Marami na sa ating mga Pilipino ang nakakapunta o nakakagala sa ibang bansa.
Isang pagpapatunay na umaangat ang ating kakayahan na maglakbay at magtuklas ng mga bagong kultura maliban sa kakaibang tanawin na masisilayan lamang sa bansang bibisitahin.
Isang pagpapatunay na umaangat ang ating kakayahan na maglakbay at magtuklas ng mga bagong kultura maliban sa kakaibang tanawin na masisilayan lamang sa bansang bibisitahin.
Nang minsan kasabayan ko ang mga grupo ng mga kabataan sa isang domestic flight galing ng Davao, ay dinig ko ang kanilang usapan. "Pag-iipunan at pupuntahan ko talaga ang Maldives!".
Ang mga isla ng Maldives mula sa eroplano. |
Saan ba yon? Paano pupuntahan? Anong sasakyan? Mura ba doon?
At mula noon, naging interesado rin ako sa pagpunta ng Maldives lalo pa at napapabalita na ang ibang isla nito ay unti-unti nang lumulubog.
Bago natapos ang taong 2015 ay napuntahan ko sa unang pagkakataon ang bansang pinapangarap ng mga taong mahilig maglakbay. Tama nga ang mga sinasabi ng mga taong nakakapunta na. Ito ang lugar na gustong gusto mong puntahan pero ayaw mo nang balikan lalo na sa usaping pinansyal.
Ang Maldives ay isang bansang binubuo ng mga maliliit na mga isla sa Indian Ocean. Mas malapit ito dito sa Saudi Arabia kaysa sa Pilipinas. Kapitbahay na bansa niya ang India at Sri Lanka kaya medyo magkakahawig ang mga mukha at kultura nila. At kahit sila ay nasakop ng Briton, nanatiling puro muslim ang bansa. Katulad ng Saudi, tanging Islam lamang ang kinikilalang relihiyon ng bansa kaya aasahan na wala kang makita na anino ng baboy.
Ang pagpunta sa Maldives ay hindi biro. Kailangan ng malaking halaga. Ganunpaman, kapag gusto ay may paraan. Kailangan lamang na pag-ipunan. Kailangang paghandaan para makarating sa Maldives ang isang katulad ko na ordinaryong OFW mula ng Saudi.
Inumpisahan ko munang maghanap ng eroplanong masasakyan. Apat na buwan bago ng bakasyon ay nabili ko na ang round-trip tiket sa Oman Air. Hindi kagandahan ang transit hours dahil sa medyo mababa ang presyo pero ang mahalaga ay marating ang pupuntahan. Ang paghahanap naman ng resort ay masakit sa ulo. Ang mamahal at ang daming fees na babayaran. Napansin ko lamang, mas mahal ang mga resort na malapit sa kapitolyo ngunit mas mura ang pamasahe dahil speed boat ang kadalasang sasakyan na maghahatid sa isla. Ang mga malalayong resort na mahirap puntahan ay mas mababa ang presyo ngunit mahal ang pamasahe dahil seaplane ang sasakyan. Ang paggamit sa mga pampublikong sasakyang pandagat papunta sa malalayong mga isla ay hindi nirerekomenda sa isang turista maliban na lang kung hindi limitado ang araw ng bakasyon at magtatagal sa bansa .
Naghanap ako ng travel agent na nakabase sa Maldives at napatunayan ko na mas nakakatipid kapag sila ang kumuha ng resort kaysa ako ang personal na magbook sa internet. Minsan, ang mga travel agency na ito ay may mga promo tulad na lang halimbawa kung 3 araw ang naibook ay libre ang isang araw. Ganito pinapahalagaan ng gobyerno ng Maldives ang tourism industry nila kaya kadalasan ng kanilang mga mamamayan ay sa ganitong linya nagtatrabaho.
At dahil di talaga kaya ng budget ang tumagal sa mamahaling resort, pumili ako ng hotel sa Hulhumale. Isang malaking man-made island na malapit sa airport. Maraming pagpipilian na pasok sa natitirang budget ko. Ang mga hotel sa Maldives ay nag-aalok ng mga excursions tulad ng snorkeling, diving, island hopping at day tours sa mga resort. Kung limitado ang kaban ng kayamanan, pwede namang manatili sa hotel at kumuha na lamang ng mga "day pass" sa mga resort na gustong bisitahin. May mga kontak silang mga travel agent na mag-oorganisa ng pagbisita sa mga mamahaling resort.
Ang mosquito repellant at sun block ay mahalagang dalhin dahil maraming kulisap na nangangagat at lamok sa isla. Tama din ang naging desisyon ko na magdala ng sarili kong snorkeling set (mask, snorkel, at fins). Lahat ng aktibidad ay sa tubig at kailangang lumangoy. Mahal ang renta ng ganitong mga kasangkapan sa mga resort.
Sa pagpasok sa Maldives immigration, hindi naman nila hinanap sa akin ang reservation at flight itinerary dahil nakita naman siguro nila na bitbit ko ito. Subalit, nagtatanong ang opisyal kung saang hotel tutuloy. At para makasiguro, mas maayos rin na magdala ng kopya ng iqama. Nagtataka kasi sila na ang isang Pinoy na may dalang Philippine passport ay sasakay sa eroplanong papunta at may final destination na Middle East.
30 days pass ang kadalasang binibigay sa mga turista, katulad nating mga Pinoy, na bumibisita sa Maldives. |