Friday, February 8, 2013

Bagong Imahe ng Saudi

Taong 2007, nang una kong maranasan ang sumakay sa isang international flight na eroplano. Malaki, maraming lulan.Multi race ang mga cabin crews at may sarili pang monitor ang bawat economy seat. Maraming kakaiba, maraming bago sa aking mga mata. Ngunit, sa kabila  ng bagong experience na ito ay kaba, takot at pangamba. Nagdududa at nagtatanong.Makakaya ko kaya ito?

Saudi Arabia. Sa pangalan pa lang ay mukhang kinatatakutan na.Naging hindi maganda ang pagkasalarawan ng mga OFW na dating nagtrabaho dito. May nakukulong, may nagagahasa, may napapatay, may minamaltrato, may manyakis na amo, may nanakit, may nagsasamantala, at halos lahat ng di magandang salita ay nakadugtong na sa bansang ito. Mga salitang nakapaloob at nakatatak sa aking isipan.

"OFW? Yung nagtratrabaho sa Saudi di ba?". Yun lang ang alam ko noong kabataan ko. At sa kabila ng hindi magandang imahe ng Saudi ay marami pa ring Pinoy na pumupunta doon. Marami pa ring OFW. Ang Saudi raw ay mahalintulad sa impyerno. Napakainit na nga ng klima, di pa raw maganda ang trato ng mga arabo.

Nag-iisa kong hinarap ang mga masasamang imahe ng bansang pupuntahan ko. Wala akong kasabay na aalis papunta sa kumpanya kung saan nahire ako. Walang napagtanungan sa plano, walang braistorming. Sa madaling salita, nagkaproblema ako pagdating sa airport. Hindi ako nahintay ng sundo ko. Lalong tumindi ang takot at kaba. Iyong halos maiyak at gusto nang umuwi. Iyong halos pagsisihan kung bakit napunta pa sa lugar na ito. Nakatayo lang sa kalagitnaan ng mainit na panahon. Yung init na hindi mo alam kung saan nanggaling. Pinapawisan at nag-iisip. Unang sabak ko pa lang sa bansa, imbyerna na kaagad?

May lumapit sa akin na arabong guard. Tinanong kung saan ako pupunta at sinagot ko naman. "Come, follow!". Bigla akong kinabahan. Iniisip ko baka saan ako dadalhin. Tulad sa mga kuwento ng mga dating OFW. Hindi ako sumama. Panay ang iling ko habang turo nang turo ang arabo sa direksyon na iyon. "No. sorry". Hindi pala madali ang pag-aabroad lalong lalo na sa Gitnang Silangan.

Ang tagal ko sa lugar na iyon. Hanggang sa nalaman ko na ang Bahrain ay di pa pala Saudi. At iyong arabong guard kanina, itinuturo ang booking station ng bus na papunta sa Al-Khobar. Sasakay pa pala ako ng bus!

Nagkatotoo nga ang mga pangamba ko. Tuluyan na nga akong iniwan ng sundo ko. At naranasan kong maidlip sa kanto katabi ang bagahe ko sa kainitan ng gabi. Sa haba ng biyahe at pagod, hindi ko na inisip ang peligro kung meron man.

Inabutan ako ng tanghali sa kanto. Umaasa na ako'y babalikan ng sundo. Ang kaba at takot ay dahan dahan at pinipilit kong labanan. Andito na ako at wala nang atrasan. Humuhugot ng lakas para magkaroon ng pag-asa. Hanggang sa nararamdaman ko na wala na nga. Hindi na ako susunduin. Wala na akong hihintayin.

Hindi lahat ng Arabo ay malupit at masama tulad sa mga kuwento ng iba nating mga kababayan. Iyan ay aking napatunayan sa unang araw ko sa bansang ito. Dahil may address naman ako ng kumpanya, sumakay ako ng taxi na nag-aalok na akoy tulungan para makarating doon. Isang oras pa raw ang biyahe. Parang nakahinga ako dahil kahit papano'y humahakbang at may direksyon ang pupuntahan ko. Ibinaba niya ako sa isang lugar sa Dammam at kinausap ang isang arabo. Inirefer niya pala ako sa ibang taxi. Hindi niya daw kasi ruta ang bayan na iyon.

Napawi ang kaba habang binabagtas namin ang kahabaan ng malawak na highway. Mukha namang mabait ang driver at marami naman kaming pasahero. Ang laking pasalamat ko sa Panginoon at sa mga mababait na tao na una kong nakilala.Tinawagan ng arabong driver ang kumpanya namin para ako'y sunduin sa bayan. Napangiti na ako di tulad noong mga nagdaang mga oras. "One of them your company" habang itinuro ng arabong driver sa kalayuan ang nagkukumpulang mga kumpanya. Malapit na kami sa bayan.

Ang Saudi Arabia ay walang ipinagkaiba sa ibang bansa tulad ng Pilipinas.
Sa kabila ng kanilang kakaibang kultura at tradisyon ay hindi rin ito perpekto.
Minsan kasi, nagiging bias at racist tayo sa ating mga sinasabi patungkol sa hindi natin kalahi. Ayaw natin ng racial discrimination pero kung tayo makapagbato ng salita ay parang tayo rin mismo ang nabubukulan.

Kung may masasama at malulupit na arabo, mayroon din namang mabubuti at mababait. At kung tamad silang magtrabaho (hindi lahat), meron din namang OFW na may angking katamaran din. (Isa pa, kaya nga tayo nandito dahil sa kanila, di ba?). Kung may mga pasaway, marami din naman sa atin.

Kapag nagnakaw ang isang Pinoy, hindi ibig sabihin na ang lahat ng Pilipino ay magnanakaw. di ba?

Ang pag-uugali ay wala sa lahi o nationality! Iyan ang napatunayan ko sa pakikipagsalamuha sa iba't ibang mga dayuhan. Nasa pagkatao iyan. At isa pa, wala namang expat ang magtatagal sa Saudi kung sila'y naniwala sa mga kuwento.

2 comments:

  1. Naka relate ako diyan.... nung unang kong makarating ng saudi halo halong emosyon ang naramdaman ko....

    kinabahan din kasi late na kami sinundo....

    Marami din akong napansin na bago sa paningin....

    At tama ka.... may arabong masasama at mabubuti din... sa tingin ko mas masama pa ang ibang lahi.... kasi pag purong arabo.... mabait sila....

    ReplyDelete
    Replies
    1. sinabi mo pa Jon.

      malas lang talaga yung ibang ofw na napadpad sa malulupit na amo.

      Delete