Wednesday, December 18, 2013

MAM Awards 2013 Experience

Maagang nagising kahit nasa bakasyon. Isang mahalagang araw kasi para sa blog na ito.

Maliwanag pa ang buwan nang lisanin ko ang bayan ng Mlang,North Cotabato para habulin ang flight sa Davao. Kailangan kung abutan ang awarding ceremony ng Migration Advocacy and Media (MAM) Awards sa Quezon City.

Mag ala-una ng hapon nang lumapag ang eroplanong sinakyan ko sa Manila. Pagkafinal park ng eroplano, nagmadali na kaagad akong lumabas diretso sa sakayan dahil wala naman akong check-in baggage. (Pumunta lang talaga ako sa Manila para kuhanin ang award!).

Migration Advocacy and Media Awards 2013
Larawan mula sa www.cfo.gov.ph
SIKSIKAN. Walang nakatambay na taxi sa terminal 3. Iisa lamang ang available na public transpo, ang airport bus. Dahil naghahabol sa oras, sumakay na ako rito. Sobrang sikip sa loob dahil halos lahat ng pasahero mula sa airport ay sumakay dito. Sa gitna ng init at trapik, nalampasan ko rin ang eksenang ito.
Narating ko ang Taft station sa Pasay. Sa halip na sumakay ng MRT papuntang Quezon, hinanap ko ang SHOGUN Hotel para magrefresh. Naligaw pa ako dahil sa kabilang eskinita ako pumunta. Dinaanan ko ang overpass na sobrang sikip din. Di maiwasan na magbanggaan ang mga tao dahil halos naoccupy na ng mga nagtitinda ang pathway ng overpass.
Nakita ko ang hotel, nagcheck-in. Pasado alas dos na. Naghilamos at nagbihis dahil ayos nakapambahay ako. Kailangan ko ring magmukhang tao sa awarding ceremony!
Pagkatapos ng 30 minutos, ako'y nakahanda na. Kinuha ang ballpen at kapirasong papel. At habang naglalakad papuntang MRT station ay binubuo sa isipan ang acceptance speech na gagawin. Ngunit ito'y nakalimutan nang ang MRT ay animo'y naging lata ng sardinas. Mas ayos pa nga ang sardinas, at kahit paano'y may maaalog pa. Mas dumami yata ang tao sa Manila sa sobrang sikip. Halos di na masara ang pintuan dahil sa siksikan. Ang MRT lang kasi ang alam kong pinakamabilis na masasakyan mula sa Pasay papuntang Quezon City.

SSS Hall, Quezon City. Narating ko rin sa wakas ang SSS building. Alas kuwatro ng hapon. Sa registration area, hinanap ko kaagad si Ms. Reina at Ms. KC ng CFO. Agad naman nila akong inalalayan para makahanap ng upuan sa loob ng venue. Hindi pa nagsisimula ang awarding dahil may ibang programa pa ang patuloy na isinasagawa.

Kabado ako. Di ko pa kasi nabubuo ang acceptance speech ko. Dahil sa totoo lang, di ko talaga alam ang sasabihin ko. Nagsipagdatingan na rin ang mga media at ang ibang mga nanalo.

Alas singko ng hapon, nagsimula na ang programa. Tinawag na ang unang pinarangalan. Itinago ko ang hawak kong ballpen at papel nang nagsimula siyang magsalita para sa kanyang 2-minute acceptance speech. Ganoon pala ang dapat maging speech. Walang dalang papel, hindi memoryado. Effortless, dahil galing sa puso ang speech niya.

Masasabi kong, halos lahat ng mga nanalo ay nagtatrabaho bilang media men. Dahil sanay sila sa public speaking. Hindi katulad ko na tumitibok-tibok ang buong kalamnan habang nagsasalita sa mikropono noong tinawag na ang blog ko na OFW sa Disyerto. Hindi rin nawala ang kaba kaya hindi ko maalala ang naging speech ko.

Pagkatapos ng awarding, inanyayahan ako para mainterview para sa Balitang Middle East ng ABS-CBN. Lalo akong napakamot. Parang di ko kakayanin, pero nagawa ko rin. Natapos rin ang interview.

Naimbitahan din ako ng dinner pagkatapos ng awarding ceremony at kasabay ko ring kumain at kakuwentuhan ang mga media men ng ABS-CBN.

Hindi na ako tumagal pa sa venue. Bumalik na ako sa hotel para magpahinga dahil first trip ulit ang biyahe ko pauwi kinabukasan.

Sulit ang araw na ito.

Other links about MAM Awards 2013:
http://www.cfo.gov.ph
MEGAScene- a publication of Philippine Time-USA

Wednesday, November 20, 2013

OFW sa Disyerto sumali sa MAM Awards

Kamakailan lang ay may nag-imbita sa akin na isali ang blog na ito sa isang contest. Noong una, hindi ko ito masyadong sineryoso dahil hindi naman ako sigurado kung talagang angkop ba ang laman ng blog sa criteria o advocacy ng awarding group na ito. Ito ay ang MAM Awards.
________________________________________________

Migration Advocacy and Media (MAM) Awards aim to recognize the significant role of the media in the promotion and advocacy of migration and development.

