NAIA 1 Terminal, Manila
Oras na naman ng pag-alis.
Nakaupo sa pre-departure area ng airport.
Hinihintay ang pagbukas ng Boarding Gate ng eroplano na sasakyan pabalik sa Gitnang Silangan.
Si Kuya. Ang masayahing naghihintay. Humahalakhak habang may kausap sa cellphone.
Nakasaksak sa tenga ang headseat at banaag na masaya ang kuwentuhan nila.
Malakas tumawa ngunit mahina ang boses para hindi makadistorbo sa iba.
Masaya siyang aalis.
Si Ate, tahimik na nakaupo.
Pinagmamasdan ang bughaw na kalangitan na masisilip sa bintana.
Malayo ang iniisip. May bahid ng kalungkutan.
Biglang kinuha ang cellphone, may tumatawag. Saglit na nag-usap.
“Ingat”, ang katagang huli kong narinig. Sabay pahid sa butil ng luha na dumaloy sa pisngi.
Tumatagas mula sa kanyang salamin ang marami pang luha.
Emosyonal ang paghihintay.
Si Manong, ang nagmamay-ari ng limang upuan sa bahaging likuran.
Ang bag na dala ang nagsilbing unan ng kanyang panaginip.
Mahimbing na natutulog. Marahil dahil sa pagod at haba ng biyahe galing probinsiya.
O baka dinadaan na lang sa tulog ang sakit ng kalooban ng paglisan.
Minsan antok ang tanging sandalan kapag ang puso ay pagod na sa iyakan at kalungkutan.
Hintayan….Pre-departure Area....
Dito nagsisimula ang sakit na homesick.
Ilang saglit na lang ay lilisanin at iiwan na naman ang pamilya at ang bansa.
Dito nagsisimula ang pagtagpi sa simple o matayog na pangarap ng karamihang OFW.
Dito binubuo ang mga susunod kong plano.
Dito rin ako nag-uumpisang magbilang ng araw at buwan ng aking susunod na bakasyon.
Aalis ako ngayon, pero ilang buwan na lang bakasyon na ulit.
Excited ako!
Hindi sa aking pag-alis, kundi sa muli kong pagbabalik. Makikita ko ulit ang mga mahal ko.
Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon!
No comments:
Post a Comment