Tuesday, March 6, 2012

May Scholar ka ba?

Masayang Pagtatapos.
 Marso na naman, araw ng pagtatapos.

Para sa isang OFW, ligaya at ginhawa ang dulot ng buwang ito. Sa wakas, tapos na rin ang pinapaaral na anak, apo, kapatid, pinsan, pamangkin, anak ng kaibigan, anak ng kapitbahay at kung sinu-sino pang kakilala na humihingi ng suporta para makapag-aral. Minsan, iniisip nang magpatayo ng isang foundation para lang mabigyan ng edukasyon at tulungang makapag-aral ang mga kabataan.Sa pagsisikap sa ibang bansa ay todo din ang sikap ng mga kabataang ito na makapagtapos hindi lang dahil sa sariling pag-asenso kundi para makabawi sa mga taong tumutulong sa kanila. Kaya nga yung mga Anak ng Pinoy Expats ay nagsisikap sa pag-aaral para pauwiin na ang mga magulang na OFW at sila naman ang magtatrabaho bilang ganti sa sakripisyo nila.

Para naman sa ibang OFW, ang buwang ito ay perwisyo at disappointment ang nararamdaman dahil kabaligtaran ang nangyari at di sumang-ayon sa mga gustong plano. May iba kasing kabataan na talagang mahirap umintindi sa katayuan ng isang OFW. Kung bakit nasa ibang bansa. Kung bakit madalang lang umuwi. Kung bakit mas pinili ang magtrabaho sa dayuhang bansa kaysa atupagin ang pamilya.
At dahil OFW ang isang kapamilya at medyo guminhawa ang buhay, ay halos tamad at wala nang ganang mag-aral. Nagrerebelde at nawawalan ng respeto. Maraming hinihinging luho tulad ng gadgets, damit at marami pang iba. At dahil OFW at para makabawi ay nasusunod ang mga kagustuhan nito.

Kung tutuusin, malaking porsyento sa remittance na ipinapadala ng OFW ang napupunta sa tuition. Kadalasan ngang rason ng isang OFW kung bakit nasa abroad ay para mabigyan ng magandang buhay ang pamilya at makapagtapos ang mga bata. Ngunit minsan, di naiintindihan ng kabataan na ang magandang buhay na sinasabi ng kapamilyang OFW ay isang cycle na kailangan din ng kanilang tuloy-tuloy na partisipasyon.

Kaya ngayong Marso, ilan pa ba sa mga kabataan ang naghahangad na sana makauwi na ang kapamilyang nasa ibang bansa? Ilang graduating students kaya ang naghihintay at humihiling na sana makauwi si Papa na nasa Saudi sa graduation niya? Ilang estudyante kaya ang nagpapasalamat at iniaalay ang kanilang mga diploma sa mga OFW na sponsors nila?

Happy Graduation!

2 comments:

  1. matagal pa matatapos ang iskolar ko. mga iskolar...

    ReplyDelete
  2. Pareho lang tayo. Marami pa tayong libro na bibilhin...

    ReplyDelete