malalayong mga isla ay hindi nirerekomenda sa isang turista maliban na lang kung hindi limitado ang araw ng bakasyon at magtatagal sa bansa .

Naghanap ako ng travel agent na nakabase sa Maldives at napatunayan ko na mas nakakatipid kapag sila ang kumuha ng resort kaysa ako ang personal na magbook sa internet. Minsan, ang mga travel agency na ito ay may mga promo tulad na lang halimbawa kung 3 araw ang naibook ay libre ang isang araw. Ganito pinapahalagaan ng gobyerno ng Maldives ang tourism industry nila kaya kadalasan ng kanilang mga mamamayan ay sa ganitong linya nagtatrabaho.

At dahil di talaga kaya ng budget ang tumagal sa mamahaling resort, pumili ako ng hotel sa Hulhumale. Isang malaking man-made island na malapit sa airport. Maraming pagpipilian na pasok sa natitirang budget ko. Ang mga hotel sa Maldives ay nag-aalok ng mga excursions tulad ng snorkeling, diving, island hopping at day tours sa mga resort. Kung limitado ang kaban ng kayamanan, pwede namang manatili sa hotel at kumuha na lamang ng mga "day pass" sa mga resort na gustong bisitahin. May mga kontak silang mga travel agent na mag-oorganisa ng pagbisita sa mga mamahaling resort.

Ang mosquito repellant at sun block ay mahalagang dalhin dahil maraming kulisap na nangangagat at lamok sa isla. Tama din ang naging desisyon ko na magdala ng sarili kong snorkeling set (mask, snorkel, at fins). Lahat ng aktibidad ay sa tubig at kailangang lumangoy. Mahal ang renta ng ganitong mga kasangkapan sa mga resort.

Sa pagpasok sa Maldives immigration, hindi naman nila hinanap sa akin ang reservation at flight itinerary dahil nakita naman siguro nila na bitbit ko ito. Subalit, nagtatanong ang opisyal kung saang hotel tutuloy. At para makasiguro, mas maayos rin na magdala ng kopya ng iqama. Nagtataka kasi sila na ang isang Pinoy na may dalang Philippine passport ay sasakay sa eroplanong papunta at may final destination na Middle East.
30 days pass ang kadalasang binibigay sa mga turista, katulad nating mga Pinoy, na bumibisita sa Maldives.
Napakaganda ng Maldives sa yamang dagat nito. Dito ko naranasan ang lumangoy na may mga pating at pagi(stingray) sa dalampasigan. Nakakatuwa na ang mga hayop na ito ang kusang pumupunta at nagpapakita sa mga tao. Hindi sila maamo ngunit hindi rin sila mailap katulad nang iniisip natin. Katulad ng Pilipinas, apektado rin nang pagbabago ng panahon ang Maldives. Naobserbahan ko na kada umaga ay may tumpok ng buhangin ang nasa dalampasigan ng resort. May mga heavy equipments din na pinapatag ito. Ang magdamagang hampas ng alon sa dalampasigan ay nagtatapyas ng buhangin sa isla. Kailangan nila itong dagdagan  para maibalik ang mga buhanging tinangay ng alon. Kapag hindi nila ito gagawin, unti-unting liliit ang kanilang isla at baka mabura ito sa mapa.



Monday, December 8, 2014

Kanselado dahil sa Bagyo

Sa tuwing bakasyon, maliban sa kamag-anak na bibisitahin ay kasama din sa talaan ang mga lugar na gustong puntahan. At habang ginagawa ko ang post na ito, kasalukuyang binabayo ng bagyong Ruby (International name Hagupit) ang lugar na akin sana'y destinasyon.

Dalawang buwan kong pinaghandaan ang bakasyong grande kasama ang aking pamilya mula sa domestic flights at mga hotel na aming papanhikan.

Malakas ang bagyong Ruby ayon sa balita ngunit di natinag ang mga television network sa kanilang normal na programa. At sa katulad naming nasa probinsiya na  walang cable subscription at internet connection, ay tanging sa radyo lang umaasa at nakikibalita.

Hindi kanselado ang flight namin papuntang Cebu gayong may typhoon signal ang lugar na iyon mula sa PAGASA. Kaya tuloy ang biyahe at patuloy ang pangangalap ng kapalaran na makarating sa Boracay.

