Showing posts with label Inspirations. Show all posts
Showing posts with label Inspirations. Show all posts

Wednesday, February 11, 2015

Buhay ng Trailer Driver sa Saudi

Kasama sa trabaho ang pagsundo ng mga trailer truck na may lulang chemical tank sa gate ng kumpanya. Ito ang nagsusuplay sa amin ng kemikal na ginagamit sa plantang pinagtatrabahuan. At sa linggong ito, ang mga driver na naghahatid ay mga Pinoy.

Nang minsan ako ang nangangasiwa sa pagdiskarga nang laman ng tangke ay napagkuwentuhan namin ng isang Pinoy driver ang kanilang kalagayan sa pagmamaneho ng sinasakyang trailer truck at ang buhay nila bilang driver.

Gusto ko sanang kuhanan ng larawan o di kaya ay mairekord ang mga pinag-usapan namin. Kaya lang bawal ang cellphone at camera. Kailangang iwanan sa guard house ang gadget sa tuwing papasok sa planta. Ganunpaman, masaya pa rin ang aming kuwentuhan at ito ang mga nilalaman ng aming usapan.

Highway in Abqaiq, Saudi Arabia.
"Galing pa kami ng Jeddah, nandoon ang base namin. Halos isang linggo na kami dito. Tumambay pa nga kami ng ilang araw sa may check point dahil nahold kami ng pulis. Paso na kasi ang mga gate pass ng trailer.

Iyong truck lang ang amin dahil iba-iba ang aming hinihila. Kung ano ang inuutos sa amin, iyon ang aming naging trabaho. Hindi namin alam kung kailan kami makakabalik sa aming base. Hanggat may trabaho pa ay dito muna kami sa Jubail pansamantala.

Sa bawat biyahe, binibigyan kami ng kumpanya namin ng allowance. Iyon ang kinukuhanan namin ng gasolina at pagkain. Kaya masaya kami kapag may biyahe dahil may extra income kami. Ang allowance na binigay ay tinitipid namin. Hindi kami laging bumibili ng pagkain sa mga restaurant. Nagluluto kami. Meron kaming maliit na gas stove, kaldero, galon ng tubig at mga de latang pagkain. Sa oras na nagugutom ay may kanin at ulam kaming nadudukot habang nagmamaneho.

Ang sasakyan na iyan ang naging bahay namin. Kung saan man kami makakarating, siguradong mayroong barracks na nirerentahan ang kumpanya namin. Ang kaso, walang parking space para sa mga malalaking sasakyan na tulad ng dala namin kaya malimit di na kami natutulog doon. Sa sasakyan na kami natutulog."

"Maayos ngayon dahil taglamig. Pero kapag tag-init, para kaming ginisa ng sariling pawis dahil sa init. Hindi kasi kaya ng aircon ng sasakyan na palamigin ang loob."

"Kung saan may malawak na lugar, doon kami humihinto. Magluluto at matutulog. Kapag sa tabi ng dagat, nakakapamingwit kami. May huli at ulam na kaming isda bago umalis. Inaalam din namin ang susunod na istasyon na puwedeng maligo at para sundin ang tawag ng kalikasan. Hindi naman puwedeng basta na lang tumabi at huminto sa daan dahil delikado. Malalim kasi at malambot ang gilid ng kalsada at baka mabaon ang mga sasakyan namin. Kaya sinisigurado na may tamang pundasyon ang mga lugar na hihintuan katulad ng ilalim ng tulay at mga gasolinahan. Kapag may problema at di na kayang tumakbo pa, tatawag lang kami para magparescue sa tauhan ng kumpanya. Kung sino ang nasa malapit na bayan ay siyang magliligtas sa amin.

Hindi ito Pilipinas na ang bawat truck ay may kasamang pahinante. Dito, ang driver ay mag-isa kaya ang lahat ay nasa aming kamay. Ang sariling kaligtasan at ng truck na minamaneho. May nagnanakaw din ng mga gulong ng sasakyan dito. Yung sa amin, walang nagkainterest dahil puro China made ang mga iyan.

Noong bago ako rito ay mahirap dahil hindi pa kabisado ang daan at pahirapan ang magtanong. Pero ngayon ay may kaunting alam na sa lengguwahe ng Arabo at may celphone na kaya medyo madali. Kaming magkakasama, nagtatawagan kami kung saan ang daan para ihatid ang mga kargamentong hila namin.

Ang matinding kalaban namin dito ay ang "truck ban". Bawat bayan ay may iba't ibang oras para sa pagdaan ng mga truck. Kailangang sa oras na iyon ay makakarating ka na at kung hindi ay matatambay ka sa tabing daan at sa susunod na araw pa ang alis mo. Kaya minsan walang tulugan, para lang maabutan ang oras. Matutulog na lang ulit kami kapag nakaligtas at nasa loob na kami ng bayan."
 
Kapag itong tangke ng chemical ang dala namin, mauga kapag kalahati. Umaalog kasi ang laman. Pero kapag puno o di kaya walang laman ay walang problema. Hindi namin minsan alam kung ano ang mga karga namin. Binabasa lang namin ang MSDS na nakalakip sa dokumento na aming dala. ", pagkukuwento ni Kuya.

Red sand dunes near Riyadh.
Ang Material Safety Data Sheet (MSDS) ay isang dokumento na naglalaman ng impormasyon ng isang produkto. Nakasaad dito ang kanilang chemical components, chemical at physical characteristics, kung gaano ito ka delikado at kung paano ito maiwasan, at marami pang iba. Mahalaga itong basahin para sa kaligtasan ng kumakarga.

At dahil lagi naming ginagamit ang kemikal na ito, ibinahagi ko kay Kuya ang ilan pang kaalaman at impormasyon para makilala niya nang husto ang kargamentong dala niya. Sabay na rin nang pasasalamat sa pagbahagi ng kanyang karanasan bilang isang trailer truck driver dito sa Gitnang Silangan.

Tuesday, July 8, 2014

Kuwento ni Kabayan - Danny

May mga araw dito sa Saudi na kailangan mo ng kababayan na makakausap at kakuwentuhan. At sa bawat kuwento na iyon, iyong mapapansin, na ang kanyang naranasan ay di nagkakalayo sa iyong sariling kwento. Ikaw ito kabayan!

Si Danny, di totoong pangalan
Waiter, Taga Davao 
10 months sa Saudi


Napagdesisyunan namin na lumabas at kumain sa isang restaurant. Mga 80% ng staff dito ay Pinoy. Kasama ang aking mag-ina at mag-asawang kaibigan, pinasok namin ang restaurant kung saan mayroon silang Ramadan Iftar promo na 59 riyals kada tao sa isang set ng appetizer, soup, salad, main dish, at bottomless drinks.


Kunafa - ay isang pagkain na yari sa cheese at cream. Hinahanda tuwing dinadaos ang Ramadan, ngunit dahil sa kakaibang sarap, mabibili mo rin ito sa mga bakery at pastries.
Kinuha ng waiter ang aming mga order. 

At habang naghihintay, may isang waiter ang nagbigay sa isang taon kong anak ng krayola at coloring book kahit di pa ito marunong magkulay. Sinubo pa nga ng anak ko ang krayola! Ganito talaga dito sa Saudi, may token ang mga bata kapag pumasok sa mga kainan o tindahan. Pinapahalagahan nila ang presensiya ng isang bata sa kanilang mga negosyo. Naging practice na nila ito. 

