Monday, December 8, 2014

Kanselado dahil sa Bagyo

Sa tuwing bakasyon, maliban sa kamag-anak na bibisitahin ay kasama din sa talaan ang mga lugar na gustong puntahan. At habang ginagawa ko ang post na ito, kasalukuyang binabayo ng bagyong Ruby (International name Hagupit) ang lugar na akin sana'y destinasyon.

Dalawang buwan kong pinaghandaan ang bakasyong grande kasama ang aking pamilya mula sa domestic flights at mga hotel na aming papanhikan.

Malakas ang bagyong Ruby ayon sa balita ngunit di natinag ang mga television network sa kanilang normal na programa. At sa katulad naming nasa probinsiya na  walang cable subscription at internet connection, ay tanging sa radyo lang umaasa at nakikibalita.

Hindi kanselado ang flight namin papuntang Cebu gayong may typhoon signal ang lugar na iyon mula sa PAGASA. Kaya tuloy ang biyahe at patuloy ang pangangalap ng kapalaran na makarating sa Boracay.

Paalis ng Davao International Airport. Maliwanag at maayos ang kalangitan.
Ganito ang mga ulap kapag maaliwalas ang panahon.
Kakapasok sa kaulapan na sakop ng bagyo. Nanatiling mas mataas sa ulap ang eroplano.
Pumasok na sa looban ng ulap dahil malapit na ang Cebu.
Ganito ang eksena sa ilalim ng mga ulap.
Landing sa Mactan International Airport.
Maulan ngunit hindi kalakasan.
Habang nasa Cebu, tumawag ang airline staff na kanselado ang biyahe papuntang Boracay at ito'y tanggap namin. Aanhin pa ang bakasyon grande kung hindi ka naman ligtas.

Ito ang mga nalaman ko:
1. Mahirap pala ang magparebook ng flight sa mga lugar na dagsa ang turista at may limitadong biyahe. Huwag mong asahan na makakasakay ka kinabukasan.
2. Madaling magpakansela ng flight iyon nga lang may fees. At dahil FORCE MAJEURE, may full refund. Kung paano maibabalik ang bayad, iyan ay hindi madali.
3. Mahirap kontakin ang mga airline hotline numbers sa ganitong pagkakataon. Marami kasing stranded na pasahero ang pumipindot para sila kausapin.
4. Ang hotel sa Boracay na aking tutuluyan, 10% ang down payment na hiningi at ito ay non-refundable. Nakahanda sila sa ganitong klase ng pangyayari. May iba kasing hotel na full payment ang kailangan.
5. Maging flexible sa biyahe. Nararapat lamang na magkaroon ng Plan B nang hindi masayang ang oras at panahon. At higit sa lahat, nang hindi masyadong malaki ang maidagdag na gastusin.

Kapag imposible at mahal ang rebooking at re-routing ng flight, mas maiging maghanap na lang ng magagandang lugar sa malapit.

Friday, October 31, 2014

Mga Takaw Pansin na Eksena sa Airport

Ito ang mga paulit-ulit na eksena sa paliparan kung saan dagsa ang mga kapwa ko OFW sa tuwing ako'y nagbabakasyon.

Bato bato sa langit, ang tamaan sana ay pumikit at huwag magalit.

Riyadh International airport, KSA
Eksena 1. Sa isang umpukan, agaw pansin si kuya dahil sa kanyang boses. Hindi malaman kong sumisigaw ba o sinasadya niyang lakasan ang pag-uusap nilang magkagrupo. Naririnig din kasi ng ibang mga tao kung paano niya ipinagsigawan ang kaniyang sahod. Ipinagmamalaki na sa kanilang lahat na magkakasama sa construction , ang kanyang sahod ang pinakamalaki. Ginagawa niya ba ito para magyabang o ginagawa niya para ipahiya ang kanyang kasamahan. Ibig sabihin ba ay mas mahusay siyang magtrabaho kaysa sa iba?

May mga tao talagang bulgar sa kanilang kinikitang pera. Ayos lang yon, pinaghirapan din naman niya iyon. Kaya lang, isipin din sana na hindi lahat ng OFW na nasa airport ay mga matagumpay. Meron diyan na mas maliit pa ang sinasahod at meron ding mga walang sinahod.

"Keep your basic salary as secret.  Walang masama sa hindi pagsabi nito". Isang mensahe mula sa mga OFW na kumikita nang malaki sa abroad.

