Saturday, July 25, 2015

Bakit Pipiliin mo ang Saudi para Magtrabaho

NAIA Terminal 2, Manila, Philippines
 Bakit ka ba nangingibang bayan?

MAKAIPON? MAGANDANG BUHAY? GALA? KALAYAAN?

Maraming rason, iba't ibang dahilan. Ang ating mga dahilan ang ating mga naging pamantayan kaya tayo ay nasa Middle East, Amerika, Canada, Australia, Europe, Hongkong, at marami pang iba.

Jubail, Saudi Arabia
Ito ang mga dahilan kung bakit mas pipiliin mong magtrabaho sa Saudi kaysa sa ibang mga bansa. Ito ay base sa sarili kong mga dahilan. Bawat tao kasi ay may kanya-kanya at sariling pamantayan.

Walang TAX. Masarap talagang magtrabaho kung ang ibinabayad sa iyo ay buo at walang bawas. Ang bawat katas at patak ng pawis ay ang halaga ng pera na iyong pinagsikapan. Dito sa Saudi, ang sahod na iyong pinirmahan ay buong matatanggap at walang bawas.

Murang Bilihin. Kahit sabihin pa ng iba na mababa ang sahod dito, ay ayos pa rin. Dahil mura lang din naman ang mga bilihin mula sa pagkain at kagamitan. Katulad ng gamit ng bata, mas mura ng 20 to 30 porsiyento ang presyo ng gatas at diapers dito kung ikumpara sa Pinas. Itinuturing na mas mababa ang cost of living sa Pinas kung ikumpara mo sa mga bansang madalas pinupuntahan ng mga OFW .

Isa pang pinakamura dito ay ang presyo ng petrolyo. Ano pa ba ang aasahan mo mula sa top exporter ng langis sa buong mundo? Talagang pinaninindigan nila na mas mura ang isang litro ng petrolyo kaysa sa tubig.

Diskriminasyon sa trabaho. Ang kulay ng balat at ang bansang pinanggalingan ay isang factor ng employment discrimination. Subalit hindi ito kasing lala katulad ng mga nababasang article sa Hongkong, USA, Canada, at Singapore. Inaamin din naman kasi ng mga lokal dito na wala pa silang kakayahan sa ibang mga trabaho na sa ngayon ay pinupunan ng mga banyaga. Basta sa ngayon, kailangan pa rin nila ng mga manggagawa mula sa ibang mga bansa.

Benipisyo. Padami ng padami ang mga kumpanya dito sa kaharian. Para lang mga kabute na nagsipagsulputan. At dahil sa kumpetisyon at para makaenganyo ng mga bagong empleyado, pagandahan sila ng mga benipisyo. Sa Middle East, lalong lalo na sa Saudi, ang isang Pinoy ay wala halos babayaran na placement fee, libre ang pagkain at bahay ng halos karamihan ng mga kumpanya. Libre din ang hospital at gamot dahil halos lahat ng trabahador ay may sariling health insurance. At kapag tuloy-tuloy ang kontrata, may isang buwan o higit pa na vacation leave na may bayad at libre ang pamasahe. Hindi mo iyan makukuha kapag ikaw ay nasa Europe o Canada na kadalasang may 2 weeks vacation leave lamang kada taon. Maliban sa maiksing bakasyon ay pag-iipunan mo pa ang napakamahal na pamasahe.

Diet sa Bisyo. Sino bang makapagsabi na pinayagan ng babae na muling makapag-abroad ang dating babaero at lasenggero niyang asawa. Aniya, "Kapag sa Saudi, walang problema". Dito sa kaharian, malilimitahan ang lahat ng mga bisyo. Dahil ang bisyo na nakakasira sa kalusugan ay may kaparusahan sa bansang ito. Mahigpit na kung sa mahigpit. Tayo naman ay may sariling pag-iisip. Nasa iyo na iyon kung ikaw ay sumunod sa batas o ipagpatuloy ang nakasanayan mo.