Eligible for the Awards are works by any individual, government and private media outlets, institutions and practitioners in the fields of print, radio, movie and television, advertising and internet based in the Philippines and abroad. Entries must have raised public awareness on issues on Filipino migration, advocated the cause of Filipinos overseas, or/and promoted a positive image of Filipinos overseas, and migration and development.
________________________________________________

Hindi siya isang blog contest na katulad nang inaasahan ko. Ang Commission on Filipinos Overseas (www.cfo.gov.ph) ang nagbibigay kulay sa parangal na ito.

Kaya isang kaligayahan na mapansin at mapili ang blog na ito para anyayahan na sumali at mapabilang sa mga nanalo sa taunang MAM Awards. At sa lahat ng bumubuo ng ahensiya, sa mga pasimuno ng award, at mga hurado... maraming salamat po sa pagpili sa OFW sa Disyerto as BEST INTERACTIVE MEDIA (Blog).

http://www.cfo.gov.ph/


In behalf of the Migration Advocacy and Media (MAM) Awards Secretariat, this is to formally inform you that your entry was among the winners for the MAM Awards 2013.



Monday, November 18, 2013

Si Yolanda sa Barber Shop

Sa mga nagdaaang mga araw, tila yata umiikot na hindi pabor sa ating mga Pilipino ang mundo. Minsan, hindi maiwasan na mapaiyak habang pinagmamasdan sa telebisyon ang mga sinapit ng ating mga kababayan sa Kabisayaan. Ang tindi talaga ni Yolanda, na akala ng karamihan ay magwindow shopping lang. Pakending kending na dumating (ang ganda pa naman ng pangalan niya!) ngunit malupit kung humagupit. Halos sinimot niya lahat ang mga kagamitan at iniwang luhaan ang ating mga magagandang  lupain at mga taong naninirahan doon.

Tulong na, Tabang na, Tayo na, Kaon ta! A barbecue for a Cause of M'lang Doctors Hospital's employees. Photo from Summer Mei.
Nakakapanlumo na halos kumpleto na ang napagdaanang trahedya at sakuna ng bansa. Mula sa madugong banggaan ng mga sasakyan, giyera, hanggang sa lindol at bagyo. Makailang beses na bang sinubok ng tadhana ang ating katatagan?

Hindi lamang kalamidad at si Yolanda ang hinarap nating mga Pilipino. Dito sa Saudi, hinarap ng ilan nating kababayan ang repatriation. Sa paghihigpit ng gobyerno, maraming indibidwal ang hindi nakatupad sa kanilang mga pangarap. Ang suki kong barbero ay tuluyan nang umuwi dahil sa pagsunod sa patakaran ng gobyerno. Alam kong hindi pa sapat ang kanyang naipon pero wala siyang magawa. Kailangan niyang bumitaw. Sana maging masaya ang misis niya sa nabili niyang wedding ring. Nahuli ko siyang bumili sa jewelry shop. Papakasal na sila ng misis niya.

Sinilip ko din si Kuya sa kasunod na shop. Nagsosolo. Halos hindi niya maasikaso ang lahat ng kostumer niya. Wala na siyang katulong sa karenderyang pinamumunuan niya. Puro part timer kasi ang mga kasamahan niya at ito'y mahigpit na ipinagbabawal. Parang ako ang napapagod sa kakailanganing liksi ng galaw sa trabahong ito. Sapilitang kinakaya ni Kuya ang kailangang bilis mula sa pagserve ng pagkain hanggang sa pagligpit ng mga plato. Sa edad niya, subsob pa siya sa trabaho.

Napansin ko rin ang kabarkada ni Kuya at ng suki kong barbero na nakatambay sa loob ng barber shop. Panay dial sa kanyang cellphone. Pilit na kinokontak ang kanyang pamilya na nasa Maasin, Leyte. Hindi ko na tinanong kung sino ang tatawagan niya basta hawak niya sa kabilang kamay ang flight ticket niya pauwi.

Isang dagok na naman ang matinding pinagdadaanan ng ibang mga OFW. Mula sa paglisan at pag-iwan sa pamilya ng ilang taon. Tiniis ang pangungulila ng napakaraming buwan. At ngayon, uuwi upang pakalmahin ang tahanang ginulantang ni Yolanda.

Iba talaga ang alindog ni Yolanda. Ilan sa mga OFW ang napaiyak niya. Halos pangalan niya ang bukambibig ng mga tao sa loob ng barber shop at kahit sa trabaho. At halos buong mundo ay nakatutok at napapunta niya sa Pilipinas.
 
Saludo ako! Sa dami ng problemang hinaharap ng bansa, damang dama ang damayan ng mga Pilipino. Bumubuhos ang tulong mula sa mga kapwa Pilipino at kahit tagaibang bansa. Kanya kanyang diskarte para makalikom ng pondo pero iisa ang layunin. Nagkakaisa ang lahat para sa pagtayo ng bagong pag-asa. Naniniwala ako, pagsubok lang ito dahil tayong Pilipino ay lahing matatag.

"The people of the Philippines are some of the strongest, kindest people that I have ever had the opportunity to know. Each trip that I made to the Philippines, I can’t help but be amazed at the kindest that I am shown no matter where I am at there. The people have belief in family that goes far beyond anything that we do here in the states. When you speak of family in the Philippines, they speak of relatives that are 8th, 9th, and 10th cousins as though they were brother and sisters. Family to the Filipino people comes before just about everything else. Family to them is more than just a sharing of DNA, it is a way of life." - an inspiring word describing Filipinos from a person named atet.

Sama-sama, tulong-tulong. Tayong lahat ay siguradong makakabangon.