Wednesday, August 1, 2012

OFW, Bagong Bayani nga Ba?

Maglilimang taon na ako dito sa Saudi. At para yatang mapabilang ako sa mga OFW na di malaman kung saan napunta ang perang pinagtrabahuan. Wala pa rin akong ipon! Di naman ako magastos at maluho. Ang lahat ng gusto kong bagay o lugar na pupuntahan ay pinag-iipunan. Isa rin ako sa mga taong pinalaki sa utang ng mga magulang pero di nakasanayan ang mangutang. Ayokong mangutang! Sapat naman ang kinikita ko dito. Mayaman na sana ako kung sarili ko lang ang pinapalamon ko.

Maglilimang taon na. Marami na rin akong natulungan. Naipagawa ng malaki at matibay na bagong bahay ang mga magulang at nabigyan ng panghanapbuhay ang may asawa ng mga kapatid. Iyon nga lang, di ko naman hawak ang paglago ng kanilang kabuhayan. Lagi ko ngang binabanggit sa kanila na hanggang sa puhunan lang ako. Ang diskarte sa kanilang pag-asenso ay hawak din nila. Hindi maitatago na umangat ang pamumuhay ng pamilya simula noong nasa Saudi ako.

Maglilimang taon na. Wala akong hinahangad kundi maging mapanatiling malusog ang lahat. Iniisip ko nga, ayos lang sa akin kahit walang ipon kung ang kapalit nito ay panghabambuhay na magandang kalusugan ng mag-anak ko. Aanhin ko naman ang malaking ipon kung palagi namang may nagkakasakit sa pamilya. Masaya na ako sa tablado kapag kalusugan ang kalaban.

Maglilimang taon na. Ang maayos na kasal (walang utang) at munting bahay kubo pa lang ang masasabing naipundar ko. Wala pa sa kalagitnaan ang mga sinusuportahan kong kapatid na nag-aaral. Magbibilang pa ako ng maraming taon para makapagtapos sila at masasabing tagumpay ang pinuhunan ko. Tuloy pa rin ang buwanang sustento sa pamilya. Parte kasi iyon ng di maiwanan kong obligasyon bilang anak. Ang pagbibigay ng sukli sa pagpapalaki ng mga magulang. Ako'y naging sandigan lalo na sa problemang pinansyal. Talagang ganoon yata ang papel ko.

Maglilimang taon na. Tuloy tuloy pa rin ang trabaho ko dito. Di ko naman masasabing kayod kalabaw o kayod marino ang trabahong napasukan ko. Nakakapagod pero ganoon talaga ang trabaho, kailangang pagpawisan. Bata pa ako para tumigil at magpahinga. Marami pa akong gustong gawin at lugar na pupuntahan. Magagawa ko lamang iyon kapag dito ako, malayo sa pamilya.

Sa nakaraang SONA ng pangulong Aquino, napangiti ako na kahit paano may kaunting ipinagbago ang bansang kinamulatan ko. Kahit kapalit nito ang lumiliit na palitan ng ipinapadala kong pera sa pamilya. Walang problema sa akin kung di man nabanggit ang mga OFW sa kanyang talumpati. Ang mahalaga, ginagawa ko ng maayos ang trabaho para mabuhay ko ang sarili at ang lumalaki kong pamilya. Kung nadampian man ng tulong ang ekonomiya mula sa kakapiranggot kong padala ay isa yan sa napakagandang balita. Hindi lang pamilya ang natulungan ko kundi pati na rin ang bansa kahit sa konting pamamaraan.

Maituturing na nga akong bayani ng pamilya ko. At ang bayani, sa pagkakaalam ko, gumagawa ng mga bagay na walang hinahangad na kapalit. Di naghihintay ng papuri!

4 comments:

  1. Mama ko ganoon din kahit mag isa lang ako d2 sa pilipinas pinapalaki ng mga tiyahin ko iba pdn pag mgulang ang ksma mo. Sa totoo lang di ko maintndhan kung bkit niya pa kailngan umalis eh mag-isa lng naman ako. Ngaung magbbagong taon ayon pagala2x ako kasi ndi ko ramdam yung tntwag na 'comfort zone'.
    napakhrap mabuhay ng mag-isa.

    ReplyDelete
  2. naiintindihan kita Ricmarl, maraming dahilan kung bakit kailangang umalis ang isang magulang at iwan ang mga anak. May iba't ibang dahilan depende sa pangangailangan. Mas maigi kung tanungin mo ang mama mo.
    Hindi lang ikaw ang nag-iisa ngayong bagong taon! Marami tayo!Ang comfort zone ay di lang nararamdaman sa physically. Kahit malayo kaming mga OFW, lumilipad naman ang mga puso namin sa aming mga pamilya.
    Sa kalagayan mo ngayon nahihirapan kang mamuhay ng mag-isa, naiintinhan kita. Pero mas mahirap ang mamuhay kung may taong umaasa sa iyo para mabuhay.
    Huwag mong isipin na nag-iisa ka.. maraming nagmamahal sa iyo, ang mama at mga tiyahin mo! Malamang hinahanap ka nila ngayon..Happy new Year!

    ReplyDelete
  3. Buti kpa nga kwentuhero, may sarili knang pmilya, smantalang ako single p din,, ofw din ako gaya mu.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Isa din yan sa problema ko dati, kung paano hanapin ang maaasawa. Medyo mahirap dahil magbabago ang pananaw mo sa pag-aasawa. Kumbaga may criteria na..

      Magkakaroon ka rin ng sarili mong pamilya. Hintay lang tayo ng kaunting panahon...
      Salamat sa pagdaan at pag-iwan ng mensahe. Binigyan mo ako ng idea para sa susunod kong post sa blog na ito. Regards.

      Delete