Saturday, July 20, 2013

Mga Di-dapat at Dapat Gawin ng OFW sa Saudi

Bilang tugon sa isang kahilingan, ginawan natin ng paraan para makuha ang mga listahan ng mga DAPAT at DI-DAPAT gawin ng isang OFW dito sa kaharian ng Saudi Arabia.

Ang bansang Saudi Arabia ay masasabing weird ng iilan. Ganunpaman, ang bansang ito ay may sariling kultura na kakaiba at bukod tangi. Halos 25% ang expat dito ayon sa World Fact book, ngunit nirerespeto pa rin ng karamihan ang konserbatibo at mahigpit nilang pamamalakad.

Ang mga nasa listahan ay iilan lamang sa napakaraming DO'S and DONT'S sa bansang ito. Ganunpaman, nabanggitt naman ang kadalasan at kalimitang nangyayari base na rin sa aking sariling karanasan.

Mga Di Dapat Gawin

Huwag kumain, uminom at manigarilyo sa pampublikong lugar sa mga oras na bawal tuwing ipinagdiriwang ang Ramadan. Kumain lamang sa loob ng kuwarto na hindi ka nakikita ng kasamahang Muslim. Ito ay bilang pagrespeto sa kanilang tradisyon at paniniwala.
Huwag magbigay o tumanggap ng anumang bagay na gamit ang iyong kaliwang kamay. Sa kadahilanang ang kaliwang kamay ay ginagamit sa paglilinis ng katawan kaya madumi. Laging gamitin ang kanang kamay sa lahat ng bagay.
Huwag umalis o gumala ng nag-iisa lalung lalo na sa gabi. Kung di talaga mapigilan ay sana man lang ay maiwasan. Hindi lamang sa Saudi ito applicable kundi kahit saan mang bansa. Hindi kasi natin ito lugar at ang mga krimen ay kadalasang nangyayari sa gabi.
Huwag basta maniwala o sumama sa taong di mo kilala. At kahit makipagkaibigan ay iwasan.
Sa mga babae, iwasang mag-iwan ng numero ng cellphone sa mga kalalakihang di kakilala.
Huwag sumali  sa mga political o kahit anong religious activities na hindi ayon sa Islam. Ang Saudi Arabia ay sagrado at devoted lamang sa Islam.
Huwag tumingin o makipag-usap sa mga kababaihan. Maliban na lang kung ikaw ay tinatanong.
Iwasan ding madikitan ang babaeng Saudi kaya dumistansya kapag sila ay nasa daanan.
Huwag pumasok sa family section ng isang establisment kung ikaw ay bachelor o single. Exclusive lamang ito sa kababaihan at may mga pamilyang Arabo o expat.
Sa kalalakihan, huwag magsuot ng short pants kung ikaw ay papasok sa opisina ng gobyerno. Wala namang dress code, pero hindi talaga ito pormal.
Huwag kumuha ng litrato sa pampublikong lugar at mga opisina. Lalong lalo na kapag may background na kababaihan. Maliban na lang kung ikaw ay humingi ng pahintulot.
Huwag kang pumasok sa mosque kung ikaw ay di Muslim maliban na lang kung ikaw ay inanyayahan. Hindi rin nakakapasok sa Mecca at Medina ang isang expat na hindi Muslim.
Huwag sumali o tumulong sa isang gulo na sangkot ang isang Saudi.
Iwasang makipagdebate o makipag-away sa isang Arabo.
Huwag mong tulungan ang isang biktima ng aksidente kung ikaw ay nag-iisa. Mahirap na kapag ikaw ang mapagbintangan. Maiging tumawag sa emergency hotline para humingi ng saklolo.
Huwag uminom ng may alkohol, magsugal, o gumamit ng ipinagbabawal na gamot. Isama na rin dito ang pag-iwas sa gawaing prostitusyon. Ito ay mahigpit na ipinagbabawal na may parusang pagkakadeport, pagkakakulong o kamatayan.
Iwasang dumaan sa mga naglalaro na kabataang Saudi. Lalong lalo na sa nagbibisikleta at iyong naglalaro ng pellet guns. May ibang kabataan dito na di marunong rumespeto ng mga matatanda.
Huwag magpakita ng paglalambing sa publikong lugar tulad ng pagyakap o paghalik kahit sa siya ay iyong asawa. Ang Pubic Display of Affection ay may kaukulang kaso dito.
Huwag magsuot ng pambabaeng kasuotan kung hindi ka naman babae. Isang paalala sa mga kapatid sa third sex.
Huwag buksan kaagad ang pintuan ng bahay pag may kumakatok. Alamin muna kung sino. Marami na kasing pangyayari na nalooban ang flat/apartment dahil sa pagkakamaling ito.

