Bata pa lang, mahilig na akong magPOST at magSHOUT OUT parang sa FACEBOOK. Mula sa isang patpat na napulot sa sangang tuyo at sa bakurang malawak, nakakasulat at nakakagawa na ako ng maraming nakakatuwang bagay. Sa lupa, nakakapagdrawing ako ng anyo ng bundok, bahay kubo at bukirin. Siyempre laging present sa eksena ang haring araw. Nakakasolve rin ako ng assignment sa math na walang scratch at madali lang burahin kapag nalilito. Nakakasulat ako ng mga malalaking letra na minsan kinakalaban na ng mga langgam dahil nadadamay ang colony nila. Nailalako ko na ang sarili ko bilang isang doktor, engineer o abogado. Ang tayog mangarap noong kabataan. Kung alam ko lang na di masama ang mangarap sa panahong iyon ay isinagad ko na sa presidente o di kaya maging isang bilyonaryo man lang. Malabo kasi ang pangarap kung nakikita mong may naghihirap.
Mula sa maputik naming bakuran, kasama ang mga kapatid, mas pinalawak pa namin ang aming masterpiece na "charcoal painting". Nakabalandra ang mga nais naming sabihin at naglalakihan ang mga hugis na hayop at anyo ng tao na parang mga EMOTICONS. Pinahaba at pinabold ang mga titik doon sa aming dingding. Iyon nga lang, hindi na LIKE ni Ermat at walang maririning na good COMMENTS mula sa kanya. Bagkus, kurot sa singit, pingot sa tenga at may pangaral pang kasama ang sukli sa aming mga batang kaisipan.
Minsan, naiisip ko na ang buhay ay di nagkakalayo sa larong RUNESCAPE at FIESTA. Ang kasaganaan sa buhay na inaasam ay makakamit lamang kapag ako ay nagLEVEL-UP. Hindi maaring panghabambuhay ay NOVICE lang. Kailangan ko ring mangarap bilang isang TRIUMPHANT WARRIOR. Alam ko naman na ang buhay ay isang paglalakbay. May bako bako , masalimuot, at paliko likong daan na tatahakin. Ang lugar na aking minahal at kinagisnan ay kailanganing lisanin para sa ikakabuti ko. Dahil alam ko na may maraming pagkakataon at magagandang bagay na dapat kong matutunan sa ibang lugar. Ang pagiging matalino ay hindi nasusukat sa dami ng ribbons o medals na naiuwi mula sa eskuwelahan. Ang katalinuhan ay nasusukat kung paano makakasurvive ang isang indibidwal sa lipunan na kanyang ginagalawan. Ang pagiging matapang sa pagharap sa mga problema at paghanap ng paraan para ito solusyunan. Kailangan lumaban. Kailangang maging matatag.
Sa paglalakbay ay di nawawala ang kabiguan. Normal lamang ito dahil nga isa tayong HERO. Ganunpaman, ang kabiguan ay hindi maaring matatapos sa isang iglap na kamatayan. Laging may pagkakataon at may pag-asa. Kapag nadapa ay kailangang bumangon at magpatuloy muli. Kung nagkamali ay kailangang balikan at iwasto. Kapag natalo ay may next round pa. At katulad nga sa kasabihang, "ni walang taong makakatayo nang mag-isa," kailangan natin ng kaibigan, kadamay, at kahati sa mga problema. Nasa likod lang natin ang ating kapamilya at kaibigan na handang sumuporta sa bawat laban sa buhay. Mayroon din ibang tao na kahit di kaano ano ay handang tumulong at nagpoprotekta.
Kasiyahan. Kayamanan. Tagumpay
Bilang isang OFW batid ko na mahirap ang mag-isa. Iyong wala akong mahagilap at mapagbalingan ng emosyon. May mga gabing, luha ang kasama sa pag-iisa. At tanging sa BLOG COMMUNITY ako makakahanap ng mga taong makikisabay at nakakaunawa sa kabaliwan ko. Nagbibigay ng payo at gabay hanggang sa maiisip ko na di ako nag-iisa sa mundo. Na may nakikinig sa aking mga hinanakit, dalamhati at pighati. Na kahit alam kong ako ang mali ay may mga tao pa ring kumakampi. Na sa bawat sulok ng mundo at may nakatadhanang mga tao na magiging kaibigan ko. At kahit sabihin na kasama ko na ang sarili kong pamilya sa paninirahan sa ibang bansa, ay patuloy pa ring binubuklod at binabalikan ang sariling bayang kinagisnan. At ang kapamilya at mga naiwanang kaibigan na kahit di mahawakan ay nakakausap at nagtatawanan.Ang pamilya, kaibigan, kanayon, kabayan, at ang SOCIAL MEDIA ang bumubuhay sa aming malulungkot na mga araw sa Gitnang Silangan. Laging ONLINE, laging UPDATED! Darating ang panahon na wala nang nangangarap, lumalaban, at nalulungkot nang nag-iisa.
No comments:
Post a Comment