Tuesday, July 8, 2014

Kuwento ni Kabayan - Danny

May mga araw dito sa Saudi na kailangan mo ng kababayan na makakausap at kakuwentuhan. At sa bawat kuwento na iyon, iyong mapapansin, na ang kanyang naranasan ay di nagkakalayo sa iyong sariling kwento. Ikaw ito kabayan!

Si Danny, di totoong pangalan
Waiter, Taga Davao 
10 months sa Saudi


Napagdesisyunan namin na lumabas at kumain sa isang restaurant. Mga 80% ng staff dito ay Pinoy. Kasama ang aking mag-ina at mag-asawang kaibigan, pinasok namin ang restaurant kung saan mayroon silang Ramadan Iftar promo na 59 riyals kada tao sa isang set ng appetizer, soup, salad, main dish, at bottomless drinks.


Kunafa - ay isang pagkain na yari sa cheese at cream. Hinahanda tuwing dinadaos ang Ramadan, ngunit dahil sa kakaibang sarap, mabibili mo rin ito sa mga bakery at pastries.
Kinuha ng waiter ang aming mga order. 

At habang naghihintay, may isang waiter ang nagbigay sa isang taon kong anak ng krayola at coloring book kahit di pa ito marunong magkulay. Sinubo pa nga ng anak ko ang krayola! Ganito talaga dito sa Saudi, may token ang mga bata kapag pumasok sa mga kainan o tindahan. Pinapahalagahan nila ang presensiya ng isang bata sa kanilang mga negosyo. Naging practice na nila ito. 

Ilang minuto pa, bumalik ulit ang waiter at binigyan ang anak ko ng lobo. Hindi lang isa kundi anim na makukulay na lobo na nakabugkos.

Masaya ang talakan ng magkaibigan lalo na sa harap ng pagkain. May kuwentuhan, kaunting tawanan at siyempre di rin ligtas sa eksena ang anak ko. Umaaksiyon kasi siya kapag kinakanta ng mommy niya ang "Incy Wincy Spider". Nagpapakitang gilas.

Sa aming kasayahan, may mga mata palang nagmamasid sa amin. Nalaman namin ito noong hinatid ng waiter ang pasta na huling hinanda. Nakalimutan yata! Siya iyong waiter na nagbigay ng token sa anak ko.

"Ilang taon na po siya?", itinatanong ng waiter ang edad ng anak ko.

"One year, and four months", sagot ni Misis.

Makikita sa kanyang mukha ang pananabik. "Ang anak ko nine months pa lang. Kakalibing niya lang last week....."

"May sakit siya sa baga... komplikasyon pa simula noong isinilang siya...Isang buwan din siyang nasa hospital. Hindi ako nakauwi dahil bago pa lang ako dito. After 2 years pa kasi kami makakauwi dahil sa kontrata...Pumayag naman yong boss namin na umuwi ako kaso sagot ko ang gastusin.. Mahal kasi ang pamasahe sa eroplano at iyong mga dokumento pang kakailanganin... Kapag umuwi ako, malulubog ako sa utang at di rin ako sigurado kung may babalikan pa akong trabaho..." 

"Naiintindihan naman ng amo ko ang pakiramdam ko kaya hindi ako pinatrabaho ng isang linggo dahil di ako makapagconcentrate ..." Salaysay niya habang namumugto ang mga mata dahil halatang pinipigilan ang pag-iyak.

Hindi tumagal ang usapan namin dahil kailangan niya pang bumalik sa kusina. At habang inuubos namin ang pagkain, nahuhuli namin ang waiter na titig na titig sa anak ko na nakaupo sa high chair. Naiiyak.

Kahit kami di rin mapigilan na madala sa emosyon niya. Hindi lamang dahil isa siyang OFW, kundi dahil pareho kaming mga magulang. Mahal ko ang sarili  ko noong binata pa ako. Ngunit sa ngayon, mas mahal ko ang anak ko kaysa sa sarili ko. Ang mawalay sa pamilya ay sobra nang pahirap. At sa kaso naman niya ay sobrang sakit. Isinilang ang una niyang anak at inilibing na hindi niya man lang nakarga at nayakap.

Salamat kabayan sa pagbahagi ng iyong buhay. Alam ko, kailangan mo iyan para gumaan ang iyong pakiramdam. Ang ipinakita mong katibayan ay nagsisilbing inspirasyon sa aming mag-asawa. Namatayan ka man ng anak ay isa ka pa ring dakilang ama. Hindi mo man sinasabi, alam ko, sinubukan mo siyang isalba. Marahil iyan ang dahilan mo kaya nandito ka ngayon sa Saudi.

Saludo ako sa iyo Kabayan!