Ilang minuto pa, bumalik ulit ang waiter at binigyan ang anak ko ng lobo. Hindi lang isa kundi anim na makukulay na lobo na nakabugkos.

Masaya ang talakan ng magkaibigan lalo na sa harap ng pagkain. May kuwentuhan, kaunting tawanan at siyempre di rin ligtas sa eksena ang anak ko. Umaaksiyon kasi siya kapag kinakanta ng mommy niya ang "Incy Wincy Spider". Nagpapakitang gilas.

Sa aming kasayahan, may mga mata palang nagmamasid sa amin. Nalaman namin ito noong hinatid ng waiter ang pasta na huling hinanda. Nakalimutan yata! Siya iyong waiter na nagbigay ng token sa anak ko.

"Ilang taon na po siya?", itinatanong ng waiter ang edad ng anak ko.

"One year, and four months", sagot ni Misis.

Makikita sa kanyang mukha ang pananabik. "Ang anak ko nine months pa lang. Kakalibing niya lang last week....."

"May sakit siya sa baga... komplikasyon pa simula noong isinilang siya...Isang buwan din siyang nasa hospital. Hindi ako nakauwi dahil bago pa lang ako dito. After 2 years pa kasi kami makakauwi dahil sa kontrata...Pumayag naman yong boss namin na umuwi ako kaso sagot ko ang gastusin.. Mahal kasi ang pamasahe sa eroplano at iyong mga dokumento pang kakailanganin... Kapag umuwi ako, malulubog ako sa utang at di rin ako sigurado kung may babalikan pa akong trabaho..." 

"Naiintindihan naman ng amo ko ang pakiramdam ko kaya hindi ako pinatrabaho ng isang linggo dahil di ako makapagconcentrate ..." Salaysay niya habang namumugto ang mga mata dahil halatang pinipigilan ang pag-iyak.

Hindi tumagal ang usapan namin dahil kailangan niya pang bumalik sa kusina. At habang inuubos namin ang pagkain, nahuhuli namin ang waiter na titig na titig sa anak ko na nakaupo sa high chair. Naiiyak.

Kahit kami di rin mapigilan na madala sa emosyon niya. Hindi lamang dahil isa siyang OFW, kundi dahil pareho kaming mga magulang. Mahal ko ang sarili  ko noong binata pa ako. Ngunit sa ngayon, mas mahal ko ang anak ko kaysa sa sarili ko. Ang mawalay sa pamilya ay sobra nang pahirap. At sa kaso naman niya ay sobrang sakit. Isinilang ang una niyang anak at inilibing na hindi niya man lang nakarga at nayakap.

Salamat kabayan sa pagbahagi ng iyong buhay. Alam ko, kailangan mo iyan para gumaan ang iyong pakiramdam. Ang ipinakita mong katibayan ay nagsisilbing inspirasyon sa aming mag-asawa. Namatayan ka man ng anak ay isa ka pa ring dakilang ama. Hindi mo man sinasabi, alam ko, sinubukan mo siyang isalba. Marahil iyan ang dahilan mo kaya nandito ka ngayon sa Saudi.

Saludo ako sa iyo Kabayan!

Saturday, March 29, 2014

Education for the next Generation

Ilang araw na lang, magpapaalam na ang buwan ng Marso.

Graduation day...isang araw ng kasayahan at kalungkutan. Nakakarelate, dahil napagdaanan din naman yan. Ilang graduation ba ang ipinagdaanan mula kinder hanggang kolehiyo.


Ang pagtatapos sa eskuwelahan ay ang inaasam-asam ng bawat estudyante at pinapangarap ng isang magulang para kanyang mga anak. Ang pagtatapos din ang nagsisilbing inspirasyon ko noong nasa elementarya pa. Papasok ng walang baon, paulit -ulit ang ulam na tuyo, at pabalik-balik ang suot na uniporme. Matatapos ang hirap kapag nakamartsa na. Ngunit ang lahat ng ito ay balewala dahil ang mga batang lumaki sa hirap ay masigasig mag-aral hanggang sa makapagtapos. Dala ang paniniwala na ang edukasyon ang mag-aalis sa amin sa kahirapan.

Nang sinapit ang high school, naulit muli ang dinanas. Hanggang sa nakuha ang kursong hindi naman pinangarap ngunit sadyang ibinigay dahil walang pagpipilian. Ikaw ba naman ang papipiliin sa dalawa: kursong di mo gusto o walang kurso!

Mabuti na lamang hindi ako naniwala na pagkatapos ng graduation ay gaganda na ang buhay. Mali ang pananaw na iyan. Dahil pagkatapos ng kolehiyo, paghahanap sa trabaho na naman ang kailangan suungin. Makikipagkumpetensiya para makahanap ng magandang kumpanya. Makatanggap lamang ng sahod para hindi na humingi at umasa pa sa magulang.

Para sa akin, ang pagiging matagumpay ng isang tao ay hindi nakukuha sa taas ng pinag-aralan o mamahaling eskuwelahan. Ang tagumpay ay kung masaya ka sa buhay sa kabila ng propesyon at trabaho. At ang sinasabing trabaho, ay matutunan mo naman ito kahit hindi ka nag-aral sa isang eskuwelahan. Kailangan lang talaga ito dahil kasama ang educational attainment sa qualification. Maliban na lang kung career profession ang gusto tulad ng abogado at doktor. Dahil ang work attitude at ethics naman ay nasa sarili at hindi galing sa mga teacher. At hindi lahat ng tao na nakapag-aral ay matagumpay dahil ang iba diyan ay magagaling na businessman kahit di nakapagtapos ng elementarya.

Ganunpaman, sa kasalukuyang panahon kailangan ng isang individual na maging competitive na tanging sa paaralan lamang natututunan. Mas mataas ang magiging market value ng sarili kapag nakapag-aral. "Education is the key to Success", wika nga.

At sa kabila ng pag-usbong ng mga teknolohiya, (facebook, cellphone), may ibang mga kabataan na nanatiling salat sa buhay. At katulad ko rin dati, sila ay naniniwala na ang edukasyon ang babago sa antas ng pamumuhay.


Sa eskuwelahang ito, dito ako natutong magsulat ng ibang titik maliban sa pangalan ko na itinuro ng mga nakakatanda kong kapatid. Dito ko rin nalaman na may numero pa pala pagkatapos ng 10 dahil yon lang ang natutunan ko sa bahay. At sa eskuwelahan na ito, nililingon ko ang napakaraming alaala ng aking kabataan.

Hindi maitatanggi na may naimbag ang paaralang ito sa antas ng pagbabago sa buhay ko. Hindi ko pa masasabing isa na akong matagumpay na tao dahil may mga gustong bagay pa ako na di ko pa kayang abutin. Kaya sa susunod na pasukan, tutulungan ko ang aking mga kabarangay para sa kanilang "kusang loob" na aktibidad. Sa ganitong paraan ay unti-unti kong masuklian ang naibigay ng paaralan sa paghubog ng aking sarili.

Isang pampubliko ang paaralan at di naman kalakihan ang babayaran ngunit dahil sa hirap ng buhay, kahit bente pesos na bayarin ay napakalaking isyu na tuwing pag-uusapan.

