Online OEC at Exemption
Screenshot of BM exemption |
Sa pagkuha ng online OEC, siguraduhin lamang na nakarehistro sa Balik Manggagawa Processing Online System na www.bmonline.ph at kasalukuyang may record sa POEA data base. At dahil may dati nang records at ako ay babalik sa parehong kumpanya, inaplayan ko ang "BM exemption". Kinuha ko ang BM exemption number at isinulat sa e-ticket ko. Samantalang sa cellphone ko ay nakatago ang screenshot na larawan katulad nang nasa itaas kung sakaling hindi papaniwalaan ang numero.
Dumiretso na kaagad ako sa airline checked-in counter. Itinuro ko na lamang sa staff ang exemption number na nakasulat sa e-ticket at ibinigay na rin ang flight boarding pass nang walang hininging dokumento maliban sa pasaporte.
Reduced Travel Tax for OFW's Dependent
Kasama ko palagi ang aking pamilya kaya dumaan muna kami sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authoriy (TIEZA) para magbayad ng travel tax. Kasama na kasi sa ticket ang terminal tax na noon ay kasabay na binabayaran sa counter na ito. Kailangan lamang maipresenta ang mga dokumento na nagpapatunay na sila nga ay mga dependent ko.
1. Ticket/boarding pass
2. Original Marriage Certificate (asawa)
3. Original Birth Certificate (anak)
4. OEC
At dahil sa wala akong maipakitang OEC, kailangan kong maipresenta ang dokumento na nagpapakita ng aking kumpanya at ng bansang pinagtatrabahuan katulad ng mga sumusunod;
1. Residence card
2. Employment Certificate
3. Current Payslip
4. Employee ID card
5. Employment Contract
Ipinakita ko ang aking company ID at nagbayad ng travel tax na P300 kada dependent (economy class).
Para sa ibang OFW, lalong lalo na ang nasa Saudi na may pamilya, may ihahanda tayong mga dokumento bago magbakasyon. Siguraduhin lamang na dala natin pauwi sa Pinas ang alin man sa mga dokumentong nabanggit. Ang residence card at employee ID ay kadalasang naiiwan sa mga employer. Maliban sa aming kumpanya na ibinigay na sa amin ang buong pangangalaga ng aming mga dokumento (passport, iqama, ID). Dati kasi kapag nasa poder namin ang iqama at ID card, kukuhanin ng employer ang pasaporte. At sa tuwing magbakasyon, ibabalik sa kanila ang iqama at ID card kapalit ng pasaporte.
Immigration
Maliban sa pasaporte, embarkation card, at boarding pass, ipinakita ko ang isinulat kong OEC exemption number sa immigration officer. Pagkatapos maverify ang kumpanyang babalikan sa system, ay may tatak na ulit na "departure" ang pasaporte ko.
Terminal Fee Refund
Ilang beses na akong umuwi simula nang naimplementa ang batas na ito pero ngayon lamang akong sumubok na kumuha ng refund. Mahaba ang pila pero mabilis ang proseso dahil marami silang counter. Bukod doon, may opisyal pa silang umaalalay sa pila para mabilis na maipakita ng OFW ang mga kakailanganing dokumento.
Ang P550 refund ay nasa pre-departure area. Ipinakita ko lamang ang passport, ang kopya ng boarding pass na kinuha ko sa terminal refund counter, at exit re-entry visa (para sa mga OFW na walang OEC).