Tuesday, July 8, 2014

Kuwento ni Kabayan - Danny

May mga araw dito sa Saudi na kailangan mo ng kababayan na makakausap at kakuwentuhan. At sa bawat kuwento na iyon, iyong mapapansin, na ang kanyang naranasan ay di nagkakalayo sa iyong sariling kwento. Ikaw ito kabayan!

Si Danny, di totoong pangalan
Waiter, Taga Davao 
10 months sa Saudi


Napagdesisyunan namin na lumabas at kumain sa isang restaurant. Mga 80% ng staff dito ay Pinoy. Kasama ang aking mag-ina at mag-asawang kaibigan, pinasok namin ang restaurant kung saan mayroon silang Ramadan Iftar promo na 59 riyals kada tao sa isang set ng appetizer, soup, salad, main dish, at bottomless drinks.


Kunafa - ay isang pagkain na yari sa cheese at cream. Hinahanda tuwing dinadaos ang Ramadan, ngunit dahil sa kakaibang sarap, mabibili mo rin ito sa mga bakery at pastries.
Kinuha ng waiter ang aming mga order. 

At habang naghihintay, may isang waiter ang nagbigay sa isang taon kong anak ng krayola at coloring book kahit di pa ito marunong magkulay. Sinubo pa nga ng anak ko ang krayola! Ganito talaga dito sa Saudi, may token ang mga bata kapag pumasok sa mga kainan o tindahan. Pinapahalagahan nila ang presensiya ng isang bata sa kanilang mga negosyo. Naging practice na nila ito. 

Ilang minuto pa, bumalik ulit ang waiter at binigyan ang anak ko ng lobo. Hindi lang isa kundi anim na makukulay na lobo na nakabugkos.

Masaya ang talakan ng magkaibigan lalo na sa harap ng pagkain. May kuwentuhan, kaunting tawanan at siyempre di rin ligtas sa eksena ang anak ko. Umaaksiyon kasi siya kapag kinakanta ng mommy niya ang "Incy Wincy Spider". Nagpapakitang gilas.

Sa aming kasayahan, may mga mata palang nagmamasid sa amin. Nalaman namin ito noong hinatid ng waiter ang pasta na huling hinanda. Nakalimutan yata! Siya iyong waiter na nagbigay ng token sa anak ko.

"Ilang taon na po siya?", itinatanong ng waiter ang edad ng anak ko.

"One year, and four months", sagot ni Misis.

Makikita sa kanyang mukha ang pananabik. "Ang anak ko nine months pa lang. Kakalibing niya lang last week....."

"May sakit siya sa baga... komplikasyon pa simula noong isinilang siya...Isang buwan din siyang nasa hospital. Hindi ako nakauwi dahil bago pa lang ako dito. After 2 years pa kasi kami makakauwi dahil sa kontrata...Pumayag naman yong boss namin na umuwi ako kaso sagot ko ang gastusin.. Mahal kasi ang pamasahe sa eroplano at iyong mga dokumento pang kakailanganin... Kapag umuwi ako, malulubog ako sa utang at di rin ako sigurado kung may babalikan pa akong trabaho..." 

"Naiintindihan naman ng amo ko ang pakiramdam ko kaya hindi ako pinatrabaho ng isang linggo dahil di ako makapagconcentrate ..." Salaysay niya habang namumugto ang mga mata dahil halatang pinipigilan ang pag-iyak.

Hindi tumagal ang usapan namin dahil kailangan niya pang bumalik sa kusina. At habang inuubos namin ang pagkain, nahuhuli namin ang waiter na titig na titig sa anak ko na nakaupo sa high chair. Naiiyak.

Kahit kami di rin mapigilan na madala sa emosyon niya. Hindi lamang dahil isa siyang OFW, kundi dahil pareho kaming mga magulang. Mahal ko ang sarili  ko noong binata pa ako. Ngunit sa ngayon, mas mahal ko ang anak ko kaysa sa sarili ko. Ang mawalay sa pamilya ay sobra nang pahirap. At sa kaso naman niya ay sobrang sakit. Isinilang ang una niyang anak at inilibing na hindi niya man lang nakarga at nayakap.

Salamat kabayan sa pagbahagi ng iyong buhay. Alam ko, kailangan mo iyan para gumaan ang iyong pakiramdam. Ang ipinakita mong katibayan ay nagsisilbing inspirasyon sa aming mag-asawa. Namatayan ka man ng anak ay isa ka pa ring dakilang ama. Hindi mo man sinasabi, alam ko, sinubukan mo siyang isalba. Marahil iyan ang dahilan mo kaya nandito ka ngayon sa Saudi.

