Friday, May 16, 2014

Mga Hakbang para Maiwasan si MERS-CoV

Minsan nakakapagtaka. Sa ganitong panahon, ng makabagong teknolohiya, nadidiskubre pa ang mga ganitong klase ng sakit na dapat ay immune na tayo. Kung kailan may nakaimbento na ng gamot para lunasan ang isang malubhang karamdaman, e heto na naman. May bago na namang sakit na bigla na lang lumitaw. Kumbaga, para lang siyang kabute na biglang sumulpot at hinahanap pa ngayon ang kanyang orihinal na pinagmulan.

Brochure from www.moh.gov.sa

Si Middle East Respiratory Syndrome - Corona Virus ( MERS-CoV) ang pangunahing pinaglalaanan ng pansin ng Health Ministry dito sa Saudi Arabia sa ngayon. Mula sa aming company clinic, newspapers, at maging ang embahada ng Pilipinas ay nagpakalat ng mga preventive guidelines para iwasan ang kriminal na ito na pumatay na ng ilang tao.

At bilang isang indibidwal na nagtatrabaho sa bansang ito, ilalatag ko rin ang aking sariling prevention kit lalo pa't di ko pa masyadong kilala itong si MERS-CoV. Mahirap na ang mahawaan lalo pa't kasama ko ang pamilya ko dito.

1. Iwasan muna ang paggala at lumabas lalo na tuwing biyernes kung kailan di-mahulugang karayom ang mga daan sa dami ng tao tuwing weekend. Dedma muna sa mga walang katapusang weekend sale! Baka kasi isa sa makakabanggaan ng siko ay si MERS-CoV.

2. Iwasan muna ang pagbisita sa mga ospital kung di naman kailangan. Ang mga biktima ng virus na ito ay kadalasang nagtatrabaho sa hospital. Dito kasi si mahiyaing MERS-CoV nakikilala kaya nagwawala at nanghahawa.

3. Sa mga OFW na nagtatrabaho sa sales, at  iyong kailangan sa trabaho na kausapin ang iba't ibang tao, ay maiging gumamit ng protected masks. Hindi lang ang virus ang maiwasan kundi kasama rin ang ibang masamang hangin.

4. Pataasin ang immunity booster. Kumain kaya ng gulay at prutas, at uminom ng maraming tubig.

5. Panatilihin ang kaayusan ng personal hygiene. Nasa sarili na iyon kung paano tayo maglinis. May ibang tao kasi na sakitin kapag sobrang malinis sa katawan.

6. Iwasan ang mga kaklase ni MERS-CoV na sina sipon, ubo, at lagnat. Pinigang katas ng lemon at luya na pinakuluan sa tubig ang mainam na panlaban sa kanila. Kapag nararamdaman na paparating pa lang sila, unahan na kaagad ng isang baso ng lemon/ginger drink.

7. Ayon sa Ministry of Health, iwasan muna ang pakikipag-eye ball sa mga camels. Sa kanilang pagsusuri, ang virus raw ay nabubuhay sa respiratory ng camel (Alriyadh News). Kaya kung maari ay iwasan muna pansamantala ang karne at gatas ng camel hanggat hindi pa kumpirmado ang kanilang ginagawang pag-aaral. "Uncooked camel meat and raw camel milk are potentially harmful and could harbour the virus".

Ang bawat sakit ay may siguradong lunas. Sigurado ang mundo ay makakaraos mula sa pagsubok na ito.


Friday, May 9, 2014

Ang Tawag sa mga Pinoy

"Sadik" ang tawag ng mga lokal sa mga expat na kausap.

"Filibini" ang tawag ng mga lokal sa mga pinoy.

"Pare" ang tawag sa mga pinoy ng mga business minded na mga lokal at expat tulad ng mga taxi driver at tindero.

"Suki" ang tawag nila sa pinoy na kustomer kahit di naman bumibili.

"Kabayan" ang tawag ng pinoy sa kapwa pinoy na hindi kakilala at nakasalubong sa daan.

"Brother" ang tawag sa pinoy ng isang babae na hindi pinay.

"Kuya" ang tawag sa pinoy ng isang pinay kahit minsan mas matanda pa ang babae.


"Kuya, may I have your insurance card?", tawag sa akin ng Saudi receptionist sa isang dental clinic nang bumisita ako. Ayos lang, mukhang mas bata naman sa akin ang kausap kong nakatago sa "niqab" at mata lang ang nakikita.

"Open your mouth kuya", sabi sa akin ng Sudanese dentist. Halata namang mas matanda pa kaysa sa akin. Ganunpaman, masaya ako hindi lang dahil tinawag niya ako sa wikang hindi niya kabisado. Inayos at binalik niya ang mga ngiti ko.

Ito ang ilan sa mga salitang itinuturo at nakukuha ng mga ibang lahi sa mga katrabaho nilang mga Pinoy.