Hindi lamang isa, kundi 20 mag-aaral ang madadagdag sa mga estudyanteng walang babayaran na miscellaneous. Idadagdag sila sa mga estudyanteng tinutustusan na ng mga barangay officials, mga kabarangay na nakakaangat sa buhay, at mga nagtatrabahong mga indibidwal. Maraming salamat sa kanilang paniniwala na kailangan ng bawat isa na magtulungan para makapag-aral ang lahat ng mga kabataan sa aming barangay.

Gustuhin ko mang iadopt ang buong eskuwelahan pero hindi pa kaya ng sariling bulsa. Kunsabagay, wala namang imposible kung maraming tao ang tumutulong.

Ang makikita sa ibaba ay ilan lamang sa mga larawan na nakunan sa isang masaya at matagumpay na Christmas Program last December 2013 in Malayan Elementary School.






Wednesday, December 18, 2013

MAM Awards 2013 Experience

Maagang nagising kahit nasa bakasyon. Isang mahalagang araw kasi para sa blog na ito.

Maliwanag pa ang buwan nang lisanin ko ang bayan ng Mlang,North Cotabato para habulin ang flight sa Davao. Kailangan kung abutan ang awarding ceremony ng Migration Advocacy and Media (MAM) Awards sa Quezon City.

Mag ala-una ng hapon nang lumapag ang eroplanong sinakyan ko sa Manila. Pagkafinal park ng eroplano, nagmadali na kaagad akong lumabas diretso sa sakayan dahil wala naman akong check-in baggage. (Pumunta lang talaga ako sa Manila para kuhanin ang award!).

Migration Advocacy and Media Awards 2013
Larawan mula sa www.cfo.gov.ph
SIKSIKAN. Walang nakatambay na taxi sa terminal 3. Iisa lamang ang available na public transpo, ang airport bus. Dahil naghahabol sa oras, sumakay na ako rito. Sobrang sikip sa loob dahil halos lahat ng pasahero mula sa airport ay sumakay dito. Sa gitna ng init at trapik, nalampasan ko rin ang eksenang ito.
Narating ko ang Taft station sa Pasay. Sa halip na sumakay ng MRT papuntang Quezon, hinanap ko ang SHOGUN Hotel para magrefresh. Naligaw pa ako dahil sa kabilang eskinita ako pumunta. Dinaanan ko ang overpass na sobrang sikip din. Di maiwasan na magbanggaan ang mga tao dahil halos naoccupy na ng mga nagtitinda ang pathway ng overpass.
Nakita ko ang hotel, nagcheck-in. Pasado alas dos na. Naghilamos at nagbihis dahil ayos nakapambahay ako. Kailangan ko ring magmukhang tao sa awarding ceremony!
Pagkatapos ng 30 minutos, ako'y nakahanda na. Kinuha ang ballpen at kapirasong papel. At habang naglalakad papuntang MRT station ay binubuo sa isipan ang acceptance speech na gagawin. Ngunit ito'y nakalimutan nang ang MRT ay animo'y naging lata ng sardinas. Mas ayos pa nga ang sardinas, at kahit paano'y may maaalog pa. Mas dumami yata ang tao sa Manila sa sobrang sikip. Halos di na masara ang pintuan dahil sa siksikan. Ang MRT lang kasi ang alam kong pinakamabilis na masasakyan mula sa Pasay papuntang Quezon City.

SSS Hall, Quezon City. Narating ko rin sa wakas ang SSS building. Alas kuwatro ng hapon. Sa registration area, hinanap ko kaagad si Ms. Reina at Ms. KC ng CFO. Agad naman nila akong inalalayan para makahanap ng upuan sa loob ng venue. Hindi pa nagsisimula ang awarding dahil may ibang programa pa ang patuloy na isinasagawa.

Kabado ako. Di ko pa kasi nabubuo ang acceptance speech ko. Dahil sa totoo lang, di ko talaga alam ang sasabihin ko. Nagsipagdatingan na rin ang mga media at ang ibang mga nanalo.

Alas singko ng hapon, nagsimula na ang programa. Tinawag na ang unang pinarangalan. Itinago ko ang hawak kong ballpen at papel nang nagsimula siyang magsalita para sa kanyang 2-minute acceptance speech. Ganoon pala ang dapat maging speech. Walang dalang papel, hindi memoryado. Effortless, dahil galing sa puso ang speech niya.

Masasabi kong, halos lahat ng mga nanalo ay nagtatrabaho bilang media men. Dahil sanay sila sa public speaking. Hindi katulad ko na tumitibok-tibok ang buong kalamnan habang nagsasalita sa mikropono noong tinawag na ang blog ko na OFW sa Disyerto. Hindi rin nawala ang kaba kaya hindi ko maalala ang naging speech ko.

Pagkatapos ng awarding, inanyayahan ako para mainterview para sa Balitang Middle East ng ABS-CBN. Lalo akong napakamot. Parang di ko kakayanin, pero nagawa ko rin. Natapos rin ang interview.

Naimbitahan din ako ng dinner pagkatapos ng awarding ceremony at kasabay ko ring kumain at kakuwentuhan ang mga media men ng ABS-CBN.

Hindi na ako tumagal pa sa venue. Bumalik na ako sa hotel para magpahinga dahil first trip ulit ang biyahe ko pauwi kinabukasan.

Sulit ang araw na ito.

Other links about MAM Awards 2013:
http://www.cfo.gov.ph
MEGAScene- a publication of Philippine Time-USA

Monday, November 18, 2013

Si Yolanda sa Barber Shop

Sa mga nagdaaang mga araw, tila yata umiikot na hindi pabor sa ating mga Pilipino ang mundo. Minsan, hindi maiwasan na mapaiyak habang pinagmamasdan sa telebisyon ang mga sinapit ng ating mga kababayan sa Kabisayaan. Ang tindi talaga ni Yolanda, na akala ng karamihan ay magwindow shopping lang. Pakending kending na dumating (ang ganda pa naman ng pangalan niya!) ngunit malupit kung humagupit. Halos sinimot niya lahat ang mga kagamitan at iniwang luhaan ang ating mga magagandang  lupain at mga taong naninirahan doon.

Tulong na, Tabang na, Tayo na, Kaon ta! A barbecue for a Cause of M'lang Doctors Hospital's employees. Photo from Summer Mei.
Nakakapanlumo na halos kumpleto na ang napagdaanang trahedya at sakuna ng bansa. Mula sa madugong banggaan ng mga sasakyan, giyera, hanggang sa lindol at bagyo. Makailang beses na bang sinubok ng tadhana ang ating katatagan?

Hindi lamang kalamidad at si Yolanda ang hinarap nating mga Pilipino. Dito sa Saudi, hinarap ng ilan nating kababayan ang repatriation. Sa paghihigpit ng gobyerno, maraming indibidwal ang hindi nakatupad sa kanilang mga pangarap. Ang suki kong barbero ay tuluyan nang umuwi dahil sa pagsunod sa patakaran ng gobyerno. Alam kong hindi pa sapat ang kanyang naipon pero wala siyang magawa. Kailangan niyang bumitaw. Sana maging masaya ang misis niya sa nabili niyang wedding ring. Nahuli ko siyang bumili sa jewelry shop. Papakasal na sila ng misis niya.

