Wednesday, October 5, 2011

Ang mga Aberya sa Pagsundo

Bago ka umalis ng Pilipinas, dapat maklaro mo sa agency kung sino ang susundo sa iyo sa airport pagdating mo ng Saudi. Kahit paulit ulit mong itanong sa agency at kahit nakulitan na sila, hayaan mo lang. Ang mahalaga ay iyong matagumpay na pagdating na walang inaalala at aberya.

1st Aberya. Sa airport immigration lane. di mo alam kung saan ka pipila. May pilang puro Pinoy, may pilang puro Indiano, Bangladesh, at iba pa. Ang mga babae, nasa ibang lane din. Ang may asawa at anak, yun nasa unahan at animo'y nasa express lane.
Kadalasan, may sisigaw na isang immigration officer na "from vacation" at "new" sabay turo sa lane. Kung saan nakaturo ang new, doon tayo pumila. Dahil bago ka, kailangan niyong dumaan sa picture taking at fingerprinting kaya lalong matagal ang proseso sa lane mo. Mga aabutin kayo ng mga isang oras o higit pa lalo na kapag nakikipagkwentuhan ang nagproproseso. Huwag mong kainggitan ang mga babae. Dito sa Saudi, basta pilahan, isisingit sila sa unahan.
Medyo masasabi natin na parang matatapang at strikto ang mga immigration officer dito pero huwag kang kabado. Ganun talaga sila!

2nd Aberya. Di mo makita ang bagahe mo at wala na ring mga bag sa baggage conveyor.
 Pakihanap na lang ang bagahe mo sa lapag. Sa tagal ng proseso sa immigaration, di na nakapahintay ang conveyor. Kapag nahanap mo na, exit ka na kaagad sa customs. Ipasok mo ang bagahe mo sa X-ray. Ihanda mo rin ang susi kung ito'y nakapadlock. Minsan kasi pinapabuksan ng customs ang mga bagahe.

3rd Aberya. Sino ba ang susundo? Ang employer ba, driver ng employer, o representative ng employer mo?
Paglabas mo ng customs ay arrival hall na. Makikita mo dito ang mga taong naghihintay ng kanilang susunduin. Dahan dahan lang ang paglalakad at pagmasdang mabuti ang mga plakard. Kung nabasa mo kaagad ang pangalan o ang kumpanya mo, napakswerte mo! Puntahan mo na kaagad at magpakilala ka. Kadalasan ang ganitong eksena, ang susundo sa iyo ay driver o representative ng employer mo.
Kung di mo nakita ang pangalan mo, titigan mo pa ulit. Baka di mo lang napansin. Kung wala, dumiretso ka sa hall at tumambay ka muna. Huwag na huwag kang lumabas ng airport dahil tulad din ng ibang airport, marami ding manloloko dito. Malamang ang susundo sa iyo ay ang employer mong Arabo na di marunong magsulat ng English. Kapag may nakita kang grupo ng mga Pinoy, makijoin ka sa kanila dahil pareho lang kayong naghihintay ng sundo.
Dammam Airport
Dammam Airport
Ang Arabo kung maghanap ay paisa isa. Ang istilo nila ay, tatanungin ang pangalan ng employer, hahanapin ang passport at babasahin ang visa mo. Kung minsan naman, iniisa isa ang bawat Pinoy na nakikita, tinatawag ang pangalan mo. Kung nahanap ka niya kaagad, e di makapahinga ka na ng maluwag.

4th Aberya. Kung matapos ang ilang oras sa paghihintay at di ka pa ring sinusundo.
Tawagan mo ang agency sa Pinas. Kaya mahalaga na meron kang balance load na pangtext sa roaming mo at fully charged ang battery ng celfon mo. Mahalaga rin na mayroon kang allowance na pera para kapag magutom ka ay may pambili. At bago ka umalis ng Pilipinas, dapat nakuha mo sa agency ang contact number ng iyong employer. Kung may extra cash ka, bumili ka ng phone cards, o di kaya kapag may nakita kang OFW, makisuyo ka na makitawag ka sa Pinas o di kaya sa employer mo. Handa namang tumulong ang mga Pinoy sa mga nangangailangan. Sigurado naman akong may susundo dahil legal ka namang OFW.

Kapag nakasurvive ka sa mga aberya, Kabayan na tayo dito sa Kingdom of Saudi Arabia!
Welcome!


No comments:

Post a Comment