Friday, October 31, 2014

Mga Takaw Pansin na Eksena sa Airport

Ito ang mga paulit-ulit na eksena sa paliparan kung saan dagsa ang mga kapwa ko OFW sa tuwing ako'y nagbabakasyon.

Bato bato sa langit, ang tamaan sana ay pumikit at huwag magalit.

Riyadh International airport, KSA
Eksena 1. Sa isang umpukan, agaw pansin si kuya dahil sa kanyang boses. Hindi malaman kong sumisigaw ba o sinasadya niyang lakasan ang pag-uusap nilang magkagrupo. Naririnig din kasi ng ibang mga tao kung paano niya ipinagsigawan ang kaniyang sahod. Ipinagmamalaki na sa kanilang lahat na magkakasama sa construction , ang kanyang sahod ang pinakamalaki. Ginagawa niya ba ito para magyabang o ginagawa niya para ipahiya ang kanyang kasamahan. Ibig sabihin ba ay mas mahusay siyang magtrabaho kaysa sa iba?

May mga tao talagang bulgar sa kanilang kinikitang pera. Ayos lang yon, pinaghirapan din naman niya iyon. Kaya lang, isipin din sana na hindi lahat ng OFW na nasa airport ay mga matagumpay. Meron diyan na mas maliit pa ang sinasahod at meron ding mga walang sinahod.

"Keep your basic salary as secret.  Walang masama sa hindi pagsabi nito". Isang mensahe mula sa mga OFW na kumikita nang malaki sa abroad.

Eksena 2. Paglapag ng mga gulong ng eroplano sa lupa, hindi lamang celfon ang inilabas ng mga pasahero mula sa kanilang mga bulsa at bag habang nanatiling nakaupo dahil "on" pa ang seat belt sign. Lumilitaw rin ang mga malabatong singsing, hikaw, kuwintas, at kung ano pang palamuti sa katawan. Nakakasilaw ang liwanag na nagmumula sa mga naglalakihan at nagkikislapang mga gintong alahas na suot nina ate at kuya.

Ang mga naiinggit ay hanggang tingin lamang. Walang pambili e. Pero isipin sana na ang naipong alahas ay nakakaakit, hindi lamang dahil ito ay mamahalin. Mahalin din sana ang buhay dahil baka ang suot na alahas pa ang magiging mitsa para bawiin ito.

Magandang investment ang alahas pero may tamang lugar kung saan dapat ito ipakita. Alam natin, nakakadagdag ito ng kagandahan  o kaguwapohan, pero sa panahon ngayon isipin sana muna ang sariling seguridad habang nasa isang pampublikong lugar.

Ang kamag-anak lalo na ang mga magulang na naghihintay sa labas ng paliparan ay hindi nasisilaw sa mga alahas na suot. Ang mahalaga sa kanila ay ang pagdating natin ng ligtas at ang muling pagkikita sa loob ng ilang buwang pagkakawalay sa kanila.


Eksena 3. Sa baggage conveyor na lulan ang mga kasabayang OFW, sangkatutak na kahon ang bubungad. Kaya daw matagal ang paglabas ng mga bagahe dahil sa napakarami at naglalakihan ang mga box ng appliances tulad ng flat screen tv, components, at mga laruan. Naiirita at naiinip ang mga turistang kasabayan sa daming dalang kahon na kung papansinin ay makikita at mabibili rin naman sa Pinas.

Iba pa rin kasi kapag ang bitbit na pasalubong ay galing sa pinanggalingang lugar. Hindi nila maintindihan na ang kadalasang laman ng mga kahon ay inipon pa mula sa ilang buwan o taon na pananatili sa ibang bansa.

At hindi lahat ng OFW ay kayang magbayad at nagtitiwala sa mga cargo companies na magdadala ng mga bagahe sa Pilipinas. Kaya umaasa na sa pag-uwi ay maisama nila sa kargamento ang kanilang balikbayan boxes.

Eksena 4. Masugid na naghihintay si Ate na naunang dumating kaysa sa kanyang sundo. Posturang postura. Ilang minuto pa ay dumating na rin ang isang jeep lulan ang kanyang kamag-anak na halos isang barangay. Nagmamadaling bumaba at niyakap kaagad siya ng matandang babae na siguradong nanay niya. Samantalang ang iba ay nakatunganga. Tinititigan siya mula ulo hanggang paa. Nag-aalanganin silang lumapit kay Ate na nakaboots, makintab na legging at skirt, nakajacket nang makapal at animo'y isang Japanese anime.

Sa pananamit pa lang ay malalaman na ang isang kababayan ay galing sa abroad. Para sa mga matang sanay na sa ganitong klase ng kasuotan ay normal lang at malamang hindi pansinin. Huwag lamang sumobra at gawing malaking tanghalan o fashion show ang paliparan. 
Photo by Chameleon Farm
Mahalaga sa ating mga OFW na makopya ang katangian ng isang chameleon. Ang pagbabago at ang pag-angkop ng kulay nito sa lugar kung saan siya gumagapang ay magsisilbing gabay at proteksyon natin sa dalawang lipunan na ating ginagalawan.

4 comments:

  1. Nakakatawa pero totoo. Ang mga eksena minsan sa paliparan, kung hindi nakakailing ay nakakaiyak. =)
    Tama din na dapat tayo ay marunong makibagay sa lugar kung saan tayo pumunta. =) Nice blog.

    www.islesgilian.com

    ReplyDelete
  2. haha, tama, mdami pang mga ilang nkakaaliw or nkakailang n eksena s airport pauwi ng pinas. s loob ng eroplano anjn un kwentuhan ng mga kapwa pinay pinoy, my kwentong uuwi dhil sabik n mkita ang anak, ngunit hindi cla sabik sa asawa dahil nngapitbahay,hahaha,dhil kc nmn 5 taon ng d umuwi,ciempre nangati ang asawa kaya nngapit bahay,meron nmn un cge ang kwento tunkol s asawa nian walang kwenta, gastos d2 gastos duun, kya wala ipon c kabayan, naiiyak nlng kkwento at aunm dami audience ni kabayan, meron din un labasan ng mga gadgets sa loob ng eroplano, laro d2 laro ulit,lowbat,lbas ang 2nd gadgets,lowbat ulit lbas un isa pa,hangan malobat n lahat ng gadgets,wala ng pangcontact sa pinas,. meron din un pagkalapag n ng gulong ng eroplano sa pinas, hiyawan, ngsisgawan ,my mga masasaya at nkauwi n ulit, may mga kinakabahan, at my mga excited mkita at masabik ang lhat ng pamilya, ang mlunkot un ibang kabayan n hindi sinuwerte sa pagaabroad,walng nauwi pera, my problema sa pinas at iba pa.my sisgaw pa na patayin nia c mister or c misis dhil nngapitbahay,hahaha.. iln lng yan sa mga eksena sa loob ng eroplano.

    ReplyDelete