Friday, August 31, 2012

Ang Wikang Naglalakbay

"Sa pagsapit ng bagong milenyo, isang importanteng problema ang haharapin ng mga Pilipino. Ito ay ang unti-unting pagkawala ng ating pambansang wika, ang wikang Filipino."
Ito ang aking pambungad sa isinagawang patimpalak sa pagsusulat ng editoryal, sa National School Press Conference (NSPC), noong taong 2000. Hindi ko inasahan na nagustuhan ng mga hurado ang aking maikling katha at nasungkit ng aking rehiyon ang kauna-unahang "1st Prize." Naungusan nito ang mahigit isang daang kalahok mula sa iba't ibang paaralan ng bansa.

Sinimulan ni Pilosopong Tasyo ang pagbanggit ng nanganganib nating wika at nabanggit ko rin ito sa isang patimpalak mahigit isang dekada na ang nakaraan. Naalala ko dati, tuwing buwan ng Agosto sa paaralang elementarya na pinaggalingan ko ay may multa na singkuwenta sentimos ang hindi paggamit ng wikang Filipino sa pakikipag-usap. Ang kinagisnan kong lengguwahe ay saglit na isinasantabi dahil pinahahalagahan ang pambansang wika. Ewan ko lang kong ipinagpatuloy pa rin nila ito ngayon.
Nakapasok na tayo sa bagong milenyo at malayo na rin ang nalakbay ng ating wika. Hindi lang lugar at tao ang binago ng panahon at kaunlaran. Kung dati Ingles lang ang mahigpit na kalaban ng ating wikang Filipino, ngayon ay masasabi kong kakumpetensya niya na rin ang "Taglish". Kaya napapansin na kadalasan ay di na tayo makapagsalita ng diretsong Filipino. Nahahaluan na ito ng ibang lengguwahe. Nasasanay na tayo sa ganito dahil naiintindihan ng karamihan.
Marami na talagang ipinagbago. Kahit sa pagsusulat ko ay inaamin kong may nagbago. Ang ating wikang sariling atin ay minsan di mahagilap sa paliparan, terminal ng tren, paaralan, istasyon ng radyo at telebisyon, opisina, simbahan, palasyo, Korte Suprema, galahan at kahit sa kalye.
Naniniwala ako na ang pagtaas ng presyo ng krudo, mahal na bilihin, talamak na kurapsyon, matinding kahirapan, paglobo ng populasyon, at pagdami ng basura ay nahahanapan ng solusyon. Subalit ang naghihikahos nating wika na unti-unting namamatay ay mahirap hanapan ng lunas.

No comments:

Post a Comment