Saturday, February 2, 2013

Sablay na Reproductive Health at Divorce Bill

Habang naglalakad ako sa isang bayan sa Cavite, may isang batang lumapit sa akin. Nanglilimos. Kumuha ako ng barya, ipinatong ko sa kanyang palad. "Salamat po". Nang biglang nagsipagpuntahan sa akin ang iba pang kabataan. Kasamahan niya yata. Naubos ang barya ko.

Sa Baclaran, inialok ako ng sampagita ng isang bata. Nagmamakaawa para daw sa pag-aaral niya. Binigyan ko siya ng P50 at binalik ko sa kanya ang tuhog ng mga bulaklak. Tulong ko na yon sa baon niya. Inalok din ako ng isa pang batang tindera, dapat bilhan ko rin daw siya tulad ng una.

Sa Maynila, nilapitan ako ng mga grupo ng mga kabataan. Nanglilimos. "Ito P50, paghatian niyo na ha?" sabay abot sa medyo leader nila. "E kuya, di po namin sila kasama".

Mula noon, kapag may nakasalubong akong bata na nanglilimos, hindi na ako nagbibigay. Iniisip ko na baka kukulangin na naman ako ng barya. O di kaya parang kinokonsente ko na mas ayos ang mamalimos dahil may pera. Isa pa may mga magulang naman sila at ano ba ang ginagawa nila sa lansangan na dapat ay nasa eskuwelahan?


Family Planning. Bata pa nang nag-asawa ang aking mga magulang kaya di maiikukubli na maraming supling ang kanilang napatubo. Kung hirap ang pag-uusapan, e talagang mahirap ang maging marami lalo na kapag financially ay kulang. Ganunpaman, nagawang igapang ng aking mga magulang na kahit sa high school man lang ay may matapos kami.

May family planning ba noong kapanahunan namin?

Laging ikinukwento sa akin ni Ermat na isa daw akong withdrawal baby. Hindi nila inaasahan na mabubuo ako dahil nga sa natural method na iyon. Ibig sabihin sumablay! Isa pala akong sablay! At ang calendar method ay para lamang sa iilang mag-asawa. Aminin natin iyan! Kaya, lumipat si Ermat sa pills ngunit kapag tinamad ay lumulubo ulit. Hanggang naisipan ni Ermat ang injectable na sobrang epektibo. Iyon nga lang siyam na kaming magkakapatid.

Ang malaking pamilya ay masaya kung sapat ang pagkain sa hapag. Kahit ito man lang!

RH BILL. Noong kasagsagan ng RH bill issue, doon ko lang nalaman na ipinagbabawal pala ito ng simbahang Katolika. Isa akong katoliko, pero ba't hindi ko alam iyan? Ibig bang sabihin niyan ay may mali sa akin? Kulang nga siguro ako ng subject na religion sa high school. Isa pa, matagal ng gumagamit ang pamilya ko ng artificial contraceptives.

Bago ako ikinasal, may seminar sa Health center at sa simbahan para sa family planning. Ang Health center, nakapokus sa artificial samantalang ang simbahan ay sa natural method. "Natural" sabi ng asawa ko. "Aprub!" ang sagot ko. Natural method, hindi dahil isa akong Katoliko kundi dahil iyon ang gusto at napagkasunduan naming mag-asawa.

 Para sa akin, ang RH bill ay pasiunang tulong ng gobyerno hindi para sa katulad kong nakakaintindi sa kung ano ang pagpaplano ng pamilya. Ito ay para sa ating mga kababayan at kabataan na hanggang sa ngayon ay naguguluhan.

Sa lipunan natin ngayon, kung sino ang siyang pinakamahirap ay siya pa ang may napakaraming anak. Ang mga ayaw nang mag-anak ay sige pa rin at walang magawa dahil kulang sa kaalaman. Ito na yong sagot, ang edukasyon sa Reproductive Health. Ang pagiging responsable! Iba kasi ang  BIYAYA sa sinasabing PABAYA!

Contraceptives VS Abortion. Katulad ito sa tanong kung alin ang nauna sa itlog at manok. Kung ang tao ba ay galing sa lupa o galing sa unggoy. Kung naniniwala ka sa science, pangatawanan mo iyan. Para sa akin, ang paggamit ng contraceptives ay sobrang layo sa pagpatay.


DIVORCE. Kung naaprubahan ang RH Bill, ito na raw ang susunod. Para kanino? Para sa iilang tao?

Nasa dugo na natin ang mapagmahal sa pamilya. Kasama ng Balangay ng ating mga ninuno ang pagpapahalaga natin sa isang tahanan. Kaya nga tayo nag-asawa para magkaroon ng sariling pamilya at tahanan na mauuwian.

Lalong magagasgas ang kasabihan ng mga nakakatanda na "Ang pag-aasawa ay hindi parang kanin, na kapag naisubo na ay puwedeng iluwa".

Ang daming ikinakasal na hindi handa, mga pasaway! May isang beses, binulyawan ng isang health facilitator ang isang magulang dahil sinamahan pa ang kakadebut pa yatang anak sa seminar ng kasal. "Umuwi kayo, papasok-pasok ang mga iyan sa pag-aasawa tapos magpapasama pa sa inyo!" Walang nagawa si nanay e kasi tama nga naman si Maam.

Ang pag-aasawa ay isang pangako. Kung hindi mo ito kaya ay huwag mo ng pasukin!

No comments:

Post a Comment