Sunday, September 9, 2012

Status Updated

Payak. Mahirap. Simple.
Bata pa lang, mahilig na akong magPOST at magSHOUT OUT parang sa FACEBOOK. Mula sa isang patpat na napulot sa sangang tuyo at sa bakurang malawak, nakakasulat at nakakagawa na ako ng maraming nakakatuwang bagay. Sa lupa, nakakapagdrawing ako ng anyo ng bundok, bahay kubo at bukirin. Siyempre laging present sa eksena ang haring araw. Nakakasolve rin ako ng assignment sa math na walang scratch at madali lang burahin kapag nalilito. Nakakasulat ako ng mga malalaking letra na minsan kinakalaban na ng mga langgam dahil nadadamay ang colony nila. Nailalako ko na ang sarili ko bilang isang doktor, engineer o abogado. Ang tayog mangarap noong kabataan. Kung alam ko lang na di masama ang mangarap sa panahong iyon ay isinagad ko na sa presidente o di kaya maging isang bilyonaryo man lang. Malabo kasi ang pangarap kung nakikita mong may naghihirap.
Mula sa maputik naming bakuran, kasama ang mga kapatid, mas pinalawak pa namin ang aming masterpiece na "charcoal painting". Nakabalandra ang mga nais naming sabihin at naglalakihan ang mga hugis na hayop at anyo ng tao na parang mga EMOTICONS. Pinahaba at pinabold ang mga titik doon sa aming dingding. Iyon nga lang, hindi na LIKE ni Ermat at walang maririning na good COMMENTS mula sa kanya. Bagkus, kurot sa singit, pingot sa tenga at may pangaral pang kasama ang sukli sa aming mga batang kaisipan.

Laban. Pangarap. Katuparan.
Minsan, naiisip ko na ang buhay ay di nagkakalayo sa larong RUNESCAPE at FIESTA. Ang kasaganaan sa buhay na inaasam ay makakamit lamang kapag ako ay nagLEVEL-UP. Hindi maaring panghabambuhay ay NOVICE lang. Kailangan ko ring mangarap bilang isang TRIUMPHANT WARRIOR. Alam ko naman na ang buhay ay isang paglalakbay. May bako bako , masalimuot, at paliko likong daan na tatahakin. Ang lugar na aking minahal at kinagisnan ay kailanganing lisanin para sa ikakabuti ko. Dahil alam ko na may maraming pagkakataon at magagandang bagay na dapat kong matutunan sa ibang lugar. Ang pagiging matalino ay hindi nasusukat sa dami ng ribbons o medals na naiuwi mula sa eskuwelahan. Ang katalinuhan ay nasusukat kung paano makakasurvive ang isang indibidwal sa lipunan na kanyang ginagalawan. Ang pagiging matapang sa pagharap sa mga problema at paghanap ng paraan para ito solusyunan. Kailangan lumaban. Kailangang maging matatag.
Sa paglalakbay ay di nawawala ang kabiguan. Normal lamang ito dahil nga isa tayong HERO. Ganunpaman, ang kabiguan ay hindi maaring matatapos sa isang iglap na kamatayan. Laging may pagkakataon at may pag-asa. Kapag nadapa ay kailangang bumangon at magpatuloy muli. Kung nagkamali ay kailangang balikan at iwasto. Kapag natalo ay may next round pa. At katulad nga sa kasabihang, "ni walang taong makakatayo nang mag-isa," kailangan natin ng kaibigan, kadamay, at kahati sa mga problema. Nasa likod lang natin ang ating kapamilya at kaibigan na handang sumuporta sa bawat laban sa buhay. Mayroon din ibang tao na kahit di kaano ano ay handang tumulong at nagpoprotekta.

Kasiyahan. Kayamanan. Tagumpay
Bilang isang OFW batid ko na mahirap ang mag-isa. Iyong wala akong mahagilap at mapagbalingan ng  emosyon. May mga gabing, luha ang kasama sa pag-iisa. At tanging sa BLOG COMMUNITY ako makakahanap ng mga taong makikisabay at nakakaunawa sa kabaliwan ko. Nagbibigay ng payo at gabay hanggang sa maiisip ko na di ako nag-iisa sa mundo. Na may nakikinig sa aking mga hinanakit, dalamhati at pighati. Na kahit alam kong ako ang mali ay may mga tao pa ring kumakampi. Na sa bawat sulok ng mundo at may nakatadhanang mga tao na magiging kaibigan ko. At kahit sabihin na kasama ko na ang sarili kong pamilya sa paninirahan sa ibang bansa, ay patuloy pa ring binubuklod at binabalikan ang sariling bayang kinagisnan. At ang kapamilya at mga naiwanang kaibigan na kahit di mahawakan ay nakakausap at nagtatawanan.
Ang pamilya, kaibigan, kanayon, kabayan, at ang SOCIAL MEDIA ang bumubuhay sa aming malulungkot na mga araw sa Gitnang Silangan. Laging ONLINE, laging UPDATED! Darating ang panahon na wala nang nangangarap, lumalaban, at nalulungkot nang nag-iisa.
                           

Friday, August 31, 2012

Ang Wikang Naglalakbay

"Sa pagsapit ng bagong milenyo, isang importanteng problema ang haharapin ng mga Pilipino. Ito ay ang unti-unting pagkawala ng ating pambansang wika, ang wikang Filipino."
Ito ang aking pambungad sa isinagawang patimpalak sa pagsusulat ng editoryal, sa National School Press Conference (NSPC), noong taong 2000. Hindi ko inasahan na nagustuhan ng mga hurado ang aking maikling katha at nasungkit ng aking rehiyon ang kauna-unahang "1st Prize." Naungusan nito ang mahigit isang daang kalahok mula sa iba't ibang paaralan ng bansa.

