Wednesday, February 11, 2015

Buhay ng Trailer Driver sa Saudi

Kasama sa trabaho ang pagsundo ng mga trailer truck na may lulang chemical tank sa gate ng kumpanya. Ito ang nagsusuplay sa amin ng kemikal na ginagamit sa plantang pinagtatrabahuan. At sa linggong ito, ang mga driver na naghahatid ay mga Pinoy.

Nang minsan ako ang nangangasiwa sa pagdiskarga nang laman ng tangke ay napagkuwentuhan namin ng isang Pinoy driver ang kanilang kalagayan sa pagmamaneho ng sinasakyang trailer truck at ang buhay nila bilang driver.

Gusto ko sanang kuhanan ng larawan o di kaya ay mairekord ang mga pinag-usapan namin. Kaya lang bawal ang cellphone at camera. Kailangang iwanan sa guard house ang gadget sa tuwing papasok sa planta. Ganunpaman, masaya pa rin ang aming kuwentuhan at ito ang mga nilalaman ng aming usapan.

Highway in Abqaiq, Saudi Arabia.
"Galing pa kami ng Jeddah, nandoon ang base namin. Halos isang linggo na kami dito. Tumambay pa nga kami ng ilang araw sa may check point dahil nahold kami ng pulis. Paso na kasi ang mga gate pass ng trailer.

Iyong truck lang ang amin dahil iba-iba ang aming hinihila. Kung ano ang inuutos sa amin, iyon ang aming naging trabaho. Hindi namin alam kung kailan kami makakabalik sa aming base. Hanggat may trabaho pa ay dito muna kami sa Jubail pansamantala.

Sa bawat biyahe, binibigyan kami ng kumpanya namin ng allowance. Iyon ang kinukuhanan namin ng gasolina at pagkain. Kaya masaya kami kapag may biyahe dahil may extra income kami. Ang allowance na binigay ay tinitipid namin. Hindi kami laging bumibili ng pagkain sa mga restaurant. Nagluluto kami. Meron kaming maliit na gas stove, kaldero, galon ng tubig at mga de latang pagkain. Sa oras na nagugutom ay may kanin at ulam kaming nadudukot habang nagmamaneho.

Ang sasakyan na iyan ang naging bahay namin. Kung saan man kami makakarating, siguradong mayroong barracks na nirerentahan ang kumpanya namin. Ang kaso, walang parking space para sa mga malalaking sasakyan na tulad ng dala namin kaya malimit di na kami natutulog doon. Sa sasakyan na kami natutulog."

"Maayos ngayon dahil taglamig. Pero kapag tag-init, para kaming ginisa ng sariling pawis dahil sa init. Hindi kasi kaya ng aircon ng sasakyan na palamigin ang loob."

"Kung saan may malawak na lugar, doon kami humihinto. Magluluto at matutulog. Kapag sa tabi ng dagat, nakakapamingwit kami. May huli at ulam na kaming isda bago umalis. Inaalam din namin ang susunod na istasyon na puwedeng maligo at para sundin ang tawag ng kalikasan. Hindi naman puwedeng basta na lang tumabi at huminto sa daan dahil delikado. Malalim kasi at malambot ang gilid ng kalsada at baka mabaon ang mga sasakyan namin. Kaya sinisigurado na may tamang pundasyon ang mga lugar na hihintuan katulad ng ilalim ng tulay at mga gasolinahan. Kapag may problema at di na kayang tumakbo pa, tatawag lang kami para magparescue sa tauhan ng kumpanya. Kung sino ang nasa malapit na bayan ay siyang magliligtas sa amin.

Hindi ito Pilipinas na ang bawat truck ay may kasamang pahinante. Dito, ang driver ay mag-isa kaya ang lahat ay nasa aming kamay. Ang sariling kaligtasan at ng truck na minamaneho. May nagnanakaw din ng mga gulong ng sasakyan dito. Yung sa amin, walang nagkainterest dahil puro China made ang mga iyan.

Noong bago ako rito ay mahirap dahil hindi pa kabisado ang daan at pahirapan ang magtanong. Pero ngayon ay may kaunting alam na sa lengguwahe ng Arabo at may celphone na kaya medyo madali. Kaming magkakasama, nagtatawagan kami kung saan ang daan para ihatid ang mga kargamentong hila namin.

Ang matinding kalaban namin dito ay ang "truck ban". Bawat bayan ay may iba't ibang oras para sa pagdaan ng mga truck. Kailangang sa oras na iyon ay makakarating ka na at kung hindi ay matatambay ka sa tabing daan at sa susunod na araw pa ang alis mo. Kaya minsan walang tulugan, para lang maabutan ang oras. Matutulog na lang ulit kami kapag nakaligtas at nasa loob na kami ng bayan."
 
Kapag itong tangke ng chemical ang dala namin, mauga kapag kalahati. Umaalog kasi ang laman. Pero kapag puno o di kaya walang laman ay walang problema. Hindi namin minsan alam kung ano ang mga karga namin. Binabasa lang namin ang MSDS na nakalakip sa dokumento na aming dala. ", pagkukuwento ni Kuya.

Red sand dunes near Riyadh.
Ang Material Safety Data Sheet (MSDS) ay isang dokumento na naglalaman ng impormasyon ng isang produkto. Nakasaad dito ang kanilang chemical components, chemical at physical characteristics, kung gaano ito ka delikado at kung paano ito maiwasan, at marami pang iba. Mahalaga itong basahin para sa kaligtasan ng kumakarga.

At dahil lagi naming ginagamit ang kemikal na ito, ibinahagi ko kay Kuya ang ilan pang kaalaman at impormasyon para makilala niya nang husto ang kargamentong dala niya. Sabay na rin nang pasasalamat sa pagbahagi ng kanyang karanasan bilang isang trailer truck driver dito sa Gitnang Silangan.