Wednesday, December 18, 2013

MAM Awards 2013 Experience

Maagang nagising kahit nasa bakasyon. Isang mahalagang araw kasi para sa blog na ito.

Maliwanag pa ang buwan nang lisanin ko ang bayan ng Mlang,North Cotabato para habulin ang flight sa Davao. Kailangan kung abutan ang awarding ceremony ng Migration Advocacy and Media (MAM) Awards sa Quezon City.

Mag ala-una ng hapon nang lumapag ang eroplanong sinakyan ko sa Manila. Pagkafinal park ng eroplano, nagmadali na kaagad akong lumabas diretso sa sakayan dahil wala naman akong check-in baggage. (Pumunta lang talaga ako sa Manila para kuhanin ang award!).

Migration Advocacy and Media Awards 2013
Larawan mula sa www.cfo.gov.ph
SIKSIKAN. Walang nakatambay na taxi sa terminal 3. Iisa lamang ang available na public transpo, ang airport bus. Dahil naghahabol sa oras, sumakay na ako rito. Sobrang sikip sa loob dahil halos lahat ng pasahero mula sa airport ay sumakay dito. Sa gitna ng init at trapik, nalampasan ko rin ang eksenang ito.
Narating ko ang Taft station sa Pasay. Sa halip na sumakay ng MRT papuntang Quezon, hinanap ko ang SHOGUN Hotel para magrefresh. Naligaw pa ako dahil sa kabilang eskinita ako pumunta. Dinaanan ko ang overpass na sobrang sikip din. Di maiwasan na magbanggaan ang mga tao dahil halos naoccupy na ng mga nagtitinda ang pathway ng overpass.
Nakita ko ang hotel, nagcheck-in. Pasado alas dos na. Naghilamos at nagbihis dahil ayos nakapambahay ako. Kailangan ko ring magmukhang tao sa awarding ceremony!
Pagkatapos ng 30 minutos, ako'y nakahanda na. Kinuha ang ballpen at kapirasong papel. At habang naglalakad papuntang MRT station ay binubuo sa isipan ang acceptance speech na gagawin. Ngunit ito'y nakalimutan nang ang MRT ay animo'y naging lata ng sardinas. Mas ayos pa nga ang sardinas, at kahit paano'y may maaalog pa. Mas dumami yata ang tao sa Manila sa sobrang sikip. Halos di na masara ang pintuan dahil sa siksikan. Ang MRT lang kasi ang alam kong pinakamabilis na masasakyan mula sa Pasay papuntang Quezon City.

SSS Hall, Quezon City. Narating ko rin sa wakas ang SSS building. Alas kuwatro ng hapon. Sa registration area, hinanap ko kaagad si Ms. Reina at Ms. KC ng CFO. Agad naman nila akong inalalayan para makahanap ng upuan sa loob ng venue. Hindi pa nagsisimula ang awarding dahil may ibang programa pa ang patuloy na isinasagawa.

Kabado ako. Di ko pa kasi nabubuo ang acceptance speech ko. Dahil sa totoo lang, di ko talaga alam ang sasabihin ko. Nagsipagdatingan na rin ang mga media at ang ibang mga nanalo.

Alas singko ng hapon, nagsimula na ang programa. Tinawag na ang unang pinarangalan. Itinago ko ang hawak kong ballpen at papel nang nagsimula siyang magsalita para sa kanyang 2-minute acceptance speech. Ganoon pala ang dapat maging speech. Walang dalang papel, hindi memoryado. Effortless, dahil galing sa puso ang speech niya.

Masasabi kong, halos lahat ng mga nanalo ay nagtatrabaho bilang media men. Dahil sanay sila sa public speaking. Hindi katulad ko na tumitibok-tibok ang buong kalamnan habang nagsasalita sa mikropono noong tinawag na ang blog ko na OFW sa Disyerto. Hindi rin nawala ang kaba kaya hindi ko maalala ang naging speech ko.

Pagkatapos ng awarding, inanyayahan ako para mainterview para sa Balitang Middle East ng ABS-CBN. Lalo akong napakamot. Parang di ko kakayanin, pero nagawa ko rin. Natapos rin ang interview.

Naimbitahan din ako ng dinner pagkatapos ng awarding ceremony at kasabay ko ring kumain at kakuwentuhan ang mga media men ng ABS-CBN.

Hindi na ako tumagal pa sa venue. Bumalik na ako sa hotel para magpahinga dahil first trip ulit ang biyahe ko pauwi kinabukasan.

Sulit ang araw na ito.

Other links about MAM Awards 2013:
http://www.cfo.gov.ph
MEGAScene- a publication of Philippine Time-USA