Sinilip ko din si Kuya sa kasunod na shop. Nagsosolo. Halos hindi niya maasikaso ang lahat ng kostumer niya. Wala na siyang katulong sa karenderyang pinamumunuan niya. Puro part timer kasi ang mga kasamahan niya at ito'y mahigpit na ipinagbabawal. Parang ako ang napapagod sa kakailanganing liksi ng galaw sa trabahong ito. Sapilitang kinakaya ni Kuya ang kailangang bilis mula sa pagserve ng pagkain hanggang sa pagligpit ng mga plato. Sa edad niya, subsob pa siya sa trabaho.

Napansin ko rin ang kabarkada ni Kuya at ng suki kong barbero na nakatambay sa loob ng barber shop. Panay dial sa kanyang cellphone. Pilit na kinokontak ang kanyang pamilya na nasa Maasin, Leyte. Hindi ko na tinanong kung sino ang tatawagan niya basta hawak niya sa kabilang kamay ang flight ticket niya pauwi.

Isang dagok na naman ang matinding pinagdadaanan ng ibang mga OFW. Mula sa paglisan at pag-iwan sa pamilya ng ilang taon. Tiniis ang pangungulila ng napakaraming buwan. At ngayon, uuwi upang pakalmahin ang tahanang ginulantang ni Yolanda.

Iba talaga ang alindog ni Yolanda. Ilan sa mga OFW ang napaiyak niya. Halos pangalan niya ang bukambibig ng mga tao sa loob ng barber shop at kahit sa trabaho. At halos buong mundo ay nakatutok at napapunta niya sa Pilipinas.
 
Saludo ako! Sa dami ng problemang hinaharap ng bansa, damang dama ang damayan ng mga Pilipino. Bumubuhos ang tulong mula sa mga kapwa Pilipino at kahit tagaibang bansa. Kanya kanyang diskarte para makalikom ng pondo pero iisa ang layunin. Nagkakaisa ang lahat para sa pagtayo ng bagong pag-asa. Naniniwala ako, pagsubok lang ito dahil tayong Pilipino ay lahing matatag.

"The people of the Philippines are some of the strongest, kindest people that I have ever had the opportunity to know. Each trip that I made to the Philippines, I can’t help but be amazed at the kindest that I am shown no matter where I am at there. The people have belief in family that goes far beyond anything that we do here in the states. When you speak of family in the Philippines, they speak of relatives that are 8th, 9th, and 10th cousins as though they were brother and sisters. Family to the Filipino people comes before just about everything else. Family to them is more than just a sharing of DNA, it is a way of life." - an inspiring word describing Filipinos from a person named atet.

Sama-sama, tulong-tulong. Tayong lahat ay siguradong makakabangon.

Friday, February 8, 2013

Bagong Imahe ng Saudi

Taong 2007, nang una kong maranasan ang sumakay sa isang international flight na eroplano. Malaki, maraming lulan.Multi race ang mga cabin crews at may sarili pang monitor ang bawat economy seat. Maraming kakaiba, maraming bago sa aking mga mata. Ngunit, sa kabila  ng bagong experience na ito ay kaba, takot at pangamba. Nagdududa at nagtatanong.Makakaya ko kaya ito?

Saudi Arabia. Sa pangalan pa lang ay mukhang kinatatakutan na.Naging hindi maganda ang pagkasalarawan ng mga OFW na dating nagtrabaho dito. May nakukulong, may nagagahasa, may napapatay, may minamaltrato, may manyakis na amo, may nanakit, may nagsasamantala, at halos lahat ng di magandang salita ay nakadugtong na sa bansang ito. Mga salitang nakapaloob at nakatatak sa aking isipan.

"OFW? Yung nagtratrabaho sa Saudi di ba?". Yun lang ang alam ko noong kabataan ko. At sa kabila ng hindi magandang imahe ng Saudi ay marami pa ring Pinoy na pumupunta doon. Marami pa ring OFW. Ang Saudi raw ay mahalintulad sa impyerno. Napakainit na nga ng klima, di pa raw maganda ang trato ng mga arabo.

Nag-iisa kong hinarap ang mga masasamang imahe ng bansang pupuntahan ko. Wala akong kasabay na aalis papunta sa kumpanya kung saan nahire ako. Walang napagtanungan sa plano, walang braistorming. Sa madaling salita, nagkaproblema ako pagdating sa airport. Hindi ako nahintay ng sundo ko. Lalong tumindi ang takot at kaba. Iyong halos maiyak at gusto nang umuwi. Iyong halos pagsisihan kung bakit napunta pa sa lugar na ito. Nakatayo lang sa kalagitnaan ng mainit na panahon. Yung init na hindi mo alam kung saan nanggaling. Pinapawisan at nag-iisip. Unang sabak ko pa lang sa bansa, imbyerna na kaagad?

May lumapit sa akin na arabong guard. Tinanong kung saan ako pupunta at sinagot ko naman. "Come, follow!". Bigla akong kinabahan. Iniisip ko baka saan ako dadalhin. Tulad sa mga kuwento ng mga dating OFW. Hindi ako sumama. Panay ang iling ko habang turo nang turo ang arabo sa direksyon na iyon. "No. sorry". Hindi pala madali ang pag-aabroad lalong lalo na sa Gitnang Silangan.

Ang tagal ko sa lugar na iyon. Hanggang sa nalaman ko na ang Bahrain ay di pa pala Saudi. At iyong arabong guard kanina, itinuturo ang booking station ng bus na papunta sa Al-Khobar. Sasakay pa pala ako ng bus!

Nagkatotoo nga ang mga pangamba ko. Tuluyan na nga akong iniwan ng sundo ko. At naranasan kong maidlip sa kanto katabi ang bagahe ko sa kainitan ng gabi. Sa haba ng biyahe at pagod, hindi ko na inisip ang peligro kung meron man.

Inabutan ako ng tanghali sa kanto. Umaasa na ako'y babalikan ng sundo. Ang kaba at takot ay dahan dahan at pinipilit kong labanan. Andito na ako at wala nang atrasan. Humuhugot ng lakas para magkaroon ng pag-asa. Hanggang sa nararamdaman ko na wala na nga. Hindi na ako susunduin. Wala na akong hihintayin.

Hindi lahat ng Arabo ay malupit at masama tulad sa mga kuwento ng iba nating mga kababayan. Iyan ay aking napatunayan sa unang araw ko sa bansang ito. Dahil may address naman ako ng kumpanya, sumakay ako ng taxi na nag-aalok na akoy tulungan para makarating doon. Isang oras pa raw ang biyahe. Parang nakahinga ako dahil kahit papano'y humahakbang at may direksyon ang pupuntahan ko. Ibinaba niya ako sa isang lugar sa Dammam at kinausap ang isang arabo. Inirefer niya pala ako sa ibang taxi. Hindi niya daw kasi ruta ang bayan na iyon.

Napawi ang kaba habang binabagtas namin ang kahabaan ng malawak na highway. Mukha namang mabait ang driver at marami naman kaming pasahero. Ang laking pasalamat ko sa Panginoon at sa mga mababait na tao na una kong nakilala.Tinawagan ng arabong driver ang kumpanya namin para ako'y sunduin sa bayan. Napangiti na ako di tulad noong mga nagdaang mga oras. "One of them your company" habang itinuro ng arabong driver sa kalayuan ang nagkukumpulang mga kumpanya. Malapit na kami sa bayan.

Ang Saudi Arabia ay walang ipinagkaiba sa ibang bansa tulad ng Pilipinas.
Sa kabila ng kanilang kakaibang kultura at tradisyon ay hindi rin ito perpekto.
Minsan kasi, nagiging bias at racist tayo sa ating mga sinasabi patungkol sa hindi natin kalahi. Ayaw natin ng racial discrimination pero kung tayo makapagbato ng salita ay parang tayo rin mismo ang nabubukulan.

