Saturday, March 24, 2012

Mahirap maging Malusog

"Uminom ka ng gatas, ikaw ay lalakas. Kumain ka ng itlog, ikaw ay lulusog." Inggit na inggit ako sa kantang ito noong nasa elementarya pa ako. Kung itlog nga ay madalang lang naming ulam, ang gatas pa kaya!
Kaya ako ay patpatin dahil kulang daw ako sa mga kinakain sabi ng isang titser. Paminsan-minsan daw, kailangan ko ring kumain ng karne. Panay kasi napapansin ni titser na laging tuyo ang baong ulam at masama ito sa kalusugan ng mga bata. Patpatin nga ako pero di naman ako sakitin.
Mahirap ngunit masaya talaga ang buhay sa lugar na malayo sa kabihasnan. Sa lugar na ang pagbubukas ng lata ng sardinas o noodles sa hapag kainan ay para sa mayaman at maykaya. Halos 12 taon kong naranasaan ang walang kalsada at kuryente.
Pinakas - salted and dried fish
Maliban sa mga gulay na napipitas lang sa paligid ay tuyo na ang lagi naming ulam. Yun lang kasi ang nakakatagal. Di ko malilimutan ang pinakas (isda na hinati sa gitna at ginawang tuyo). First class na isda daw ito ang sabi ni Ermat. Isa pa yung tuyo na goodbye-my-head dahil kusang natatanggal ang ulo kapag piniprito. Ang tuyong dilis na animo'y pako sa lalamunan pero masarap kapag nilamas sa may labanos. Ang bagoong alamang na nakakaengganyo ang amoy kapag ipinatong sa mainit na kanin. Ang bagoong isda na hinalo sa binate na itlog. Oo nga pala, ang itlog na kailangan pang nakawin sa pugad ni Henny Penny. Di naman marunong magbilang ang manok at di niya malalaman na may bawas ang itlog niya.

Alamang
Sa ngayon. marami ang namamatay dahil sa stroke. "Dahil kasi sa mga kinakain kaya high blood at nastroke!", sabi nila. Kahit anong pagkain yata ngayon ay may mga disadvantages. Kahit nga ang mga prutas at gulay, minsan ipinagbawal sa pasyente. Masyadong matatalino at maraming natutuklasan ang mga tao. Kaya nga nauuso ang takal sa kanin pero unlimited sa ulam at ang tinatawag na diet. Kaartehan lang iyon ang sabi ng iba at para sa akin, isa iyong pagtitipid. Mahal na kasi ang bigas!
Kung dati kahit walang masarap na ulam ay nauubos ang kaldero ng kanin, ngayon ay kabaligtaran. Nauubos ang ulam at nababahaw ang kanin. Madalang lang ngayon ang isang klase ng ulam sa hapag-kainan, minsan akalain mong pista. Sana pag-aralan ng mga dalubhasa kung alin ba ang mas risky. Ang malakas sa kanin o malakas sa ulam?
Mahirap talaga ang maging malusog. At mahirap talagang igiit na di ako tumaba kahit malakas ako sa kanin lalo na kapag tuyo ang ulam.

No comments:

Post a Comment