Sinimulan ni Pilosopong Tasyo ang pagbanggit ng nanganganib nating wika at nabanggit ko rin ito sa isang patimpalak mahigit isang dekada na ang nakaraan. Naalala ko dati, tuwing buwan ng Agosto sa paaralang elementarya na pinaggalingan ko ay may multa na singkuwenta sentimos ang hindi paggamit ng wikang Filipino sa pakikipag-usap. Ang kinagisnan kong lengguwahe ay saglit na isinasantabi dahil pinahahalagahan ang pambansang wika. Ewan ko lang kong ipinagpatuloy pa rin nila ito ngayon.
Nakapasok na tayo sa bagong milenyo at malayo na rin ang nalakbay ng ating wika. Hindi lang lugar at tao ang binago ng panahon at kaunlaran. Kung dati Ingles lang ang mahigpit na kalaban ng ating wikang Filipino, ngayon ay masasabi kong kakumpetensya niya na rin ang "Taglish". Kaya napapansin na kadalasan ay di na tayo makapagsalita ng diretsong Filipino. Nahahaluan na ito ng ibang lengguwahe. Nasasanay na tayo sa ganito dahil naiintindihan ng karamihan.
Marami na talagang ipinagbago. Kahit sa pagsusulat ko ay inaamin kong may nagbago. Ang ating wikang sariling atin ay minsan di mahagilap sa paliparan, terminal ng tren, paaralan, istasyon ng radyo at telebisyon, opisina, simbahan, palasyo, Korte Suprema, galahan at kahit sa kalye.
Naniniwala ako na ang pagtaas ng presyo ng krudo, mahal na bilihin, talamak na kurapsyon, matinding kahirapan, paglobo ng populasyon, at pagdami ng basura ay nahahanapan ng solusyon. Subalit ang naghihikahos nating wika na unti-unting namamatay ay mahirap hanapan ng lunas.

Wednesday, August 1, 2012

OFW, Bagong Bayani nga Ba?

Maglilimang taon na ako dito sa Saudi. At para yatang mapabilang ako sa mga OFW na di malaman kung saan napunta ang perang pinagtrabahuan. Wala pa rin akong ipon! Di naman ako magastos at maluho. Ang lahat ng gusto kong bagay o lugar na pupuntahan ay pinag-iipunan. Isa rin ako sa mga taong pinalaki sa utang ng mga magulang pero di nakasanayan ang mangutang. Ayokong mangutang! Sapat naman ang kinikita ko dito. Mayaman na sana ako kung sarili ko lang ang pinapalamon ko.

Maglilimang taon na. Marami na rin akong natulungan. Naipagawa ng malaki at matibay na bagong bahay ang mga magulang at nabigyan ng panghanapbuhay ang may asawa ng mga kapatid. Iyon nga lang, di ko naman hawak ang paglago ng kanilang kabuhayan. Lagi ko ngang binabanggit sa kanila na hanggang sa puhunan lang ako. Ang diskarte sa kanilang pag-asenso ay hawak din nila. Hindi maitatago na umangat ang pamumuhay ng pamilya simula noong nasa Saudi ako.

Maglilimang taon na. Wala akong hinahangad kundi maging mapanatiling malusog ang lahat. Iniisip ko nga, ayos lang sa akin kahit walang ipon kung ang kapalit nito ay panghabambuhay na magandang kalusugan ng mag-anak ko. Aanhin ko naman ang malaking ipon kung palagi namang may nagkakasakit sa pamilya. Masaya na ako sa tablado kapag kalusugan ang kalaban.

Maglilimang taon na. Ang maayos na kasal (walang utang) at munting bahay kubo pa lang ang masasabing naipundar ko. Wala pa sa kalagitnaan ang mga sinusuportahan kong kapatid na nag-aaral. Magbibilang pa ako ng maraming taon para makapagtapos sila at masasabing tagumpay ang pinuhunan ko. Tuloy pa rin ang buwanang sustento sa pamilya. Parte kasi iyon ng di maiwanan kong obligasyon bilang anak. Ang pagbibigay ng sukli sa pagpapalaki ng mga magulang. Ako'y naging sandigan lalo na sa problemang pinansyal. Talagang ganoon yata ang papel ko.

Maglilimang taon na. Tuloy tuloy pa rin ang trabaho ko dito. Di ko naman masasabing kayod kalabaw o kayod marino ang trabahong napasukan ko. Nakakapagod pero ganoon talaga ang trabaho, kailangang pagpawisan. Bata pa ako para tumigil at magpahinga. Marami pa akong gustong gawin at lugar na pupuntahan. Magagawa ko lamang iyon kapag dito ako, malayo sa pamilya.

Sa nakaraang SONA ng pangulong Aquino, napangiti ako na kahit paano may kaunting ipinagbago ang bansang kinamulatan ko. Kahit kapalit nito ang lumiliit na palitan ng ipinapadala kong pera sa pamilya. Walang problema sa akin kung di man nabanggit ang mga OFW sa kanyang talumpati. Ang mahalaga, ginagawa ko ng maayos ang trabaho para mabuhay ko ang sarili at ang lumalaki kong pamilya. Kung nadampian man ng tulong ang ekonomiya mula sa kakapiranggot kong padala ay isa yan sa napakagandang balita. Hindi lang pamilya ang natulungan ko kundi pati na rin ang bansa kahit sa konting pamamaraan.

Maituturing na nga akong bayani ng pamilya ko. At ang bayani, sa pagkakaalam ko, gumagawa ng mga bagay na walang hinahangad na kapalit. Di naghihintay ng papuri!