Ric
Production Staff at 5 years na dito sa Saudi
Taunang nagbabakasyon
Taga Cavite
Napakamasipag.
Iyan isinasalarawan si Ric o "Mang Ric" ang tawag ng karamihan. Sa edad na mahigit 50 anyos, naisasagawa pa niya ng maayos ang kanyang trabaho. Daig pa niya ang mga kabataang empleyado sa sipag at diskarte. Iba na talaga ang may mayabong at mahabang work experiences. Isa siyang licensed Chemical Engineer at supervisor sa Pilipinas ngunit naging technician dito sa Saudi. Di bale, mas malaki naman ang sahod niya kung ikumpara sa Pinas. Mas lumitaw ang pagkamadiskarte niya nang pinili ang CASH kaysa sa CAREER.
Noong nasa Pinas pa siya, kahit pumapasok siya sa kanilang kumpanya ay nagagawa pa niyang magdelihensiya sa pamamagitan ng pagmamaneho ng kanilang traysikel pagkatapos ng duty. Sayang daw kasi ang kikitain niya sa dalawang oras na pamamasada. Pang-ulam na daw ito ng mag-anak niya.
Dito sa Saudi, abot pa rin ang kasipagan ni Mang Ric. Wala siyang patawad kapag tinatawagan para mag-overtime. Mas malaki ang kikitain kapag maraming overtime. Kahit nga minsang, paika-ika siya sa paglalakad dahil umaatake ang rayuma niya.
Saksi rin ako sa pagiging masinop ni Mang Ric. Noong unang taon niya, nakabili kaagad siya ng isang bus na pumapasada sa Cavite. Pagkatapos ng dalawang taon, nakabili ulit siya ng isa pa. " Mag-asawa ho yata ang binili mong bus Mang Ric? May anak na sila!". Nadagdagan ang bus ni Mang Ric nung bumili siya ng pangatlo noong nakaraang taon. Bakas ang kasayahan sa mukha ni Mang Ric lalo pa't maganda ang buwanang kita ng kanyang mga pinuhunan.
Noong isang araw, kuwentuhan kami ni Mang Ric. " Pinagreresign na ako ni Misis. Sobrang miss niya na ako. Sayang daw ang mga panahon na dapat para sa aming mag-asawa dahil matatanda na kami. Pero sayang kasi. Magaan lang naman ang trabaho dito. Kaya ko pa naman at di pa stabilize ang kita ng mga bus. Gusto ko pang magpatuloy hanggang dalawang taon pa."
Nahohomesick din kaya si Mang Ric? Tag-init man o taglamig, makikita mo si Mang Ric na naglalakad. Sukbit ang bag na lagayan ng kanyang fishing rod. Nasa dalampasigan ng Persian Gulf, nahahanap niya ang kanyang libangan.
Saludo ako sa iyo Mang Ric!
Maraming Pinoy ang naeengganyo sa pangangawil. Libangan na, may ulam pa.
No comments:
Post a Comment