Paalis ng Davao International Airport. Maliwanag at maayos ang kalangitan.
Ganito ang mga ulap kapag maaliwalas ang panahon.
Kakapasok sa kaulapan na sakop ng bagyo. Nanatiling mas mataas sa ulap ang eroplano.
Pumasok na sa looban ng ulap dahil malapit na ang Cebu.
Ganito ang eksena sa ilalim ng mga ulap.
Landing sa Mactan International Airport.
Maulan ngunit hindi kalakasan.
Habang nasa Cebu, tumawag ang airline staff na kanselado ang biyahe papuntang Boracay at ito'y tanggap namin. Aanhin pa ang bakasyon grande kung hindi ka naman ligtas.

Ito ang mga nalaman ko:
1. Mahirap pala ang magparebook ng flight sa mga lugar na dagsa ang turista at may limitadong biyahe. Huwag mong asahan na makakasakay ka kinabukasan.
2. Madaling magpakansela ng flight iyon nga lang may fees. At dahil FORCE MAJEURE, may full refund. Kung paano maibabalik ang bayad, iyan ay hindi madali.
3. Mahirap kontakin ang mga airline hotline numbers sa ganitong pagkakataon. Marami kasing stranded na pasahero ang pumipindot para sila kausapin.
4. Ang hotel sa Boracay na aking tutuluyan, 10% ang down payment na hiningi at ito ay non-refundable. Nakahanda sila sa ganitong klase ng pangyayari. May iba kasing hotel na full payment ang kailangan.
5. Maging flexible sa biyahe. Nararapat lamang na magkaroon ng Plan B nang hindi masayang ang oras at panahon. At higit sa lahat, nang hindi masyadong malaki ang maidagdag na gastusin.

Kapag imposible at mahal ang rebooking at re-routing ng flight, mas maiging maghanap na lang ng magagandang lugar sa malapit.

Saturday, August 23, 2014

Gala sa Riyadh

Higit kalahating oras lulan ang eroplano o di kaya ay apat hanggang limang oras sakay ng kotse  at tatahakin ang disyerto mula sa Dammam, Eastern Region ay mararating na ang Riyadh. Ito ang sentro ng bansang Saudi Arabia.
Rising buildings while approaching Riyadh City from the airport.
Ang Riyadh ang kapital na siyudad ng bansang matagal nang pinagsisibilhan ngunit ngayon pa lang napadpad. Kung hindi dahil sa passport kong malapit nang mamaalam ay hindi ko masisilip ang lugar na ito.

Tama nga ang deskripsyon ng kasamahan kong Arabo. "There's nothing in Riyadh. No farm, no oil..Only desert!" Paano ba naman kasi, ang siyudad ay nasa kalagitnaan ng malawak na disyerto. At dahil ito ang kapitolyo, makikita rito ang maraming imprastraktura at mga gusali indikasyon ng isang maunlad na bansa.

Manghang-mangha ako sa disiplina na meron sa lugar na ito. Malinis at nagtataasan ang mga gusali. May tamang lugar para sa pabahay at para sa komersyal na establisyamento. Maraming magaganda at kakaibang disenyo ng mga gusali, mosque, at mga kainan. Malayong malayo sa lugar na pinagtatrabahuan ko.
Kingdom Tower, ang landmark ng Riyadh.
Napadpad sa Olaya Street na (o-le-ya) pala ang tamang pagbigkas. Napuntahan at naakyat ang matayog na Kingdom Tower na animoy "Eye of Mordor" sa pelikulang "Lord of the Rings". Napasok at narating ang mahigit 300 metro na skybridge nito mula sa lupa. Napagmasdan ang buong siyudad at ang galaw ng mga sasakyan sa ibaba. Mas mataas ito sa skybridge ng Petronas Twin Tower na napuntahan ko noong 2008.

Sa Olaya pa rin, nandito rin ang isa pang tower na kakaiba din ang anyo, ang Al-Fasaliyah Tower. At dahil kinapos ng oras ay hindi na nagawang puntahan pa.
Al-Fasaliyah Tower
Pulang buhangin. Sandstorm area dalawang oras mula sa Riyadh.
Ang Riyadh ay tahanan ng maraming Pinoy na nagsusumikap para maitaguyod ang pangangailangan ng kanyang pamilya. Kadalasan makikita sila sa mga klinika, ospital, opisina at mga restaurants dito sa kapitolyo.

Wednesday, February 19, 2014

Jollibee is Now in Jubail

Dati, tuwing bakasyon kasama ang Jollibee sa mga kainan na gustong puntahan. Nakakamiss kasi ang gravy at chickenjoy nito. Ngunit ngayon, kasama na namin si Jobee dito sa Jubail, Saudi Arabia.

Jeddah Street, Jubail
Family Section Counter
Chickenjoy and Spaghetti

Delicious trademark
Palabok and chickenjoy

Family room


Customers

Monday, February 10, 2014

Balikbayan: Mga Pagkain na aking Binabalikan

Lahat tayo may mga pagkaing namiss at gustong matikman sa pag-uwi. At sa pagbabalikbayan ko sa bayan o "banwa" ng Mlang sa North Cotabato ay muli kong malalasap at matitikman ang mga pagkain na naging dahilan para ako'y mag-ambisyon at naging inspirasyon upang patuloy na tuparin ang aking mga pangarap.

Sa aking pag-uwi sa aking bayan, ang mga pagkain na aking hinahanap ay ang:

1. Law-oy - Iba't ibang uri ng gulay na may sabaw. Ito'y mga gulay na makikita at nakatanim lang sa bakuran ng bahay. May sitaw, talong, saluyot, at iba pang gulay na gustong ilagay depende sa makakaya ng sikmura. Magkaiba rin ang version ng bawat kusinero na nagluluto nito.  Pero mas masarap ang law-oy na version ng sariling kapamilya.
Maganang kumain lalo na kapag may sawsawan na bagoong isda.

Law-oy with bamboo shoots
2. Binilugang Manok - Matinding habulan para hulihin ang "native" na manok na pangunahing sangkap sa pagluluto lalo na kapag hindi naabutan sa kulungan ang manok na hinahanap. Ngunit sulit naman ang pagod kapag nakahigop na ng sabaw ng binilugang manok (tinolang buong manok).

Espesyal ang handaan dahil sinisiguradong nasa hapag ang lahat na miyembro ng pamilya bago simulan ang kainan. Unahan kasi sa paboritong parte ng manok.

Binilugang Manok
3. Kakanin - Mahilig ako sa kakanin tulad ng biko, "inday-inday", bibingka, at suman. Mas lalong masarap ang kakanin kapag ang malagkit na bigas ay mula sa kaban na nasa bahay (sariling ani) at hindi iyong commercial rice na nasa palengke.

Matagal at kumplikado ang proseso ng pagluluto na tanging ang mga tinaguriang "MASTER" lang ang nakakagawa.

Bibingka ni Auntie Saning

Marami na ring prutas sa Mlang at darating ang panahon na maging signature fruit na ng bayan ang:

4. Pomelo - "Mas matamis ang pomelo na nanggaling sa Mlang", ito ay ayon sa fruit vendor na nakausap ko. Ang pagiging matamis ng pomelo ay depende sa lokasyon at lupa kung saan ito nakatanim. Kaya mapalad ang bayan at ang mga pomelo farmers sa amin.



Pomelo plantation, Brgy. Tibao, Mlang.

At syempre, hindi ako maaring bumalik sa Saudi na hindi ako nakapag-order ng:

5. Batchoy - Bata pa lang ako, ito na ang nasa bukambibig sa tuwing pupunta sa bayan. Masarap ang timpla ng batchoy na nasa bayan. (Di ko pa kasi natitikman ang La Paz Batchoy na nasa Iloilo). Sa karenderia ni Nacar, laging blockbuster ang pila sa maliit na puwesto nila. Marami ang pumipila sa P35 kada bowl na batchoy. Hindi kumpleto ang bakasyon kapag hindi nakahigop ng sabaw nito.

Nacar's Batchoy, Poblacion, Mlang photo from Ms. Socorro





Tuesday, June 4, 2013

Highland of North Cotabato

Tuwing bakasyon, beaches o resorts ang laging pinupuntahan.
Iba muna sa ngayon.
May mga magagandang lugar pala na malapit lamang at di na kailangang gumastos pa nang malaki.
Ito'y iyong malalaman kapag ika'y saglit na umalis at muling nagbalik.

Ang bayan ng Arakan sa North Cotabato ay nakakabighani. Maganda ang mga tanawin at maihahantulad ito sa Baguio dahil mataas din ang lugar.

Maraming lugar dito sa barangay ng Sto. Nino ang naging normal na tanawin lamang sa mga lokal na nakatira pero bumusog sa aking mga mata. Isa na dito ang Linaw.

"Maligo tayo sa Linaw". Linaw ang tawag sa magandang parte ng sapa. Mistulang small twin falls. At may isa pang talon sa gilid.

Ako: "Saan galing ang tubig?"
Tinanong ang isang bata habang tinuturo ang bumabagsak na tubig sa gilid. Ang gagaling nilang lumangoy.
Bata: "Sa ilalim ng puno ng niyog!"
Tama nga. May puno ng niyog nga sa itaas!