Monday, December 8, 2014

Kanselado dahil sa Bagyo

Sa tuwing bakasyon, maliban sa kamag-anak na bibisitahin ay kasama din sa talaan ang mga lugar na gustong puntahan. At habang ginagawa ko ang post na ito, kasalukuyang binabayo ng bagyong Ruby (International name Hagupit) ang lugar na akin sana'y destinasyon.

Dalawang buwan kong pinaghandaan ang bakasyong grande kasama ang aking pamilya mula sa domestic flights at mga hotel na aming papanhikan.

Malakas ang bagyong Ruby ayon sa balita ngunit di natinag ang mga television network sa kanilang normal na programa. At sa katulad naming nasa probinsiya na  walang cable subscription at internet connection, ay tanging sa radyo lang umaasa at nakikibalita.

Hindi kanselado ang flight namin papuntang Cebu gayong may typhoon signal ang lugar na iyon mula sa PAGASA. Kaya tuloy ang biyahe at patuloy ang pangangalap ng kapalaran na makarating sa Boracay.

Paalis ng Davao International Airport. Maliwanag at maayos ang kalangitan.
Ganito ang mga ulap kapag maaliwalas ang panahon.
Kakapasok sa kaulapan na sakop ng bagyo. Nanatiling mas mataas sa ulap ang eroplano.
Pumasok na sa looban ng ulap dahil malapit na ang Cebu.
Ganito ang eksena sa ilalim ng mga ulap.
Landing sa Mactan International Airport.
Maulan ngunit hindi kalakasan.
Habang nasa Cebu, tumawag ang airline staff na kanselado ang biyahe papuntang Boracay at ito'y tanggap namin. Aanhin pa ang bakasyon grande kung hindi ka naman ligtas.

Ito ang mga nalaman ko:
1. Mahirap pala ang magparebook ng flight sa mga lugar na dagsa ang turista at may limitadong biyahe. Huwag mong asahan na makakasakay ka kinabukasan.
2. Madaling magpakansela ng flight iyon nga lang may fees. At dahil FORCE MAJEURE, may full refund. Kung paano maibabalik ang bayad, iyan ay hindi madali.
3. Mahirap kontakin ang mga airline hotline numbers sa ganitong pagkakataon. Marami kasing stranded na pasahero ang pumipindot para sila kausapin.
4. Ang hotel sa Boracay na aking tutuluyan, 10% ang down payment na hiningi at ito ay non-refundable. Nakahanda sila sa ganitong klase ng pangyayari. May iba kasing hotel na full payment ang kailangan.
5. Maging flexible sa biyahe. Nararapat lamang na magkaroon ng Plan B nang hindi masayang ang oras at panahon. At higit sa lahat, nang hindi masyadong malaki ang maidagdag na gastusin.

Kapag imposible at mahal ang rebooking at re-routing ng flight, mas maiging maghanap na lang ng magagandang lugar sa malapit.