Mga Dapat Gawin

Ang babae at lalake ay magkaibang grupo sa Saudi Arabia. Dito lang ako nakakita ng Ladies Market at Bank only for Ladies. Kaya bawal magsama ang isang babae at isang lalaki kung di naman magkaanu-ano. Kahit kayo ay magnobyo pa. Kailangan ng legal na dokumento na kayo ay tunay na mag-asawa bago kayo magsama.
Sa mga kababaihan, magsuot ng abaya tuwing lumabas. Ang pagsuot ng abaya ay nagpapahiwatig ng ating respeto sa konserbatibong kultura ng Saudi.
Magpakita ng motibo o interest sa kultura, tradisyon o kahit ang relihiyon ng mga Saudis. Natutuwa sila sa mga dayuhan na sumusubok ng salitang Arabo at iyong may interes na basahin ang mga librong may kinalaman sa Koran at Islam.
Ang sagot sa pagbati ng isang Arabo na ASSALAM ALAIKUM (Peace be with you) ay WA ALAIKUM ASSALAM na ang ibig sabihin ay "And also with you".
Sa mga kalalakihan, laging makipagkamay  kung ikaw ay magtatanong o pumasok sa opisina ng among Arabo o may ipinakikilalang bagong kasama.
Makiinom o di kaya ay makikain lamang sa kanilang "tea and date session" kung ikaw ay inimbitahan.
Makipagkwentuhan sa mga lokal. Gustong gusto nila ang topic about travel and family. Sa ganitong paraan, mas makikilala mo ang totoong kultura ng isang Saudi national. 
Palaging dalhin ang  iqama o ang community card kahit saan man magpunta. Minsan may surprise check up ang mga pulis sa mga expat. Ang walang maipakitang iqama ay may libreng bakasyon sa kulungan.
Magsariling sikap ka! Ikondisyon mo palagi ang iyong sarili. Panatilihing gumagana ang immunity upang labanan ang HOMESICK!


(Other sources: Easy way to learn Arabic, 4th edition by Mahmoud S. Tajar)


Wednesday, July 17, 2013

Buhay tuwing Ramadan

Mahalagang okasyon  ang RAMADAN para sa bansang may pagmamahal sa ISLAM.

Nag-iiba pala ang buwan nito. Setyembre ito noong unang dating ko. Tapos pumalo sa Agosto at ngayon ay Hulyo.


Ang laging paalala sa mga NON-MUSLIMS na residente tuwing Ramadan ang salitang,

RESPETO.
Lahat tayo ay naghahangad nito. Kahit anumang lahi, magkaiba man ang tradisyon o paniniwala. Nakapaloob sa pag-uugaling ito ang ating pagkatao.

Bawal kumain, uminom at manigarilyo sa pampublikong lugar sa loob ng isang buwan. Tanggal sa trabaho o di kaya ay repatriation ang aabutin sa mahuhuling lalabag dito. Kaya kapag gusto mong uminom ng tubig at kumain ay magtago ka.

At sa mga hindi nakakaalam, tuwing sasapit ang Ramadan, limang oras lamang ang working schedule ng mga Muslim employees na nagtatrabaho sa gobyerno. Sa mga private sectors naman ay anim na oras. Ang sobrang oras sa pagtrabaho ay overtime.

Mga Napupuna tuwing Ramadan: (hindi ko nilalahat ngunit halos lahat!)

1. Ang daming pagkain sa gabi.
Fasting nga sa umaga pero bumawi naman sa gabi. Ito ang laging mapapanood tuwing Iftar (hapunan) at Suhoor (agahan). Iftar ang tawag sa kainan sa gabi pagkatapos lumubog ang araw at Suhoor naman ang ginagawa sa madaling araw bago sumikat ang araw. Sa dami ng pagkain na nilamutak, malamang kailangan ang isang araw na patakbo takbo sa kalye para sunugin ang sobrang calories at cholesterol.

2. Sa umaga ay antukin dahil hindi natutulog sa gabi.
Nahihirapan silang matulog sa gabi dahil karamihan ng activities ay nangyayari paglubog ng araw. Kaya kapag may pasok kinaumagahan, matamlay. Ang iba nga sa kanila, makikita mong tulog sa opisina. Bumabalik ang lakas tuwing uwian na.