Eksena 2. Paglapag ng mga gulong ng eroplano sa lupa, hindi lamang celfon ang inilabas ng mga pasahero mula sa kanilang mga bulsa at bag habang nanatiling nakaupo dahil "on" pa ang seat belt sign. Lumilitaw rin ang mga malabatong singsing, hikaw, kuwintas, at kung ano pang palamuti sa katawan. Nakakasilaw ang liwanag na nagmumula sa mga naglalakihan at nagkikislapang mga gintong alahas na suot nina ate at kuya.

Ang mga naiinggit ay hanggang tingin lamang. Walang pambili e. Pero isipin sana na ang naipong alahas ay nakakaakit, hindi lamang dahil ito ay mamahalin. Mahalin din sana ang buhay dahil baka ang suot na alahas pa ang magiging mitsa para bawiin ito.

Magandang investment ang alahas pero may tamang lugar kung saan dapat ito ipakita. Alam natin, nakakadagdag ito ng kagandahan  o kaguwapohan, pero sa panahon ngayon isipin sana muna ang sariling seguridad habang nasa isang pampublikong lugar.

Ang kamag-anak lalo na ang mga magulang na naghihintay sa labas ng paliparan ay hindi nasisilaw sa mga alahas na suot. Ang mahalaga sa kanila ay ang pagdating natin ng ligtas at ang muling pagkikita sa loob ng ilang buwang pagkakawalay sa kanila.


Eksena 3. Sa baggage conveyor na lulan ang mga kasabayang OFW, sangkatutak na kahon ang bubungad. Kaya daw matagal ang paglabas ng mga bagahe dahil sa napakarami at naglalakihan ang mga box ng appliances tulad ng flat screen tv, components, at mga laruan. Naiirita at naiinip ang mga turistang kasabayan sa daming dalang kahon na kung papansinin ay makikita at mabibili rin naman sa Pinas.

Iba pa rin kasi kapag ang bitbit na pasalubong ay galing sa pinanggalingang lugar. Hindi nila maintindihan na ang kadalasang laman ng mga kahon ay inipon pa mula sa ilang buwan o taon na pananatili sa ibang bansa.

At hindi lahat ng OFW ay kayang magbayad at nagtitiwala sa mga cargo companies na magdadala ng mga bagahe sa Pilipinas. Kaya umaasa na sa pag-uwi ay maisama nila sa kargamento ang kanilang balikbayan boxes.

Eksena 4. Masugid na naghihintay si Ate na naunang dumating kaysa sa kanyang sundo. Posturang postura. Ilang minuto pa ay dumating na rin ang isang jeep lulan ang kanyang kamag-anak na halos isang barangay. Nagmamadaling bumaba at niyakap kaagad siya ng matandang babae na siguradong nanay niya. Samantalang ang iba ay nakatunganga. Tinititigan siya mula ulo hanggang paa. Nag-aalanganin silang lumapit kay Ate na nakaboots, makintab na legging at skirt, nakajacket nang makapal at animo'y isang Japanese anime.

Sa pananamit pa lang ay malalaman na ang isang kababayan ay galing sa abroad. Para sa mga matang sanay na sa ganitong klase ng kasuotan ay normal lang at malamang hindi pansinin. Huwag lamang sumobra at gawing malaking tanghalan o fashion show ang paliparan. 
Photo by Chameleon Farm
Mahalaga sa ating mga OFW na makopya ang katangian ng isang chameleon. Ang pagbabago at ang pag-angkop ng kulay nito sa lugar kung saan siya gumagapang ay magsisilbing gabay at proteksyon natin sa dalawang lipunan na ating ginagalawan.

Wednesday, September 24, 2014

Passport Renewal in Riyadh Embassy

Ang pasaporte ay isa sa pinakamahalagang dokumento na meron tayong mga nagtatrabaho sa ibang bansa. Kaya dapat alam natin kung hanggang kailan na lamang ito.

Para sa akin, mainam gawin ang renewal ng passport, isang taon bago ito maexpire. Ito ay para maprotektahan ang sarili sa perwisyo kung ito ay magkaproblema. Ang pasaporte ay maaring magamit at least 6 months validity ayon sa ating mga nababasa. Pero huwag tayong paloloko! Ang ibang mga bansa, ayaw magbigay ng visa kahit anim na buwan pa ang itatagal ng iyong passport.

