Sunday, October 30, 2011

Maulang Pag-uwi

Tuyong tuyo ang paligid na dinatnan ko. Bihira ang patak ng ulan sa disyerto. Masyadong mailap ang ulap.
Isa ang ulan sa mga rason ko kung bakit, lagi ko hinahanap ang Pilipinas. Masarap maligo kahit sabihin pang nakikisabay ang kidlat at kulog. Galak na umuwi dahil sabik na makita ang mga mahal sa buhay, ang bagong gawang bahay, ang mga anak ng alaga naming hayop, ang aming luntiang kapaligiran, ang  mga pagbabago sa bayan at siyempre ang paglalaro tuwing tag-ulan.

Noong umuwi ako, malakas ang ulan. Nabasa ang mga kapamilya kong sumundo sa akin  sa airport dahil  tumirik ang jeep na ipinangsundo nila. Ganunpaman, masaya pa rin ang lahat hindi lang dahil marami akong dalang pasalubong kundi dahil nakita nila ako. Bumabalik ang sigla ng pamilya kapag umuuwi ako.

Pagdating sa bahay pagkatapos ng ilang oras na biyahe, may tagabaryo na nagbulong na "buenas" daw ako. Matagal na daw nilang hinihintay ang ulan para sa palayan. Sabi ko naman, "e Auntie, nagkataon lang siguro".
Sinabayan kong maligo si Bunso at mga pamangkin ko. Ang babata pa nila at tanging ako na lang ang matandang nakikipaglaro sa kanila tuwing may ulan.Kung laro ang sa kabataan, kuwentuhan naman ang para sa matatanda. Nakakatamad kausapin ang mga matatanda dahil puro kamatayan ang laging binibigkas."Ay lola, aattend ka pa ng kasal ko, may apo ka pa sakin!"

Walang kamatayan ang kuwentuhan at halakhakan sa bahay. Lagi kaming kumpleto kapag umuwi ako dahil nagsisipag-uwian din ang lahat na miyembro ng pamilya. Parang bumabalik sa nakaraan noong kami'y buo pa.
Nandiyan si tatay, nanay, at mga kapatid. Kahit mahirap ang buhay pero sama-sama.

Sa paglisan sa bahay ay paisa isa. Nauna nang umalis ang panganay at ang iba kong kapatid. Di na ako nagpapahatid sa airport dahil sinasabi ko na baka uulan na naman at mahihirapan sila sa pag-uwi. Ang lahat kumakaway, namumula ang mga mata ni nanay at tatay ngunit sukli ko lang ay ngiti. Ang di nila alam na sa pagtalikod ko ay nag-uumpisa nang umambon.

Kaya panalangin ko, kapag umaalis ako ay dapat maulan. Kahit paano ay maitago ko ang luha  ko sa pamilya, kanayon, at higit sa lahat sa bansa ko. Ang pag-iyak ko ay di kabawasan bagkus ay siyang nagpapatatag at nagpapatibay sa aking pagmamahal sa aking pamilya at sa kapaligiran na aking kinalakihan.


No comments:

Post a Comment