Sunday, January 1, 2012

Mukha ng bahay, Mukha ng OFW

Noon
 
Ito ang mukha ng bahay namin maraming taon na ang nakaraan. May dalawang maliliit na kwarto. Tumutulo ang kugon na bubong, may bitak ang lumang tabla na dingding, at lumalambot ang kawayang sahig.

Ang laki ng ipinagbago niya simula noong nakapag-abroad ako. Ang lumang gamit ay unti unting pinalitan ng mas matibay at makukulay na materyal.



Ngayon
 Ito ang bahay namin ngayon. Animo'y kumikindat habang kinukunan ko ng litrato. Ilang taon ding binihisan ni Erpat bago magmukhang kaaya-aya. May apat na kwarto sa loob, malawak ang sala at kusina.

Ang bahay namin ay di kamahalan kung ikumpara sa mga magagarang bahay na naipundar ng ibang OFW. Para naman kasi sa akin, di naman mahalaga ang pisikal na anyo ng bahay. Ang importante ang tibay at samahan ng mga taong nakatira dito


Ganunpaman, tuwing umuuwi, di ko mapigilang hanapin ang lumang mukha ng bahay namin. Bukod sa anyo nito ay mga alaala ng buhay namin noon. Ang mga panahong, nagsisiksikan kaming magkakapatid para hindi mabasa tuwing tag-ulan. Ang panahong, nagtutulungan dahil nahulog na naman ang takip ng bintana. Ang panahon ng kabataan at karukhaan. Ang simple ngunit matiwasay na pamumuhay ng buong pamilya.

Ito ang bahay namin. Nag-iiba man ang panahon pero ang mga memorya ng kahapon ay bukod tanging nakatatak sa bawat sulok nito na nagpapatibay ng isang pamilyang Pilipino.

(WELCOME 2012 )

1 comment: