Friday, June 30, 2017

Passport Renewal sa Bahrain



Buwan ng Mayo sa taong ito, sinadya kong puntahan ang Philippine Embassy sa Bahrain. Kailangan kong irenew ang pasaporte ng pamilya ko na kasama ko dito sa Saudi Arabia. Mahigit tatlong buwan na akong nag-aabang na makakuha ng appointment slot sa Embassy on Wheels pero talagang hindi pinalad. Ang bakanteng slot naman sa Philippine Embassy sa Riyadh ay halos dalawang buwan pa. Kailangan ko kasing iayon ang petsa nang pagpunta sa Riyadh sa araw na wala akong pasok.

Hindi ko nirerekomenda ang passport renewal sa Bahrain para sa lahat ng mga OFW na nasa Saudi Arabia. Hindi kasi lahat sa atin ay pinapayagan o maaring lumabas ng Saudi Arabia at pumunta ng Bahrain. Pero para sa ibang OFW lalo na sa mga nakatira sa Eastern Region (Khobar, Dammam, Jubail, atbp.), ay isa itong magandang opsyon.

Sa pagrenew ng pasaporte sa Bahrain, maari lamang bisitahin ang website ng embahada na www.manamape.dfa.gov.ph para sa mga kailangang dokumento. Hindi na kailangan ng appointment at napakabilis ng mga proseso. Kaunti lang kasi ang mga OFW sa Bahrain. Sa katunayan, wala pang isang buwan ay nakuha ko na ang bagong pasaporte.

Sa kabuuan, ito lahat ang mga hinanda kong dokumento para sa renewal ng passport sa Philippine Embassy sa Bahrain.

1. Duly accomplished ePassport Application Form - makukuha mula sa website ng Philippine Embassy in Bahrain.
2. Original and Copy of Applicant's Passport
3. Copy of Parent's Passports - kapag ang aplikante ay edad 17 taon pababa
4. BD25 Renewal Fee - hindi sila tumatanggap ng Saudi Riyals
5. Saudi Exit Reentry Visa

Bahrain - A Free Visa Country for Filipinos (special category)

Thursday, June 8, 2017

Bahrain: A Free Visa country for Filipinos (special category)

Visitors who have been resident in the GCC for a minimum of six months, and who posses a return visa for the country of GCC residency can obtain a free tourist visa in Bahrain. 
Source: http://www.alloexpat.com


Ang Bahrain ay miyembro ng GCC o Gulf Cooperation Council na kinumpleto ng bansang Kuwait, Qatar, United Arab Emirates, Oman, at Saudi Arabia. Malayang nakakapunta ang mga expat dito lalo na iyong nagtatrabaho sa Saudi dahil halos isang oras lang ang biyahe nito mula sa Al-Khobar, Eastern Saudi.

Paglampas pa lang ng immigration sa King Fahad Causeway ay nag-iiba na kaagad ang "aura" ng lugar. Iyong biglang gumaan ang pakiramdam na parang nakawala sa isang hawla. Maihahantulad ang Saudi sa isang kulungan para sa mga taong sanay sa kalayaan. Sa Bahrain, legal ang sinehan, club, disco, at ang mga babae ay may kalayaan sa trabaho at maging sa pagmamaneho.

Bahrain Immigration in King Fahad Causeway
Para makapasok ng libre sa Bahrain Immigration ang isang expat na galing ng Saudi, kakailanganin ang mga sumusunod:
- valid passport
- dapat technician pataas (white collar jobs) ang trabaho na nakasulat sa iqama o sa working visa
- may Saudi exit-reentry visa 

PINOY SPIRIT

Ang taxi na unang nasakyan ay minamaneho ng isang lokal na Bahraini. Ang ipinagkaiba niya lang ay dahil puro OPM ang ang nakasalang na musika sa audio ng sasakyan. Sinasabayan din niya ng bigkas at memoryado ang mga kanta tulad ng "Kanlungan".

Unang pinuntahan ang Cathedral sa Bahrain. Ilang buwan din kasing tigang sa ganitong gawain. Hindi naman nakalimutan ang magdasal pero iba pa rin talaga kapag sa simbahan ka mismo nakaapak para manalangin.

At higit sa lahat, dinayo ang mga Filipino restaurants at umorder ng kahit anong menu na may karneng baboy katulad ng crispy pata. Natatakam kasi sa karneng baboy na ipinagbabawal sa Saudi. Ngunit hindi ito kasing sarap katulad sa Pilipinas dahil  malamang frozen at hindi na sariwa. May mga alak din dito na dinadayo pa ng mga gustong maglasing.

Halos sa bawat establisyamento na napasukan ay may mga pinoy. Hindi nawawala ang lahing kayumanggi sa mga hotel, restaurants, at mga tindahan.

Great view of Manama City from Bahrain Holiday Villa Hotel
Heto ang mga lugar na madalas dinadayo ng mga Pinoy sa Bahrain:

Bahrain National Museum - short cut para sa mga nais matutunan ang kultura ng bansa.

Novotel Al Dana Hotel and Resort - sa mahilig magrelax at magswimming.

Arirang Edo Restaurant - kung hilig ang Japanese or Korean cuisines. Halos lahat ng mga staffs ay mga pinoy.
The Dolphin Resort - para makapanuod ng dolphin at sea lion tricks
Al Areen Wildlife Park - kapag nais makita ang naipreserbang lugar ng mga hayop at halaman na kadalasang makikita sa Middle East, at Africa.
Lost Paradise of Dilmun - isang outdoor water park sa gitna ng disyerto.