FINANCIAL AID. Dito sa Saudi, ang bangko mismo ang mag-aalok sa iyo para magloan. Sa 3% hanggang 6% annual interest ay mababa pa rin ito kung ikumpara sa interest rate ng mga bangko sa Pinas at kahit sa ibang bansa sa mundo. Ang requirements dito ay kakaunti lang dahil sa ipinatutupad na national ID system kaya  ang proseso ay napakabilis. Sa huling transaction sa bangko, ang requirements para makapagloan ay employment certificate, payslips, at bank transfer certificate lamang na makukuha mo mula sa HR ng kumpanya. Hindi mo ito mararanasan sa Pilipinas dahil sa requirements pa lang ng bank loan ay baka magback-out ka na sa sobrang dami ng kailangang gawin.

Krimen. Sa kabila ng hindi magagandang balita sa Saudi, mas mababa pa rin ang mga krimen na nangyayari dito. May nakawan din naman dito. Ilang beses na akong nakakita na kinuha ng isang batang lokal ang pera sa bulsa ng polo ng isang Bangladeshi. Ngunit hindi ito kasing lala ng walang konsensyang nakawan at holdapan na laman ng mga balita sa TV at diyaryo na humahantong sa pagpatay.

Ang buhay sa Saudi ay masasabi kong "SANAYAN LANG". Ang pamumuhay dito ay kakaiba at sobrang layo sa ginhawang tinatamasa ng mga OFW na nakadestino sa ibang lokasyon.

Tuesday, June 30, 2015

Epekto ng Bakasyon

Nagkakaedad na!

Ilang taon na rin akong pabalik-balik dito sa Saudi Arabia. Hindi ko lubos maisip na dito pala mauubos ang natitirang kasaysayan ng aking kabataan.

"Totoy" pa akong maituturing noong unang dating ko dito. Ngayon nawala na sa bilang sa kalendaryo ang edad ko. Ang bawat bakasyon ko sa Pinas ay isang guhit na dumadagdag sa edad ko.

Kung dati, marami sa kapamilya ko ang sumasalubong sa akin sa paliparan. Ngayon, animo'y nakakasawa na ang sundo-hatid na eksenang kinagawian. Natuto na akong umalis nang nag-iisa, kaya natutunan ko na rin ang dumating na mag-isa. Minsan nga, sorpresa pa. Iyong walang nakakaalam sa pamilya na magbabakasyon na.

Ang kada taon kong bakasyon sa Pilipinas ang nagbigay sa akin nang normal na buhay sa kabila ng pagiging isang OFW. Ang aking presensiya at pakikipagkita sa aking mga kapamilya nang regular ay nakakabawas sa homesick na kadalasang sakit na bitbit naming mga OFW.


Noong nagkaroon na ako nang sarili kong pamilya na isinama ko dito sa kaharian ay tuluyan nang naitaboy ang homesick. Kasama na rin doon ang unti-unting pagluwag ng aking kapamilya sa akin. Minsan nga nang umuwi kami, ay tuwang-tuwa na naghihintay ang aming kapamilya sa aming pagdating. Ang lalaki ng kanilang mga ngiti habang paparating ang sasakyan. Pagbaba namin ay agad kaming sinalubong ngunit ni isa wala man lang pumunta at yumakap sa akin. Parang na out-of-place ako. Pati bagahe at mga pasalubong ay halos ako ang nagpasimunong magbuhat. Nandoon sila lahat, karga-karga ang aking anak na kinasabikan nila nang husto! Wala nang pumapansin sa tatay ng bata na isang OFW.

Marami na sa aming mga OFW sa Saudi ang nagdadala ng pamilya. Isang benipisyo na ipinagpasalamat ko nang husto. Dahil sa pagkakataong ito, maraming bagay ang napapanatiling nasa maayos. Nasusubaybayan ko ang paglaki ng aking anak, kapiling ang asawa, at buo ang sarili kong pamilya.