Kung may masasama at malulupit na arabo, mayroon din namang mabubuti at mababait. At kung tamad silang magtrabaho (hindi lahat), meron din namang OFW na may angking katamaran din. (Isa pa, kaya nga tayo nandito dahil sa kanila, di ba?). Kung may mga pasaway, marami din naman sa atin.

Kapag nagnakaw ang isang Pinoy, hindi ibig sabihin na ang lahat ng Pilipino ay magnanakaw. di ba?

Ang pag-uugali ay wala sa lahi o nationality! Iyan ang napatunayan ko sa pakikipagsalamuha sa iba't ibang mga dayuhan. Nasa pagkatao iyan. At isa pa, wala namang expat ang magtatagal sa Saudi kung sila'y naniwala sa mga kuwento.

Monday, January 14, 2013

Kuwento ni Kabayan - Ric

May mga araw dito sa Saudi na kailangan mo ng kababayan na makakausap at kakuwentuhan. At sa bawat kuwento na iyon, iyong mapapansin, na ang kanyang naranasan ay di nagkakalayo sa iyong sariling kwento. Ikaw ito kabayan!

Ric
Production Staff at 5 years na dito sa Saudi
Taunang nagbabakasyon
Taga Cavite

Napakamasipag.
Iyan isinasalarawan si Ric o "Mang Ric" ang tawag ng karamihan. Sa edad na mahigit 50 anyos, naisasagawa pa niya ng maayos ang kanyang trabaho. Daig pa niya ang mga kabataang empleyado sa sipag at diskarte. Iba na talaga ang may mayabong at mahabang work experiences. Isa siyang licensed Chemical Engineer at supervisor sa Pilipinas ngunit naging technician dito sa Saudi. Di bale, mas malaki naman ang sahod niya kung ikumpara sa Pinas. Mas lumitaw ang pagkamadiskarte niya nang pinili ang CASH kaysa sa CAREER.

Noong nasa Pinas pa siya, kahit pumapasok  siya sa kanilang kumpanya ay nagagawa pa niyang magdelihensiya sa pamamagitan ng pagmamaneho ng kanilang traysikel pagkatapos ng duty. Sayang daw kasi ang kikitain niya sa dalawang oras na pamamasada. Pang-ulam na daw ito ng mag-anak niya.

Dito sa Saudi, abot pa rin ang kasipagan ni Mang Ric. Wala siyang patawad kapag tinatawagan para mag-overtime. Mas malaki ang kikitain kapag maraming overtime. Kahit nga minsang, paika-ika siya sa paglalakad dahil umaatake ang rayuma niya.

Saksi  rin ako sa pagiging masinop ni Mang Ric. Noong unang taon niya, nakabili kaagad siya ng isang bus na pumapasada sa Cavite. Pagkatapos ng dalawang taon, nakabili ulit siya ng isa pa. " Mag-asawa ho yata ang binili mong bus Mang Ric? May anak na sila!". Nadagdagan ang bus ni Mang Ric nung bumili siya ng pangatlo noong nakaraang taon. Bakas ang kasayahan sa mukha ni Mang Ric lalo pa't maganda ang buwanang kita ng kanyang mga pinuhunan.

Noong isang araw, kuwentuhan kami ni Mang Ric. " Pinagreresign na ako ni Misis. Sobrang miss niya na ako. Sayang daw ang mga panahon na dapat para sa aming mag-asawa dahil matatanda na kami. Pero sayang kasi. Magaan lang naman ang trabaho dito. Kaya ko pa naman at di pa stabilize ang kita ng mga bus. Gusto ko pang magpatuloy hanggang dalawang taon pa."

Nahohomesick din kaya si Mang Ric? Tag-init man o taglamig, makikita mo si Mang Ric na naglalakad. Sukbit ang bag na lagayan ng kanyang fishing rod. Nasa dalampasigan ng Persian Gulf, nahahanap niya ang kanyang libangan.

Saludo ako sa iyo Mang Ric!


Maraming Pinoy ang naeengganyo sa pangangawil. Libangan na, may ulam pa.

Saturday, December 1, 2012

Hintayan sa Pre-departure Area

 NAIA 1 Terminal, Manila

Oras na naman ng pag-alis.
Nakaupo sa pre-departure area ng airport.
Hinihintay ang pagbukas ng Boarding Gate ng eroplano na sasakyan pabalik sa Gitnang Silangan.

Si Kuya. Ang masayahing naghihintay. Humahalakhak habang may kausap sa cellphone.
Nakasaksak sa tenga ang headseat at banaag na masaya ang kuwentuhan nila.
Malakas tumawa ngunit mahina ang boses para hindi makadistorbo sa iba.
Masaya siyang aalis.

Si Ate, tahimik na nakaupo.
Pinagmamasdan ang bughaw na kalangitan na masisilip sa bintana. 
Malayo ang iniisip. May bahid ng kalungkutan.
Biglang kinuha ang cellphone, may tumatawag. Saglit na nag-usap.
“Ingat”, ang katagang huli kong narinig. Sabay pahid sa butil ng luha na dumaloy sa pisngi. 
Tumatagas mula sa kanyang salamin ang marami pang luha.
Emosyonal ang paghihintay.

Si Manong, ang nagmamay-ari ng limang upuan sa bahaging likuran.
Ang bag na dala ang nagsilbing unan ng kanyang panaginip.
Mahimbing na natutulog. Marahil dahil sa pagod at haba ng biyahe galing probinsiya.
O baka dinadaan na lang sa tulog ang sakit ng kalooban ng paglisan.
Minsan antok ang tanging sandalan kapag ang puso ay pagod na sa iyakan at kalungkutan.

Hintayan….Pre-departure Area....
Dito nagsisimula ang sakit na homesick. 
Ilang saglit na lang ay lilisanin at iiwan na naman ang pamilya at ang bansa.
Dito nagsisimula ang pagtagpi sa simple o matayog na pangarap ng karamihang OFW.
Dito binubuo ang mga susunod kong plano.
Dito rin ako nag-uumpisang magbilang ng araw at buwan ng aking susunod na bakasyon.

Aalis ako ngayon, pero ilang buwan na lang bakasyon na ulit.
Excited ako!
Hindi sa aking pag-alis, kundi sa muli kong pagbabalik. Makikita ko ulit ang mga mahal ko.

Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon!

Thursday, November 15, 2012

PEBA, Panalo!

A kinse na pala! End of submission na ng mga blog entries na lalahok sa PEBA blogawards.
“Blogger ka pala?” Ang sagot ko, hindi naman… 

Nagsusulat ako pero di ko masabing ito’y kinahiligan ko. 
Nagsusulat lang ako sa panahong may gustong gawin o may bagong ideya. Kapag nakaengwentro ng problema at nakaisip ng solusyon. Kapag may inspirasyon o may napupusoang paksa. Kapag may mga salitang gustong sabihin ngunit di kayang bitawan. Hindi ko man ito maibigkas, tiyak ito’y aking maisulat.

