Tuesday, August 20, 2013

Pag-aalala para sa isang Domestic Helper

Animo'y nasa isang bilangguan. Malapit nang lumaya at makakatapak muli sa tinubuang bayan. NAIA-3.
Emosyonal - ganito ko isalarawan ang isang babaeng housekeeper na kaharap ko noon. Nasa airport kami ng Dammam at naghihintay ng oras para sa aming flight na may stop over sa Abu Dhabi. Akala ko nga isa siyang pinay dahil napalibutan siya ng mga pilipino. Lahat nakikinig sa kanya! Tapos na ang kontrata niya at laking pasalamat niya na uuwi na siya sa Indonesia.

Pilit niyang ikinukwento sa salitang English ang hirap na kanyang pinagdaraanan. Minsan nga senyas na lang ng mga kamay at pahid ng luha sa mga mata ang aming nakikita. Ang kanyang mga kuwento ay may kurot sa puso. Hindi lamang pala mga Pinoy DH ang nakakaranas ng ganito. Mga tadyak at sampal at kahit gutom ay kanyang nadaanan sa kanyang mga naging amo. Ipinasapasa at paiba-iba ang kanyang mga amo. Iyong panghuli ang mabait dahil binilhan siya ng tiket at pinauwi. Sa kakukwento niya ay minsan napahagulgol kaya may isang Pinay ang yumakap sa kanya. Nakakarelate, dahil isa rin siyang housekeeper o domestic helper (DH). Mabait nga lang iyong naging amo niya.

Ang Pilipinas ang isa sa bansa na nagpapadala ng housekeeper dito sa Saudi Arabia. At dahil sa mga batas na nagsasaklaw sa kapakanan ng ating mga Pinoy DH, ay medyo napapaangat at naalagan ang ating mga kababayan. Mabuti na lang at medyo maingat na ang ating pamahalaan sa ngayon.

Ayon sa isang Saudi na kakuwentuhan ko, halos lahat ng mga pamilyadong Arabo ay may housemaid. At kadalasang kinukuha nila ay galing sa bansang Ethiopia, Indonesia, India, Sri Lanka at Pilipinas. Ngunit madalang lang silang kumukuha ng isang Filipina sa ngayon dahil mahal ang salary rate. Ang pinakamura ay ang mga Ethiopian na tumatanggap ng 500-600 riyals (mga 6,000 pesos), ang Indonesian ay 600-700 riyals (mga 7,000 pesos), ang Sri Lankan, at Indian naman ay nasa 700-900 riyal (9,000 pesos). Samantalang ang isang pinay ay nasa 1,200 - 1,500 (15,000 pesos) kada buwan.

Iniiwasan nila ang isang Pinoy DH dahil sa masyadong mahal para sa isang normal salary earner na Arabo. Kaya Ethipioan o Indian ang kanilang kinukuha. Samantalang ang mga maykayang pamilya sa Saudi ang halos nakakakuha sa mga Pinoy DH. Isa pang dahilan ay ang pag-iwas sa temptasyon ( kaya siguro may nanghahalay). Magaganda daw kasi ang mga Pinay.

Minsan may nagtanong sa akin kung mayroon ba akong kakilala. Naghahanap kasi ang pamilya nila ng house maid. Sabi ko wala at kahit meron man, hindi ko ito sasabihin.

Sabi ko, " Don't hire a Filipina as a housemaid. Hire them as a tutor or a nanny." Sumang-ayon siya sa akin. Iba kasi mag-alaga ng bata ang isang Pinay. Napansin niya rin ito sa hospital. Kung paano humawak at mag-alaga ng bata ng mga Pinay nurses. Sobrang maingat na kahit iyong asawa niya ay di magawa ang ganung klaseng intimate care na ginagawa ng mga nurses.

Naalala ko rin ang kuwento sa akin ng isang South African guy na nagtratrabaho rin dito sa Saudi. " I was surprised that a young Saudi girl can speak English. No doubt, i saw her nanny, from Philippines."

Kahit anong propesyon dito sa Saudi ay puwede. Maliban na lang sa trabaho ng housemaids. Sa dahilang sila ang pinakamalapit sa mga  pang-aabuso, pagmamalupit, at pagmamaltrato. Hanap nga ay trabaho ngunit hindi naman sigurado kung mabait ang magiging amo. Pang-isahan lang per household ang hiring kaya kapag inabuso ay walang kalaban-laban. Kaya mas gugustuhin ko pang tigilan na ng bansa ang pagpapadala ng Pinoy DH sa Middle East dahil na rin sa mga naging karanasan ng karamihang DH.

Malaking tulong ang nagagawa ng mga housemaids sa isang tahanan, lalo na sa isang malaking pamilya, ayon sa isang Arabo. Ganunpaman, mas sobra pa doon ang impact sa isang tahanan na may isang pinay DH. Hindi lamang sa paglilinis ng bahay sila magaling. Ito'y napapatunayan sa asal at kaugalian ng isang batang Arabo na minsang nakasalubong ay nakangiti at  binabanggit ang salitang "Kumusta ka?".

4 comments:

  1. mahirap nga ang trabaho nila... isama pa na minsan wala silang day off... swertehan lang talaga... mapalad ung mga di nakaranas ng pag aabuso...

    ReplyDelete
  2. Remember we are all individual and have different needs; someone looking for a substitute “mother” for their children who cooks; does the shopping; baby-sits and requires little supervision and will only serve by the best Domestic Helpers.

    ReplyDelete
  3. Good evening po ask ko lng po if ano magandang gawin if napagbintangan na nagnakaw sa bansang Kuwait? Wala namn pong ninakaw yung OFW pero pinagbantaan at pinagbintangan po ? Reply po asap

    ReplyDelete
    Replies
    1. Magandang araw po. Kontakin niyo po ang Philippine embassy o POLO sa Kuwait para matulungan po kayo. Maraming Salamat.

      Delete