Friday, February 24, 2012

Imagine a World without OFW

Mula sa mga piraso ng karton na ipinagdikit-dikit at hinugis bangka, di ko akalain na kaya niya akong isakay at ilutang sa karagatan. Ito ang natutunan ko sa aming Team Building Workshop kamakailan.

Natutunan ko rin ang kahalagahan, pakinabang, at kakayahan  ng bawat isang indibidwal kung ito'y ipinagsama sa isang layunin na kailangan ng matinding desisyon. Tao nga pala tayo na may sariling pag-iisip at diskarte sa buhay. Lahat tayo ay may kusa at may iba't ibang pananaw sa isang bagay!
Ganunpaman, lahat tayo ay may mga tungkulin na ginagampanan. Huwag nating isipin at bilangin ang ating mga kahinaan dahil minsan ang ating inaaming kahinaan ay siya nating kalamangan sa iba! Bawat isa sa atin ay mahalaga!

 Nakita ko ito na nakabalandra sa facebook. Tatlong taon na ang nakalipas nang inilathala sa Arab News ang pagsasalarawan ng isang Saudi national sa kahalagahan ng OFW sa bansang disyerto.
Saludo ako dito!

 
Isa lang si Muhammad sa maraming Saudis na pinahahalagahan ang ating presensiya dito sa kanilang lupain.

Friday, February 10, 2012

Biyaheng Saudi via Thailand

Ang dahilan kung bakit kinuha ko ang biyaheng ito ay dahil gusto kong makapunta at makagala man lang kahit ilang araw sa Bangkok. Iniisip ko na kailangan ko ring gatimpalaan ang sarili ko sa ilang buwan kong trabaho dito sa malungkot na disyerto. At di ako nagkamali, dahil sa biyaheng ito marami akong nakasalamuha, natutunan, at nalaman.

Sri Lankan Airlines
                                                                                                                                                      
 
Akala ko noong una, solong Pinoy ako sa ganitong biyahe. Tama nga. Mula sa  Dammam,Saudi papuntang Colombo, Sri Lanka at kahit sa connecting flights papuntang Thailand ay wala akong nakasabay na Pinoy. Madalang lang talaga ang Pinoy na sumakay sa ganitong biyahe. Maliban sa pagod ay matagal pa ang biyahe.  Pero masasabi ko na may dating at kakaiba ang Sri Lankan Airlines sa mga eroplanong nasakyan ko na. Makikita mo sa kanilang suot ang kanilang pagiging makabayan. Kahit maitim man at nakausli ang mga bilbil ng mga stewardess, ay masasabi kong napakaganda nila!Proud sila sa sarili at sa bansa nila.
Mula Thailand papuntang Pinas, marami na ang Pinoy na kasabayan dahil Philippine Airlines ang sinakyan. Dito na nagpapang-abot ang mga OFW na mula sa iba't ibang bahagi ng mundo.

   
Nang pabalik na ako, nasorpresa ako na may mga grupo ng mga OFW na nasa Terminal 2. Ang country of destination, Riyadh, Saudi Arabia! Kadalasan kasi basta biyaheng Middle East ay nasa Terminal 1.Nagkasabay kami papuntang Bangkok. Mas matindi ang biyahe nila, may sampung oras silang mananatili sa airport ng Bangkok para sa kanilang flight sa Mumbai, India. Mula sa Mumbai, di ko na itinanong kung ilang oras ang hintayan  para sa kanilang flight sa Riyadh lulan ng Jet Airways. Lumabas muna ako ng airport  at sinadyang magbook ng hotel dahil kinabukasan pa ang flight ko papunta ng Colombo.

Kinabukasan, solo na naman akong Pinoy sa checked-in counter ng Sri Lankan sa Bangkok. Sa departure area, may 16 Pinoy akong nakita na magkagrupo, apat sa kanila ay mga babae. Ang final destination, Dammam, Saudi Arabia samantalang papunta ng Qatar at Dubai ang mga babae! Marami din palang Pinoy ang makakasama ko. Dahil mahigit 12 oras ang connecting flight namin sa Sri Lanka, libre ng airlines ang hotel accommodation.
Kakaibang Sri Lankan stewardess! Proud in their National Costume.
Iba talaga ang turingan sa kapwa OFW lalo na kapag may first timer na kasama. Kailangan ng gabay at payo para pasayahin ang nararamdamang kalungkutan sa mga naiwanan sa Pinas at mapawi ang takot sa lugar na pupuntahan. Salamat na lang dahil marami ang mga ex-abroad na todo suporta sa mga baguhan. "Kaya natin ito! Isipin natin, na ang ginagawa nating ito ay para rin sa kanila! (mga mahal sa buhay)".

OFW sa Colombo, Sri Lanka

OFW based in Middle East
Sa Colombo Airport, nagpang-abot ang mga Pinoy na papuntang Middle East na galing ng Singapore. Kahit anumang haba ng biyahe ay may mararating din. Hangad ko ang tagumpay nating lahat Kabayan!