Kamakailan lang ay pumunta ako sa embahada ng Pilipinas sa Riyadh para iparenew ang passport. Simple lang ang mga kailangan at mabilis ang proseso.  Heto ang mga pinagdaanan ko.
Philippine Embassy Building in Riyadh. (mula sa google)

1. Kumuha ng Appointment sa website.

Katulad sa Pinas, pinagdaanan ko ang Online Appointment System kung saan pipili ng araw at oras nang magiging transaksyon sa embahada. Ito ay para mapabilis ang transaksyon at maiwasan ang mahabang paghihintay ng aplikante.

Limang minutong transaksyon lang ang kada appointment. Kaso, ang schedule of appointment na pagpipilian ay mga dalawa hanggang tatlong buwan pa dahil wala nang slot. Ganyan kadami ang nagpaparenew ng pasaporte sa Riyadh. Masyadong matagal. (Sana, sampung taon ang validity ng ating passport!) Mahirap mamili ng appointment dahil itataon pa ang araw kung saan wala  akong pasok.

2. Preparasyon.

Dahil may sapat na oras pa para paghandaan ang pagpunta sa Philippine Embassy sa Riyadh, ito ang mga naging preparasyon ko.

Tiket sa eroplano papuntang Riyadh. Mas maagang magbook, mas mura.

Naiprint ang E-passport Application Form na madodownload sa kanilang website. Pinunan ito at hindi iniwanang blangko. Nilagyan ng N/A (not applicable) ang mga detalyeng hindi ko masagutan.

Naiphoto copy (Xerox) ang Passport (iyong pahina na may data). Ginawang tatlo para kapag may problema ay may dalawa pang sobra.

Hiniram ko muna ang Original Passport ko sa kumpanya na nagtatago ng aking pasaporte dalawang araw bago ang biyahe ko sa embahada.

At ang kopya ng appointment letter. Naiprint ang reply sa email ng embahada. Ito ang magsisilbing katibayan na may transaksyon ako sa araw na iyon.

3. Embahada sa Riyadh

Pumunta sa embassy sa araw ng appointment date, 30 minutos bago ang appointment.
Ipinakita ang kopya ng appointment letter at pumirma sa logbook na meron ang staff sa gate. Nakita ko ang pangalan ko doon, nagpapahiwatig na inaasahan ang pagdating ko. Binigyan ako ng visitor's ID na may nakasulat na "RENEWAL" na may numero at pumasok na sa loob ng embahada.

Sa kasalukuyan, isinasagawa ang Absentee's Voter's Registration (AVR) sa lahat ng OFW na magpaparenew ng passport. (Di ko ito alam!)  Kinuha ang photocopy ng passport ko na para sana ay sa passport renewal. Ilang minuto din ang itatagal dito dahil wala naman itong appointment at ang lahat na may transaksyon sa pasaporte ay nakapila. May registration form na ibibigay na kailangang punan.

Pagkatapos ng registration, ay pumila ulit sa Passport Processing. Kahit may appointment na ay "first come, first serve" pa rin ito kapag nasa loob na ng gusali. Kailangan din dito ang photocopy ng passport at ibinigay ko sa kanila ang extra copy na meron ako. Meron naman silang xerox machine kung sakaling iisang kopya lang ang nadala.

Saglit lang ang proseso. Masyadong mahaba ang limang minuto kapag walang problema at kumpleto ang mga dokumentong isusumite sa kanila. Binigyan ako ng resibo para sa transaksyon at pumunta na sa Cashier para bayaran ang passport renewal fee sa halagang 240 riyals.

Paalala: Dapat nandoon ka na isang oras bago ang iyong appointment. Sa kaso ko, dumating ako 30 minutos bago ang appointment schedule ko ngunit natagalan pa ako ng halos 20 minutos dahil sa isinasagawang Absentee's Voter Registration.


4. Pagkuha ng Passport

Laging binibisita ang kanilang website. Nagbabasakaling for release na ang passport.  Mga 30 to 45 araw ang sinasabing "releasing day".

Bumalik sa embassy para personal na makolekta ang passport. Dinala ang lumang pasaporte at ang resibo.

Maari din itong ipakuha sa mga embassy service agent na malapit sa lugar kung saan tayo nakadestino katulad ng Al-FIFA (for government and embassy services) o di kaya sa isang kakilala na pupunta ng embahada. Kakailanganin lamang na mayroong Letter of Authorization ang tao na kukuha ng pasaporte.