Nabanggit ko na sa blog na ito (Family Visa sa Saudi) ang mga kakailanganing hakbang at dokumento sa pagdala ng pamilya sa Saudi. Kailangan din ang tiyaga, panahon, at pera dahil talagang may katagalan ang pagproproseso.
Ang medikal na kailanganing gawin sa Manila. Mayroon din namang mga accredited clinics sa Davao at Cebu kaso mas mabilis ang proseso kapag nasa Maynila. Dagdag pa dito na kapag may problema sa mga resulta ay madaling mapupuntahan ng tauhan ng agency. Ang resulta ng medikal ay ipapasa ng clinic sa agency pagkatapos ng tatlong araw. Samantalang ang proseso ng visa ay tatlong araw din kung walang problema sa system. Kadalasan nakukuha ang passport with visa pagkatapos ng isang linggo.
Journal on June 8, 2012
NAIA 1, Manila, Philippines
Kung dati tumutulo ang luha tuwing aalis ng bansa, iba na ngayon. Kasama ko si Misis kaya parang gagala lang kami sa karatig bayan. Emotionally magaan sa pakiramdam ngunit physically bumigat. Kung dati, isang trolley lang hinhila ko, ngayon may dagdag na. Hindi lang isa, kundi dalawang bag.
Dumating kami sa Terminal 1 at dumiretso na kaagad kami sa OFW Lounge para sa OEC. Ilang minuto lumabas ulit at naghanap ng push cart dahil di ito pwedeng ipasok sa loob. Nagbayad ng travel tax na P500 pesos bago pumila sa linya ng Etihad Airways papuntang Abu Dhabi. Hiningi ng kopya ang opisyal ng authenticated marriage certificate, passport ni Misis, at OEC ko.
Maayos ang check-in dahil maaga at di pa mahaba ang pila noong dumating kami. Pagkatapos makuha ang boarding pass, tumuloy tuloy na kami. Ako sa mahabang pila na OFW lane at ang asawa ay nagbayad ng terminal tax na 550 pesos. Mga ilang minuto din siyang naghintay at dumiretso na kami sa Immigration. Nagbiro pa ang opisyal. "Misis, pagdating niyo sa Saudi ay wala kayong gagawin kundi magpahinga at magshopping. Huwag na huwag mong ipaglaba o ipagluto si Mister".Nakasulat kasi sa visa ni Misis na "NOT PERMITTED TO WORK". Natawa na lang kami.
Dumating na rin ang oras ng flight namin. "Ready ka na? Wala nang atrasan ito," ang lagi kong sabi. Umalis kami ng Manila ng alas siyete ng gabi at ilang oras ding nasa alapaap bago lumapag sa Abu Dhabi para magpalit ng eroplano papuntang Saudi.
Pagkalipas ng dalawang oras sa UAE, flight na ulit namin papuntang Saudi. Medyo pagod na dahil di ako masyadong nakatulog. Lumapag sa Damman pagkatapos ng isang oras. Binilisan namin ang hakbang para mauna sa pila sa immigration dahil alam ko na kung gaano kabagal ang stamping dito. Pumila kami sa "FROM VACATION EXPAT" ngunit lumipat kami sa ibang linya. Napansin ko kasi na walang camera at machine for finger printing para sa mga bagong dating.
Dumating kami ng 2:30am, ikalabing isa kami. Alas kuwatro, panglima na kami sa pila. Anim pa lang ang nakatapos sa pila namin."Ganito talaga dito". Ganito talaga ang eksena, ang opisyal nagtetext, tapos magkwekwentuhan, aalis at may kakausapin at ilang minuto bago makabalik. Ganupaman, maswerte pa rin kami dahil kahit paano umuusad ang pila, di katulad doon sa iba na wala pang bawas. Sa taas ng oras na hinintay, nakasuot na ng abaya si Misis para diretso na kami palabas. Natapos kami at nakalabas ng airport ng alas singko. Maliwanag at may araw na!
No comments:
Post a Comment