Sa unang pagkakataon, sumubok ang blog na ito na sumali sa isang patimpalak. (Pipilitin pa rin nitong sumali sa susunod na taon). May mga dahilan kung bakit. Una, gusto ko ring ibahagi ng aking mga karanasan. Sinasabi na ang ating sariling karanasan ang humuhubog sa ating pagkatao. At ang magandang karananasan na iyon ay walang silbi kung ito’y ating sinasarili. 

Pangalawa, maging visible ang site na ito. Dati, tanging ako lang ang nagbabasa at may mangilan-ngilan ding napadaan. Katulad ng expressway, walang hassle at walang traffic. Hindi naman kasi ito ganoon kainteresado. Meron kasi akong sinusunod na blog content kaya ito lang ang pwede kong maipost. Ganunpaman, may ipinagbago na ngayon. Biglang dumami ang bisita sa site. Halos dalawang libong clicks ang nadagdag sa counter. Malamang may nagtatanong. Paano nakasali ang blog na ito? Nakakatuwa! Para na akong nanalo!

At higit sa lahat, gusto kong magkaroon ng badge na katulad nito.


Kahit di manalo, basta ako ang nakahawak ng numero uno!

Maraming salamat po sa pagkakataon. 
At sa lahat ng organizers at mga kalahok, mabuhay po kayo!
At sa mga mananalo, congratulations!

Monday, October 8, 2012

Abroad Love Story


A playmate since childhood whose grown up and separated during high school. A friend and text mate on college, experienced that courting a friend seems like a curse.What is the problem of courting a girl through text? Besides, he's in other part of the world and she's in Philippines. But YES, they did it! Since, he loved her from the start.

"Can you wait for me?" "If you ask me to, then I will!"
A lover's conversation, a pledge.

Miles away separated them. After three years as OFW, they fulfilled their promises and tightened their bonds on wedding. A couple proved that long distance is not a hindrance to a successful relationship. Oceans, islands, and mountains are showing only physical distance but emotions, feelings and spirit of true love are still intact and inseparable.


(This is my entry to "Love as I see it".
A project of www.islandrose.net flowers Philippines)

Friday, September 28, 2012

Nangarap maging OFW


Sa probinsiya.
Nakapag-apply ng trabaho sa abroad. Pumasa.
Inasikaso ang papeles at kaukulang dokumento.
Kinondisyon ang sarili para sa nalalapit na pag-alis.
Nag-impake.
Nagpaalam sa pamilya.


Sa Manila.
Ipinasa ang mga dokumento.
Sigurado na ang pag-alis dahil may visa nang nakalaan.
Nagpamedikal. Pumalya.
Humingi ng pangalawang opinyong medikal.
Positibo. Sablay nga!
Ang walang hiyang sakit. Di mo inaasahan. Di mo matanggap.


Kapalaran na maging isang OFW minsan nakakawalang gana.
Nandoon ka na! Kaunti na lang sana.
Nakakalungkot. Nakakaiyak.


Ganun talaga ang pangarap.
Parang ulap sa alapaap.
Nahahawi ngunit paunti-unti at mabagal.
Natutupad pero may mga pagsubok. Kailangan labanan. Kailangang mapagtagumpayan.
Kailangang maghintay. May tamang pagkakataon.


Patuloy lang tayong mangarap kaibigan.
Ang pagiging isang OFW ay sadyang ganyan!
Maging matibay sa bawat hamon ng masalimuot na buhay at unos ng masamang pagkakataon.
Marami pang magandang oportunidad ang sa iyo ay nakalaan.
Mga pagsubok ay siguradong malalampasan.

(Bird's eye view near Manila)

Sunday, September 16, 2012

An OFW, a Blogger

Malungkot ang malayo sa pamilya..
Ganunpaman, di ako nag-iisa.
Nandiyan ang kapamilya,kaibigan, at lahat ng kakilala.
Nakikinig, nakikitawa, nagbabasa.

Sa ngayon, kasama ko na ang mahal na asawa,
At binubuo sa Saudi ang masayang pamilya.
Nandiyan pa rin ang kapamilya, kaibigan , at kakilala.
Nagkukwentuhan, naghahalakhakan, nagsasaya.

Social Media, paano na ang OFW kung wala ka!


(Ang video ay entry ko sa taunang patimpalak, PEBA 2012 PINOY EXPATS/OFW Blog Awards)
Mabuhay po kayo PEBA!





Wednesday, August 1, 2012

OFW, Bagong Bayani nga Ba?

Maglilimang taon na ako dito sa Saudi. At para yatang mapabilang ako sa mga OFW na di malaman kung saan napunta ang perang pinagtrabahuan. Wala pa rin akong ipon! Di naman ako magastos at maluho. Ang lahat ng gusto kong bagay o lugar na pupuntahan ay pinag-iipunan. Isa rin ako sa mga taong pinalaki sa utang ng mga magulang pero di nakasanayan ang mangutang. Ayokong mangutang! Sapat naman ang kinikita ko dito. Mayaman na sana ako kung sarili ko lang ang pinapalamon ko.

Maglilimang taon na. Marami na rin akong natulungan. Naipagawa ng malaki at matibay na bagong bahay ang mga magulang at nabigyan ng panghanapbuhay ang may asawa ng mga kapatid. Iyon nga lang, di ko naman hawak ang paglago ng kanilang kabuhayan. Lagi ko ngang binabanggit sa kanila na hanggang sa puhunan lang ako. Ang diskarte sa kanilang pag-asenso ay hawak din nila. Hindi maitatago na umangat ang pamumuhay ng pamilya simula noong nasa Saudi ako.

Maglilimang taon na. Wala akong hinahangad kundi maging mapanatiling malusog ang lahat. Iniisip ko nga, ayos lang sa akin kahit walang ipon kung ang kapalit nito ay panghabambuhay na magandang kalusugan ng mag-anak ko. Aanhin ko naman ang malaking ipon kung palagi namang may nagkakasakit sa pamilya. Masaya na ako sa tablado kapag kalusugan ang kalaban.

Maglilimang taon na. Ang maayos na kasal (walang utang) at munting bahay kubo pa lang ang masasabing naipundar ko. Wala pa sa kalagitnaan ang mga sinusuportahan kong kapatid na nag-aaral. Magbibilang pa ako ng maraming taon para makapagtapos sila at masasabing tagumpay ang pinuhunan ko. Tuloy pa rin ang buwanang sustento sa pamilya. Parte kasi iyon ng di maiwanan kong obligasyon bilang anak. Ang pagbibigay ng sukli sa pagpapalaki ng mga magulang. Ako'y naging sandigan lalo na sa problemang pinansyal. Talagang ganoon yata ang papel ko.

Maglilimang taon na. Tuloy tuloy pa rin ang trabaho ko dito. Di ko naman masasabing kayod kalabaw o kayod marino ang trabahong napasukan ko. Nakakapagod pero ganoon talaga ang trabaho, kailangang pagpawisan. Bata pa ako para tumigil at magpahinga. Marami pa akong gustong gawin at lugar na pupuntahan. Magagawa ko lamang iyon kapag dito ako, malayo sa pamilya.

Sa nakaraang SONA ng pangulong Aquino, napangiti ako na kahit paano may kaunting ipinagbago ang bansang kinamulatan ko. Kahit kapalit nito ang lumiliit na palitan ng ipinapadala kong pera sa pamilya. Walang problema sa akin kung di man nabanggit ang mga OFW sa kanyang talumpati. Ang mahalaga, ginagawa ko ng maayos ang trabaho para mabuhay ko ang sarili at ang lumalaki kong pamilya. Kung nadampian man ng tulong ang ekonomiya mula sa kakapiranggot kong padala ay isa yan sa napakagandang balita. Hindi lang pamilya ang natulungan ko kundi pati na rin ang bansa kahit sa konting pamamaraan.

