Saturday, July 28, 2012

Apat na Mahahalagang Bagay

May mga aasikasuhing importanteng bagay pagdating dito sa Saudi kung kasama ang pamilya sa unang pagkakataon.

Abaya

KASUOTAN. Ang babaeng expat dito sa Saudi ay di naman nirequire na magsuot ng abaya. Ngunit bilang paggalang sa tradisyon at konserbatibong kinaugalian ng mga lokal dito, kailangan magsuot ng abaya ang isang babae kapag lumabas. Abaya ang tawag sa kulay itim at maluwag na damit na isinusuot ng mga babae na nagtatago ng hubog ng kanilang katawan. Hindi pwede ang abayang "body fit". 
Ang niqab naman o yong pangtakip sa mukha ay di na kailangan ngunit may mga nakausap akong ibang Pinay na nagsusuot din. Akala ko Saudi pero nagsasalita ng "Kabayan". 

HEALTH INSURANCE. Napakamahal ng ospital bill dito kapag walang medical insurance kaya ito ang dapat unahing kunin. Kapag ang isang OFW ay family status, kasama na rin ang pamilya bilang beneficiaries nito. Kailangan lang ipadagdag ang family beneficiaries sa Heath Insurance Company ng kumpanya para mabigyan ng personalized medical cards. Hihilingin nila ang passport copies at passport pages na may entry visa para maidagdag ang miyembro ng pamilya. Isang araw lang ay ibibigay na nila ang cards.

MEDICAL TEST. Sa mga pamilyang "permanent visa" ang inaplayan, kailangan kumuha ng hospital referral slip mula sa Human Resource department o sa Company Clinic ng kumpanya. Sila ang pipili ng ospital para sa pangalawang medikal exam. Kakailanganin ng ospital ang referral slip, passport copies at passport pages na may entry visa. Ang medikal test sa kaharian ay requirement para sa pagkuha ng community card o iqama.
Ang resulta ay ihahatid ng hospital representative sa kumpanya pagkatapos ng limang araw.
Para naman sa pamilyang nasa "tourist visa", di na kailangan ang medikal.


IQAMA. Kakailanganin ang mga passports ng pamilya, application forms, 10 pirasong iqama sized pictures, at medical exam results. Ang application form ay nakasulat sa Arabic kaya di maintindihan. Ganunpaman, ang Government Relation department ng kumpanya ang magsusulat ng mga kakailanganing impormasyon. Pirma lang at passport numbers ang hinihiling nilang punan.
Ang proseso ng iqama ay aabutin ng dalawang linggo hanggang isang buwan.

Friday, July 20, 2012

Thursday, July 5, 2012

Sagad sa Tag-Init

Matindi ang init sa labas. Ramdam na ramdam iyan ng ating mga katawan. Laging mataas sa 40 degrees ang temperatura sa karamihan ng working sites ng Saudi. Mga Kabayan ito'y payong kaibigan!


Maging SANGGOL. Palaging magbaon at uminom ng tubig kahit di nauuhaw.

Maging TAMBAY. Huwag dire-diretso ang trabaho.Magpahinga sa lilim paminsan-minsan lalo na kapag nasa labas ang trabaho.

Maging MODELO. Iwasan ang pagtrabaho sa lugar na direkta sa araw lalo na kapag tanghali.

Maging RAPPER. Magsuot ng mga maluluwag at magagaan na damit. Palaging magpalit ng tuyo at malinis na damit.

Maging BIBE. Maligo araw-araw.

Tuesday, July 3, 2012

Pamilya Papuntang Saudi

Nabanggit ko na sa blog na ito (Family Visa sa Saudi) ang mga kakailanganing hakbang at dokumento sa pagdala ng pamilya sa Saudi. Kailangan din ang tiyaga, panahon, at pera dahil talagang may katagalan ang pagproproseso.
Ang medikal na kailanganing gawin sa Manila. Mayroon din namang mga accredited clinics sa Davao at Cebu kaso mas mabilis ang proseso kapag nasa Maynila. Dagdag pa dito na kapag may problema sa mga resulta ay madaling mapupuntahan ng tauhan ng agency. Ang resulta ng medikal ay ipapasa ng clinic sa agency pagkatapos ng tatlong araw. Samantalang ang proseso ng visa  ay tatlong araw din kung walang problema sa system. Kadalasan nakukuha ang passport with visa pagkatapos ng isang linggo.

Journal on June 8, 2012
NAIA 1, Manila, Philippines

Kung dati tumutulo ang luha tuwing aalis ng bansa, iba na ngayon. Kasama ko si Misis kaya parang gagala lang kami sa karatig bayan. Emotionally magaan sa pakiramdam ngunit physically bumigat. Kung dati, isang trolley lang hinhila ko, ngayon may dagdag na. Hindi lang isa, kundi dalawang bag.
Dumating kami sa Terminal 1 at dumiretso na kaagad kami sa OFW Lounge para sa OEC. Ilang minuto lumabas ulit at naghanap ng push cart dahil di ito pwedeng ipasok sa loob. Nagbayad ng travel tax na P500 pesos bago pumila sa linya ng Etihad Airways papuntang Abu Dhabi. Hiningi ng kopya ang opisyal ng authenticated marriage certificate, passport ni Misis, at OEC ko.
Maayos ang check-in dahil maaga at di pa mahaba ang pila noong dumating kami. Pagkatapos makuha ang boarding pass, tumuloy tuloy na kami. Ako sa mahabang pila na OFW lane at ang asawa ay nagbayad ng terminal tax na 550 pesos. Mga ilang minuto din siyang naghintay at dumiretso na kami sa Immigration. Nagbiro pa ang opisyal. "Misis, pagdating niyo sa Saudi ay wala kayong gagawin kundi magpahinga at magshopping. Huwag na huwag mong ipaglaba o ipagluto si Mister".Nakasulat kasi sa visa ni Misis na "NOT PERMITTED TO WORK". Natawa na lang kami.
Dumating na rin ang oras ng flight namin. "Ready ka na? Wala nang atrasan ito," ang lagi kong sabi. Umalis kami ng Manila ng alas siyete ng gabi at ilang oras ding nasa alapaap bago lumapag sa Abu Dhabi para magpalit ng eroplano papuntang Saudi.
Pagkalipas ng dalawang oras sa UAE, flight na ulit namin papuntang Saudi. Medyo pagod na dahil di ako masyadong nakatulog. Lumapag sa Damman pagkatapos ng isang oras. Binilisan namin ang hakbang para mauna sa pila sa immigration dahil alam ko na kung gaano kabagal ang stamping dito. Pumila kami sa "FROM VACATION EXPAT" ngunit lumipat kami sa ibang linya. Napansin ko kasi na walang camera at machine for finger printing para sa mga bagong dating.
Dumating kami ng 2:30am, ikalabing isa kami. Alas kuwatro, panglima na kami sa pila. Anim pa lang ang nakatapos sa pila namin."Ganito talaga dito". Ganito talaga ang eksena, ang opisyal nagtetext, tapos magkwekwentuhan, aalis at may kakausapin at ilang minuto bago makabalik. Ganupaman, maswerte pa rin kami dahil kahit paano umuusad ang pila, di katulad doon sa iba na wala pang bawas. Sa taas ng oras na hinintay, nakasuot na ng abaya si Misis para diretso na kami palabas. Natapos kami at nakalabas ng airport ng alas singko. Maliwanag at may araw na!