Higit kalahating oras lulan ang eroplano o di kaya ay apat hanggang limang oras sakay ng kotse at tatahakin ang disyerto mula sa Dammam, Eastern Region ay mararating na ang Riyadh. Ito ang sentro ng bansang Saudi Arabia.
|
Rising buildings while approaching Riyadh City from the airport. |
Ang Riyadh ang kapital na siyudad ng bansang matagal nang pinagsisibilhan ngunit ngayon pa lang napadpad. Kung hindi dahil sa passport kong malapit nang mamaalam ay hindi ko masisilip ang lugar na ito.
Tama nga ang deskripsyon ng kasamahan kong Arabo. "
There's nothing in Riyadh. No farm, no oil..Only desert!" Paano ba naman kasi, ang siyudad ay nasa kalagitnaan ng malawak na disyerto. At dahil ito ang kapitolyo, makikita rito ang maraming imprastraktura at mga gusali indikasyon ng isang maunlad na bansa.
Manghang-mangha ako sa disiplina na meron sa lugar na ito. Malinis at nagtataasan ang mga gusali. May tamang lugar para sa pabahay at para sa komersyal na establisyamento. Maraming magaganda at kakaibang disenyo ng mga gusali, mosque, at mga kainan. Malayong malayo sa lugar na pinagtatrabahuan ko.
|
Kingdom Tower, ang landmark ng Riyadh. |
Napadpad sa Olaya Street na (o-le-ya) pala ang tamang pagbigkas. Napuntahan at naakyat ang matayog na Kingdom Tower na animoy "Eye of Mordor" sa pelikulang "Lord of the Rings". Napasok at narating ang mahigit 300 metro na skybridge nito mula sa lupa. Napagmasdan ang buong siyudad at ang galaw ng mga sasakyan sa ibaba. Mas mataas ito sa skybridge ng Petronas Twin Tower na napuntahan ko noong 2008.
Sa Olaya pa rin, nandito rin ang isa pang tower na kakaiba din ang anyo, ang Al-Fasaliyah Tower. At dahil kinapos ng oras ay hindi na nagawang puntahan pa.
|
Al-Fasaliyah Tower |
|
Pulang buhangin. Sandstorm area dalawang oras mula sa Riyadh. |
Ang Riyadh ay tahanan ng maraming Pinoy na nagsusumikap para maitaguyod ang pangangailangan ng kanyang pamilya. Kadalasan makikita sila sa mga klinika, ospital, opisina at mga restaurants dito sa kapitolyo.