Maituturing na nga akong bayani ng pamilya ko. At ang bayani, sa pagkakaalam ko, gumagawa ng mga bagay na walang hinahangad na kapalit. Di naghihintay ng papuri!

Saturday, March 24, 2012

Mahirap maging Malusog

"Uminom ka ng gatas, ikaw ay lalakas. Kumain ka ng itlog, ikaw ay lulusog." Inggit na inggit ako sa kantang ito noong nasa elementarya pa ako. Kung itlog nga ay madalang lang naming ulam, ang gatas pa kaya!
Kaya ako ay patpatin dahil kulang daw ako sa mga kinakain sabi ng isang titser. Paminsan-minsan daw, kailangan ko ring kumain ng karne. Panay kasi napapansin ni titser na laging tuyo ang baong ulam at masama ito sa kalusugan ng mga bata. Patpatin nga ako pero di naman ako sakitin.
Mahirap ngunit masaya talaga ang buhay sa lugar na malayo sa kabihasnan. Sa lugar na ang pagbubukas ng lata ng sardinas o noodles sa hapag kainan ay para sa mayaman at maykaya. Halos 12 taon kong naranasaan ang walang kalsada at kuryente.
Pinakas - salted and dried fish
Maliban sa mga gulay na napipitas lang sa paligid ay tuyo na ang lagi naming ulam. Yun lang kasi ang nakakatagal. Di ko malilimutan ang pinakas (isda na hinati sa gitna at ginawang tuyo). First class na isda daw ito ang sabi ni Ermat. Isa pa yung tuyo na goodbye-my-head dahil kusang natatanggal ang ulo kapag piniprito. Ang tuyong dilis na animo'y pako sa lalamunan pero masarap kapag nilamas sa may labanos. Ang bagoong alamang na nakakaengganyo ang amoy kapag ipinatong sa mainit na kanin. Ang bagoong isda na hinalo sa binate na itlog. Oo nga pala, ang itlog na kailangan pang nakawin sa pugad ni Henny Penny. Di naman marunong magbilang ang manok at di niya malalaman na may bawas ang itlog niya.

Alamang
Sa ngayon. marami ang namamatay dahil sa stroke. "Dahil kasi sa mga kinakain kaya high blood at nastroke!", sabi nila. Kahit anong pagkain yata ngayon ay may mga disadvantages. Kahit nga ang mga prutas at gulay, minsan ipinagbawal sa pasyente. Masyadong matatalino at maraming natutuklasan ang mga tao. Kaya nga nauuso ang takal sa kanin pero unlimited sa ulam at ang tinatawag na diet. Kaartehan lang iyon ang sabi ng iba at para sa akin, isa iyong pagtitipid. Mahal na kasi ang bigas!
Kung dati kahit walang masarap na ulam ay nauubos ang kaldero ng kanin, ngayon ay kabaligtaran. Nauubos ang ulam at nababahaw ang kanin. Madalang lang ngayon ang isang klase ng ulam sa hapag-kainan, minsan akalain mong pista. Sana pag-aralan ng mga dalubhasa kung alin ba ang mas risky. Ang malakas sa kanin o malakas sa ulam?
Mahirap talaga ang maging malusog. At mahirap talagang igiit na di ako tumaba kahit malakas ako sa kanin lalo na kapag tuyo ang ulam.

Tuesday, March 6, 2012

May Scholar ka ba?

Masayang Pagtatapos.
 Marso na naman, araw ng pagtatapos.

Para sa isang OFW, ligaya at ginhawa ang dulot ng buwang ito. Sa wakas, tapos na rin ang pinapaaral na anak, apo, kapatid, pinsan, pamangkin, anak ng kaibigan, anak ng kapitbahay at kung sinu-sino pang kakilala na humihingi ng suporta para makapag-aral. Minsan, iniisip nang magpatayo ng isang foundation para lang mabigyan ng edukasyon at tulungang makapag-aral ang mga kabataan.Sa pagsisikap sa ibang bansa ay todo din ang sikap ng mga kabataang ito na makapagtapos hindi lang dahil sa sariling pag-asenso kundi para makabawi sa mga taong tumutulong sa kanila. Kaya nga yung mga Anak ng Pinoy Expats ay nagsisikap sa pag-aaral para pauwiin na ang mga magulang na OFW at sila naman ang magtatrabaho bilang ganti sa sakripisyo nila.

Para naman sa ibang OFW, ang buwang ito ay perwisyo at disappointment ang nararamdaman dahil kabaligtaran ang nangyari at di sumang-ayon sa mga gustong plano. May iba kasing kabataan na talagang mahirap umintindi sa katayuan ng isang OFW. Kung bakit nasa ibang bansa. Kung bakit madalang lang umuwi. Kung bakit mas pinili ang magtrabaho sa dayuhang bansa kaysa atupagin ang pamilya.
At dahil OFW ang isang kapamilya at medyo guminhawa ang buhay, ay halos tamad at wala nang ganang mag-aral. Nagrerebelde at nawawalan ng respeto. Maraming hinihinging luho tulad ng gadgets, damit at marami pang iba. At dahil OFW at para makabawi ay nasusunod ang mga kagustuhan nito.

Kung tutuusin, malaking porsyento sa remittance na ipinapadala ng OFW ang napupunta sa tuition. Kadalasan ngang rason ng isang OFW kung bakit nasa abroad ay para mabigyan ng magandang buhay ang pamilya at makapagtapos ang mga bata. Ngunit minsan, di naiintindihan ng kabataan na ang magandang buhay na sinasabi ng kapamilyang OFW ay isang cycle na kailangan din ng kanilang tuloy-tuloy na partisipasyon.

Kaya ngayong Marso, ilan pa ba sa mga kabataan ang naghahangad na sana makauwi na ang kapamilyang nasa ibang bansa? Ilang graduating students kaya ang naghihintay at humihiling na sana makauwi si Papa na nasa Saudi sa graduation niya? Ilang estudyante kaya ang nagpapasalamat at iniaalay ang kanilang mga diploma sa mga OFW na sponsors nila?

Happy Graduation!

Friday, February 24, 2012

Imagine a World without OFW

Mula sa mga piraso ng karton na ipinagdikit-dikit at hinugis bangka, di ko akalain na kaya niya akong isakay at ilutang sa karagatan. Ito ang natutunan ko sa aming Team Building Workshop kamakailan.

Natutunan ko rin ang kahalagahan, pakinabang, at kakayahan  ng bawat isang indibidwal kung ito'y ipinagsama sa isang layunin na kailangan ng matinding desisyon. Tao nga pala tayo na may sariling pag-iisip at diskarte sa buhay. Lahat tayo ay may kusa at may iba't ibang pananaw sa isang bagay!
Ganunpaman, lahat tayo ay may mga tungkulin na ginagampanan. Huwag nating isipin at bilangin ang ating mga kahinaan dahil minsan ang ating inaaming kahinaan ay siya nating kalamangan sa iba! Bawat isa sa atin ay mahalaga!

 Nakita ko ito na nakabalandra sa facebook. Tatlong taon na ang nakalipas nang inilathala sa Arab News ang pagsasalarawan ng isang Saudi national sa kahalagahan ng OFW sa bansang disyerto.
Saludo ako dito!