Malayo man kami sa buhay at lipunan na aming nakasanayan pero nanatili pa rin ang tradisyon at kultura na aming kinagisnan.
_________________________________________________________

Anong buwan ka ba magbabakasyon? Ito ang kadalasang tanong na maigi naming pinag-iisipan. Iniiwasan din kasi namin ang mga buwan kung saan kailangan nang malaking halaga sa pag-uwi.
Nagiging masinop na kasi ang karamihan sa aming mga OFW. Hindi nagbabakasyon kapag walang sapat na pondo para gastusin sa bakasyon. Alam kasi namin, na sa tuwing bakasyon ay malaking pera ang aming pinapakawalan. At kapag hindi maiwasan ay baka di mamalayan na said na ang ipon. Ilang beses ko nang maranasan na tanging maintaining balance na lang ang natira sa bangko pagbalik ko sa trabaho. Kaya todo kayod at ipon ulit para makabawi.

Sa lahat ng mga buwan, sigurado ako na Disyembre ang pinakamagastos. Ngunit minsan naiisip ko rin na,"okay lang ang gumastos kung masaya at worth it naman!"
_________________________________________________________

Sa pagbili ng mga pasalubong ay malaki din ang kailangang gastusin. Depende pa iyan sa presyo ng bagay na bibilhin.

Natuto na akong mag-ipon para dito. Para pagdating sa araw ng bakasyon ay kaunting pera na lang ang kailangang idagdag para makumpleto ang mga bagay na bibilhin. Kailangan din malaman ang tamang araw kung kailan ipabagahe ang mga pasalubong kapag alam na hindi ito kakasya sa bag at imposibleng maisabay sa pag-uwi.

Dalawa hanggang tatlong linggo by air freight bago magbakasyon ang magandang pagkakataon para magpabagahe ng mga pasalubong. Sigurado na kasi na nakarating na sa Pilipinas ang mga ito bago pa umalis.

Wednesday, February 11, 2015

Buhay ng Trailer Driver sa Saudi

Kasama sa trabaho ang pagsundo ng mga trailer truck na may lulang chemical tank sa gate ng kumpanya. Ito ang nagsusuplay sa amin ng kemikal na ginagamit sa plantang pinagtatrabahuan. At sa linggong ito, ang mga driver na naghahatid ay mga Pinoy.

Nang minsan ako ang nangangasiwa sa pagdiskarga nang laman ng tangke ay napagkuwentuhan namin ng isang Pinoy driver ang kanilang kalagayan sa pagmamaneho ng sinasakyang trailer truck at ang buhay nila bilang driver.

Gusto ko sanang kuhanan ng larawan o di kaya ay mairekord ang mga pinag-usapan namin. Kaya lang bawal ang cellphone at camera. Kailangang iwanan sa guard house ang gadget sa tuwing papasok sa planta. Ganunpaman, masaya pa rin ang aming kuwentuhan at ito ang mga nilalaman ng aming usapan.

Highway in Abqaiq, Saudi Arabia.
"Galing pa kami ng Jeddah, nandoon ang base namin. Halos isang linggo na kami dito. Tumambay pa nga kami ng ilang araw sa may check point dahil nahold kami ng pulis. Paso na kasi ang mga gate pass ng trailer.

Iyong truck lang ang amin dahil iba-iba ang aming hinihila. Kung ano ang inuutos sa amin, iyon ang aming naging trabaho. Hindi namin alam kung kailan kami makakabalik sa aming base. Hanggat may trabaho pa ay dito muna kami sa Jubail pansamantala.

Sa bawat biyahe, binibigyan kami ng kumpanya namin ng allowance. Iyon ang kinukuhanan namin ng gasolina at pagkain. Kaya masaya kami kapag may biyahe dahil may extra income kami. Ang allowance na binigay ay tinitipid namin. Hindi kami laging bumibili ng pagkain sa mga restaurant. Nagluluto kami. Meron kaming maliit na gas stove, kaldero, galon ng tubig at mga de latang pagkain. Sa oras na nagugutom ay may kanin at ulam kaming nadudukot habang nagmamaneho.

