Isa lamang ang aming kumpanya sa maraming iba pa ang apektado nang pagbabago sa pandaigdigang merkado ng langis. May mahigit isang daan na rin ang tinanggal sa amin bago natapos ang taon at siguradong may kasunod pa ito. Hindi lamang mga OFW ang apektado kundi kasama na rin ang ibang mga lahi. Marami na ring mga Pinoy ang hindi na nirenew ang kontrata at iyong iba na mas matagal pa kaysa sa akin ay napili rin para pauwiin.
Petrochemical plant - larawan mula sa google |
Sa kasalukuyang estado ng mga kumpanya na nakadepende sa langis, inaasahan namin na sa mga susunod na bugso nang tanggalan sa trabaho ay maging handa kami. Subalit, handa na nga ba talaga kami? Sapat na ba ang ipon para manatili na lang sa Pinas?
Ito ang mga pinaghahandaan ko para kung sakaling matapos ang kontrata at pinauwi ay masaya akong haharap sa pamilya na wala nang iisipin pa.
1. Edukasyon
Nakapagpaaral at nakapagpatapos ng isang kapamilya. Matagal at magastos ngunit nasusulit naman ang pinaggastusan kapag makita silang nakapagtapos at may maayos na trabaho. Natulungan na nga silang tumindig sa sarili nilang mga paa, ay mababawasan pa ang kapamilya na nakadepende pagdating sa gastusan.
2. Family Status
Sa social media, may isang OFW na nagrereklamo hinggil sa kamag-anak na humihingi ng panggastos sa kasal at binyag. Sinupurtahan ito ng alipusta ng karamihan. Ngunit para sa akin, dapat ay tulungan niya ito ng bukal sa loob. Ang problema ng isang kapamilya ay problema ko rin lalong lalo na sa kasal. Ang tulungan silang mailagay sa tamang estado ng batas ang kanilang pagsasama ay kailangan. Kapag sila ay legal, may mga karagdagang benipisyo silang makukuha lalo na kapag ang isa sa kanila ay may trabaho.
3. Trabaho at Negosyo
Natulungan silang makapaghanap ng trabaho. Kahit man lang sa pangtustos ng kanilang mga kakailanganing dokumento. Mag-isip ng isang pagkakakitaan na puwede at babagay sa kanila. Kapag mayroon na silang sariling kinikita, bawas na yan sa iisipin ko.
4. Ipon at Karagdagang Kita
Karamihan sa aming mga OFW ay "zero" pagdating dito. Marami kasing pinagkakagastusan kaya nananatili ang mababang balanse ng pera sa bangko. Ganunpaman, kahit hindi ako financial expert, may mga mga sarili akong diskarte para makapag-ipon at nagkaroon ng karagdagang kita habang ako ay nandito pa sa Saudi at nagtatrabaho."Dahil kahit gaano pa kalaki ang sahod ay ganoon din tayo kung gumastos." Kaya aasahan na mauubos ang sahod na tax free kapag walang kontrol sa sariling gastos at problemang pinansyal ng pamilya.
Maraming paraan kung paano magkaroon ng extra income. Ang kailangan lang ay diskarte at taong mapagkatiwalaan at maaasahan sa tamang paghawak ng pera.
5. Bahay
Maliit man ito at simple. Ang buo at matatag na miyembro ng pamilya ay hindi nakikita sa laki, gara at eleganteng materyales ng isang bahay kaya ito ay nasa huling talaan. Aanhin ko ang malaki at magarang bahay kung ang buong ipon ko sa pagtatrabaho sa abroad ay nagastos ko dito. Mas gugustuhin ko pa ang simpleng bahay kubo kung lahat naman ng pangangailangan ng pamilya ay natutustusan.
Sa mga OFW na walang sariling bahay, malamang ito ang magiging una sa mga prayoridad na tinustusan. Ang magkaroon ng sariling lupa at bahay ay ang unang natutupad sa mga dati'y pangarap lamang.
Bilang isang OFW, nagsimula ako sa wala. Pangarap at dedikasyon na tulungan ang pamilya ang tanging meron ako. Alam ko naman na walang permanente sa pagiging isang OFW. At ngayong nagbabadya ang isang sitwasyon na hindi inaasahan, wala naman sigurong masama kung ako ay maghanda.