3. Hindi normal ang trabaho.
"Tired". Ang lagi mong naririning sa mga nagfafasting. Sa mga may trabaho, kaya pa nilang gampanan ang obligasyon sa umaga ngunit pagsapit ng tanghali ay hihinto na. Kailangan nilang ireserve ang natitirang energy hanggang sa gabi. Ngunit may iba namang, buong araw ay pagod at di na makapagtrabaho. Kaya, hindi puwedeng walang extra na tao. Ang isang araw na trabaho ay masakit sa ulo kung ang lahat ay nagfasting.

4. Nangangayayat.
Pagkatapos ng Ramadan, humahapit  ang sinturon ng ibang mga Muslims. Numinipis ang mukha at bagsak ang timbang. Kapag tinanong, ang tanging sagot, "Because of Ramadan.". Oo nga naman, fasting kasi! Pero bakit ang iba, hindi makitaan na nagfasting?

5. Patay sa umaga, buhay sa hapon.
Sa lugar na ito, e parang dinaanan ng delubyo sa umaga. Maraming kalat ngunit iilan lang ang tao na naglilinis. Sarado ang mga panaderya, boofia, at kahit maliliit na grocery stores. Iyong mga stalls na tanging sa umaga lang nagbubukas ay sarado rin. Feeling ko tuloy may invasion na naganap at iilan lang kaming naiwan.
Ngunit tuwing hapon, halos hindi ka makasingit kahit isang bote lang ng mantika ang binili sa tindahan. Nagsipaglitawan ang napakaraming mga tao. Buhay na buhay ang mga tindahan at maraming pagkain na nilalako. Iyon nga lang, hindi pa puwedeng kumain hangga't may liwanag.

Ganito tuwing Ramadan sa disyerto. Muslims man o non-Muslims ay pinaghahandaan ito. Kung sa mga Muslims ay pinaghahandaan ang pagfasting, pinaghahandaan naman ng mga non-Muslims kung paano susuportahan ang nagcecelebrate nito.

Kaya tuwing Ramadan, para sa mga OFW, expect mo na ang pag-iwas sa mga bawal, dagdag trabaho, at maraming overtime.

Wednesday, July 3, 2013

Amnesty extended!

Tambak!

Bumagal ang mga normal transactions sa aming kumpanya kapag involve ang government services. Nakatambak pa rin at di maasikaso ang mga iqama na for application at renewal. Dati kasi matagal na ang isang buwan para sa processing.

"Nothing finish for iqama, for all iqama", pailing-iling na sabi ng Government Relation staff namin . Hindi na ako nagtanong pa.

Naiintidihan ko, unang inaasikaso ang mga expat na may problema sa iqama status at iyong mga iligal workers na sinasabi. Top priority sila sa mga nagdaang buwan! Deadline na kasi dapat ngayong araw.


Maraming natuwa! Pinalawig pa ng Hari ang grace period ayon na rin sa recommendations mula sa Saudi Ministries of Foreign Affairs, Labor and Interior, business sectors at mga embahada.

"Hundreds of thousands of expatriates and Saudis breathed a sigh of relief across the country yesterday as Custodian of the Two Holy Mosques King Abdullah extended the amnesty period until Nov. 3. "-ARAB NEWS.

Magsisimula na ulit sa Nobyembre 3, ang mga sunod-sunod na inspection.

May apat na buwan pa ang mga expats na ayusin ang kanilang status.

"The Ministries of Interior and Labor call on all concerned people to work to meet all the statutory requirements and correct their status as soon as possible within the referred period, otherwise those who do not respond positively, they shall be subject to maximum penalties in accordance with the provisions of the regulations."-ALRIYADH.

Masayang balita din ito sa mga OFW dependents na nagtatrabaho. Binibigyan na rin sila ng pahintulot na magtrabaho ayon na rin sa mga kondisyon ng Ministry of Labor.


"Deputy Minister of Labor Dr. Mufraj Al-Haqbani said the amnesty period allows dependents of expatriates to work as long as they have a written request from the business that wishes to employ them, are at least 18 years of age and have been listed as dependents to legally resident expatriates for at least one year. The firm hiring the dependent must also have the consent of the sponsor of the dependent." - SAUDI GAZETTE

Nagkakaroon ng bagong pag-asa ang mga OFW na minsan ay nabigo at muling bumabangon dito sa Saudi.
At sa mga gusto nang umuwi. mabibigyan pa sila ng sapat na panahon na makaalis ng walang penalty.

Maraming Salamat sa Hari ng Saudi!