Saludo ako sa iyo Kabayan!

Sunday, June 29, 2014

We're Closed on Ramadan

Opisyal na nagsimula ang sagradong buwan ng Ramadan sa taong  2014.

Muli't muli ang paalala ng mga opisyal ng bansa at ng mga embahada sa mga expat na nakatira dito sa Saudi. Katulad ng dating kinagawian, walang kakain o iinom sa pampublikong lugar.

At dahil walang pagkain sa araw, pansamantalang nagbago ang schedule ng mga establishments dito tulad ng hospital, bangko, at malls. Maraming tindahan ang sarado tuwing araw at nagbubukas lamang tuwing gabi, lalo na iyong ang serbisyo ay pagkain.

Ito ang schedule ng Dhahran Mall. Pansining mabuti ang schedule dahil baka ang nakagawiang oras ng iyong paggala ay nakasarado pala.

Mall of Dharhan - a shopping paradise in eastern region. One of the largest mall in Saudi Arabia.

Tuesday, June 10, 2014

Ipon mula sa Remittance Charges

Ang OFW ay parang isang cell site. Malayo man kami ay konektado pa rin lalo na kapag may nangangailangang pinansyal. Kami ang nagbibigay ng dagdag signal sa mga kapamilya namin para makaahon at malusutan ang  hirap ng buhay. Hindi maiwasan na ang iilan sa amin ay magreklamo. Pero sa totoo lang, dala lang iyon ng matinding pagod at pananabik sa pamilya. May naririnig nga silang mga salita sa amin pero humuhugot naman ang isang kamay para tumulong . Hindi matitiis ng isang OFW ang laging lumingon sa kanyang pamilyang naiwan lalo na kung siya lang ang may kakayahan at tanging pag-asa para maresolba ang problema.


Dalawa o higit pang accounts sa bangko. Ganyan kayaman sa mga bank accounts  ang isang pinoy na nagtatrabaho sa ibang bansa. Dito napupunta ang sahod bilang remittance.

Pero nagkakamali kayo kung iisipin niyong nag-iisa lang ang nagmamay-ari niyan. Marami at iba iba ang may-ari ng mga accounts. Minsan nga, iyong mismong OFW ay walang sariling bank account.

Ito ang mga laman ng aking remittance card. Kadalasan, ganito din ang nasa card ng karamihang OFW.

OFW Savings Account - para sa sariling ipon at panggastos tuwing magbakasyon.

Wife's Savings Account - para sa  ipon at gastusin ng pamilya. At para sa akin, dahil kasama ko ang pamilya ko dito, naging pure savings na lang ito.

Parents' Savings Account - may fixed amount sila sa sahod ko. Kahit di sila humingi, pinaglalaanan ko sila ng bahagi.

Kapamilya Savings Accounts - Para sa mga estudyanteng sinusuportahan at iba pang bagay. Bakit lalapit pa sa ibang tao, kung kaya namang tulungan. Ang pagtutulungan ay dapat magsimula sa sariling pamilya.

Sa tuwing araw ng sahod, apat na accounts ang dapat paglagakan ko ng aking sahod. At sa bawat account na padadalhan ng pera, katumbas nito ay ang pagtapyas ng bahagi nito dahil sa remittance charges, ang pabago-bagong palitan ng peso sa dolyar at minsan ang mga bank transfer charges sa Pilipinas. At sa remittance center na naging suki ako ay 16 riyals ang bawat transaction. Dito pa lang ay bawas na ito ng 64 riyals na  babayaran bilang transaction charges sa apat na account.

NAKATIPID AKO!
Paalala: Hindi ito promosyon.

Matagal nang sistema  ang fund transfer service ng BPI ( Bank of the Philippine Islands) pero ngayon ko lang ito nagawa.  Ang BPI fund transfer ay ang paglipat ng amount ng pera sa naenrol na third party accounts ng mabilis at libre. Dapat nakaenrol ang savings account para maging "online sa internet" para magawa ang proseso. At dahil mas masinop si Misis kaysa sa akin, ito ang mga naging diskarte namin.

Ang kanyang savings account ang naging Master Account. Pinaenrol niya bilang third party ang aking savings account at Parents' Savings Account. Ang kapamilya naming sinusuportahan sa pag-aaral ay pinaopen din ng account sa BPI at inenrol din. Sa madaling salita, tuwing araw ng sahod, nagreremit lamang ako sa isang account at iyon ay ang Master Account. At mula sa Master Account ay ididistribute na sila sa mga third party accounts nang libre, madali at mabilis.

Nakatipid ako ng 48 riyals o humigit kumulang P500 pesos at higit pa mula sa remittance charges.