 
Isa lang si Muhammad sa maraming Saudis na pinahahalagahan ang ating presensiya dito sa kanilang lupain.

Sunday, January 1, 2012

Mukha ng bahay, Mukha ng OFW

Noon
 
Ito ang mukha ng bahay namin maraming taon na ang nakaraan. May dalawang maliliit na kwarto. Tumutulo ang kugon na bubong, may bitak ang lumang tabla na dingding, at lumalambot ang kawayang sahig.

Ang laki ng ipinagbago niya simula noong nakapag-abroad ako. Ang lumang gamit ay unti unting pinalitan ng mas matibay at makukulay na materyal.



Ngayon
 Ito ang bahay namin ngayon. Animo'y kumikindat habang kinukunan ko ng litrato. Ilang taon ding binihisan ni Erpat bago magmukhang kaaya-aya. May apat na kwarto sa loob, malawak ang sala at kusina.

Ang bahay namin ay di kamahalan kung ikumpara sa mga magagarang bahay na naipundar ng ibang OFW. Para naman kasi sa akin, di naman mahalaga ang pisikal na anyo ng bahay. Ang importante ang tibay at samahan ng mga taong nakatira dito


Ganunpaman, tuwing umuuwi, di ko mapigilang hanapin ang lumang mukha ng bahay namin. Bukod sa anyo nito ay mga alaala ng buhay namin noon. Ang mga panahong, nagsisiksikan kaming magkakapatid para hindi mabasa tuwing tag-ulan. Ang panahong, nagtutulungan dahil nahulog na naman ang takip ng bintana. Ang panahon ng kabataan at karukhaan. Ang simple ngunit matiwasay na pamumuhay ng buong pamilya.

Ito ang bahay namin. Nag-iiba man ang panahon pero ang mga memorya ng kahapon ay bukod tanging nakatatak sa bawat sulok nito na nagpapatibay ng isang pamilyang Pilipino.

(WELCOME 2012 )

Saturday, December 10, 2011

Pangungulila sa Pasko ng isang OFW

Pasko - isa na namang dagok na kailangan malampasan bilang isang OFW na di makakauwi. Lalo na dito sa Saudi na kahit ni isang parol o Christmas tree ay walang makikita. Dito animo'y malayo ang kapaskuhan, kahit tumingala ka pa sa kalangitan. Malayo at madalang ang nagkikislapang bituin. Napakaswerte mo na kung may limang bituin kang masusulyapan.
Ang Pasko ay kasayahan kaya kahit malayo tayo ay pilitin natin itong idaos nang masaya. Ang katatagan natin laban sa pangungulila ay katatagan din ng ating buong pamilya.

Thanks to Ramil for this heart warming video.

Sunday, October 30, 2011

Maulang Pag-uwi

Tuyong tuyo ang paligid na dinatnan ko. Bihira ang patak ng ulan sa disyerto. Masyadong mailap ang ulap.
Isa ang ulan sa mga rason ko kung bakit, lagi ko hinahanap ang Pilipinas. Masarap maligo kahit sabihin pang nakikisabay ang kidlat at kulog. Galak na umuwi dahil sabik na makita ang mga mahal sa buhay, ang bagong gawang bahay, ang mga anak ng alaga naming hayop, ang aming luntiang kapaligiran, ang  mga pagbabago sa bayan at siyempre ang paglalaro tuwing tag-ulan.

Noong umuwi ako, malakas ang ulan. Nabasa ang mga kapamilya kong sumundo sa akin  sa airport dahil  tumirik ang jeep na ipinangsundo nila. Ganunpaman, masaya pa rin ang lahat hindi lang dahil marami akong dalang pasalubong kundi dahil nakita nila ako. Bumabalik ang sigla ng pamilya kapag umuuwi ako.

Pagdating sa bahay pagkatapos ng ilang oras na biyahe, may tagabaryo na nagbulong na "buenas" daw ako. Matagal na daw nilang hinihintay ang ulan para sa palayan. Sabi ko naman, "e Auntie, nagkataon lang siguro".
Sinabayan kong maligo si Bunso at mga pamangkin ko. Ang babata pa nila at tanging ako na lang ang matandang nakikipaglaro sa kanila tuwing may ulan.Kung laro ang sa kabataan, kuwentuhan naman ang para sa matatanda. Nakakatamad kausapin ang mga matatanda dahil puro kamatayan ang laging binibigkas."Ay lola, aattend ka pa ng kasal ko, may apo ka pa sakin!"

Walang kamatayan ang kuwentuhan at halakhakan sa bahay. Lagi kaming kumpleto kapag umuwi ako dahil nagsisipag-uwian din ang lahat na miyembro ng pamilya. Parang bumabalik sa nakaraan noong kami'y buo pa.
Nandiyan si tatay, nanay, at mga kapatid. Kahit mahirap ang buhay pero sama-sama.

Sa paglisan sa bahay ay paisa isa. Nauna nang umalis ang panganay at ang iba kong kapatid. Di na ako nagpapahatid sa airport dahil sinasabi ko na baka uulan na naman at mahihirapan sila sa pag-uwi. Ang lahat kumakaway, namumula ang mga mata ni nanay at tatay ngunit sukli ko lang ay ngiti. Ang di nila alam na sa pagtalikod ko ay nag-uumpisa nang umambon.

Kaya panalangin ko, kapag umaalis ako ay dapat maulan. Kahit paano ay maitago ko ang luha  ko sa pamilya, kanayon, at higit sa lahat sa bansa ko. Ang pag-iyak ko ay di kabawasan bagkus ay siyang nagpapatatag at nagpapatibay sa aking pagmamahal sa aking pamilya at sa kapaligiran na aking kinalakihan.


Wednesday, October 19, 2011

Kuwento ni Kabayan - Gastura

May mga araw dito sa Saudi na kailangan mo ng kababayan na makakausap at kakuwentuhan. At sa bawat kuwento na iyon, iyong mapapansin, na ang kanyang naranasan ay di nagkakalayo sa iyong sariling kwento. Ikaw ito kabayan!

Gastura
Safety Officer at 6 years na dito sa Saudi
Nagbabakasyon kada 18 months
Tubong Surigao

Dating nagtrarabaho sa Department of Agriculture sa Pilipinas. Nakangiti niyang sinasabi na di naman  naghihikahos ang pamilya niya sa sahod niyang walong libo kada buwan. Pero simula nung nag aral na yung mga anak niya, e talagang namomoblema siya. Pumunta sa Taiwan para maging factory worker ngunit matapos ang saglit na kontrata ay di na nakabalik. "Mahirap kasi dun sa Taiwan dahil kailangan mong magpalit ng identity para makapasok ulit kung tapos na ang kontrata".
"Dito sa Saudi, kahit di kalakihan ang sahod e ayos lang basta nakakapag-aral ang mga anak ko. Isa pa, tuloy tuloy ang kontrata, magaan ang trabaho at maraming overtime. Mga tatlong taon na lang siguro ang titiisin ko. Dalawang taon na lang, gagraduate na yong bunso ko at isang taon para sa licensure examination niya kung makapasa bilang abogado. Makapagpahinga na ako!" Nakangiting kuwento niya na punong puno ng inspirasyon.

Saludo ako sa iyong pagsisikap at tiyaga Gastura!