Ang sasakyan na iyan ang naging bahay namin. Kung saan man kami makakarating, siguradong mayroong barracks na nirerentahan ang kumpanya namin. Ang kaso, walang parking space para sa mga malalaking sasakyan na tulad ng dala namin kaya malimit di na kami natutulog doon. Sa sasakyan na kami natutulog."

"Maayos ngayon dahil taglamig. Pero kapag tag-init, para kaming ginisa ng sariling pawis dahil sa init. Hindi kasi kaya ng aircon ng sasakyan na palamigin ang loob."

"Kung saan may malawak na lugar, doon kami humihinto. Magluluto at matutulog. Kapag sa tabi ng dagat, nakakapamingwit kami. May huli at ulam na kaming isda bago umalis. Inaalam din namin ang susunod na istasyon na puwedeng maligo at para sundin ang tawag ng kalikasan. Hindi naman puwedeng basta na lang tumabi at huminto sa daan dahil delikado. Malalim kasi at malambot ang gilid ng kalsada at baka mabaon ang mga sasakyan namin. Kaya sinisigurado na may tamang pundasyon ang mga lugar na hihintuan katulad ng ilalim ng tulay at mga gasolinahan. Kapag may problema at di na kayang tumakbo pa, tatawag lang kami para magparescue sa tauhan ng kumpanya. Kung sino ang nasa malapit na bayan ay siyang magliligtas sa amin.

Hindi ito Pilipinas na ang bawat truck ay may kasamang pahinante. Dito, ang driver ay mag-isa kaya ang lahat ay nasa aming kamay. Ang sariling kaligtasan at ng truck na minamaneho. May nagnanakaw din ng mga gulong ng sasakyan dito. Yung sa amin, walang nagkainterest dahil puro China made ang mga iyan.

Noong bago ako rito ay mahirap dahil hindi pa kabisado ang daan at pahirapan ang magtanong. Pero ngayon ay may kaunting alam na sa lengguwahe ng Arabo at may celphone na kaya medyo madali. Kaming magkakasama, nagtatawagan kami kung saan ang daan para ihatid ang mga kargamentong hila namin.

Ang matinding kalaban namin dito ay ang "truck ban". Bawat bayan ay may iba't ibang oras para sa pagdaan ng mga truck. Kailangang sa oras na iyon ay makakarating ka na at kung hindi ay matatambay ka sa tabing daan at sa susunod na araw pa ang alis mo. Kaya minsan walang tulugan, para lang maabutan ang oras. Matutulog na lang ulit kami kapag nakaligtas at nasa loob na kami ng bayan."
 
Kapag itong tangke ng chemical ang dala namin, mauga kapag kalahati. Umaalog kasi ang laman. Pero kapag puno o di kaya walang laman ay walang problema. Hindi namin minsan alam kung ano ang mga karga namin. Binabasa lang namin ang MSDS na nakalakip sa dokumento na aming dala. ", pagkukuwento ni Kuya.

Red sand dunes near Riyadh.
Ang Material Safety Data Sheet (MSDS) ay isang dokumento na naglalaman ng impormasyon ng isang produkto. Nakasaad dito ang kanilang chemical components, chemical at physical characteristics, kung gaano ito ka delikado at kung paano ito maiwasan, at marami pang iba. Mahalaga itong basahin para sa kaligtasan ng kumakarga.

At dahil lagi naming ginagamit ang kemikal na ito, ibinahagi ko kay Kuya ang ilan pang kaalaman at impormasyon para makilala niya nang husto ang kargamentong dala niya. Sabay na rin nang pasasalamat sa pagbahagi ng kanyang karanasan bilang isang trailer truck driver dito sa Gitnang Silangan.