Wednesday, July 17, 2013

Buhay tuwing Ramadan

Mahalagang okasyon  ang RAMADAN para sa bansang may pagmamahal sa ISLAM.

Nag-iiba pala ang buwan nito. Setyembre ito noong unang dating ko. Tapos pumalo sa Agosto at ngayon ay Hulyo.


Ang laging paalala sa mga NON-MUSLIMS na residente tuwing Ramadan ang salitang,

RESPETO.
Lahat tayo ay naghahangad nito. Kahit anumang lahi, magkaiba man ang tradisyon o paniniwala. Nakapaloob sa pag-uugaling ito ang ating pagkatao.

Bawal kumain, uminom at manigarilyo sa pampublikong lugar sa loob ng isang buwan. Tanggal sa trabaho o di kaya ay repatriation ang aabutin sa mahuhuling lalabag dito. Kaya kapag gusto mong uminom ng tubig at kumain ay magtago ka.

At sa mga hindi nakakaalam, tuwing sasapit ang Ramadan, limang oras lamang ang working schedule ng mga Muslim employees na nagtatrabaho sa gobyerno. Sa mga private sectors naman ay anim na oras. Ang sobrang oras sa pagtrabaho ay overtime.

Mga Napupuna tuwing Ramadan: (hindi ko nilalahat ngunit halos lahat!)

1. Ang daming pagkain sa gabi.
Fasting nga sa umaga pero bumawi naman sa gabi. Ito ang laging mapapanood tuwing Iftar (hapunan) at Suhoor (agahan). Iftar ang tawag sa kainan sa gabi pagkatapos lumubog ang araw at Suhoor naman ang ginagawa sa madaling araw bago sumikat ang araw. Sa dami ng pagkain na nilamutak, malamang kailangan ang isang araw na patakbo takbo sa kalye para sunugin ang sobrang calories at cholesterol.

2. Sa umaga ay antukin dahil hindi natutulog sa gabi.
Nahihirapan silang matulog sa gabi dahil karamihan ng activities ay nangyayari paglubog ng araw. Kaya kapag may pasok kinaumagahan, matamlay. Ang iba nga sa kanila, makikita mong tulog sa opisina. Bumabalik ang lakas tuwing uwian na.

3. Hindi normal ang trabaho.
"Tired". Ang lagi mong naririning sa mga nagfafasting. Sa mga may trabaho, kaya pa nilang gampanan ang obligasyon sa umaga ngunit pagsapit ng tanghali ay hihinto na. Kailangan nilang ireserve ang natitirang energy hanggang sa gabi. Ngunit may iba namang, buong araw ay pagod at di na makapagtrabaho. Kaya, hindi puwedeng walang extra na tao. Ang isang araw na trabaho ay masakit sa ulo kung ang lahat ay nagfasting.

4. Nangangayayat.
Pagkatapos ng Ramadan, humahapit  ang sinturon ng ibang mga Muslims. Numinipis ang mukha at bagsak ang timbang. Kapag tinanong, ang tanging sagot, "Because of Ramadan.". Oo nga naman, fasting kasi! Pero bakit ang iba, hindi makitaan na nagfasting?

5. Patay sa umaga, buhay sa hapon.
Sa lugar na ito, e parang dinaanan ng delubyo sa umaga. Maraming kalat ngunit iilan lang ang tao na naglilinis. Sarado ang mga panaderya, boofia, at kahit maliliit na grocery stores. Iyong mga stalls na tanging sa umaga lang nagbubukas ay sarado rin. Feeling ko tuloy may invasion na naganap at iilan lang kaming naiwan.
Ngunit tuwing hapon, halos hindi ka makasingit kahit isang bote lang ng mantika ang binili sa tindahan. Nagsipaglitawan ang napakaraming mga tao. Buhay na buhay ang mga tindahan at maraming pagkain na nilalako. Iyon nga lang, hindi pa puwedeng kumain hangga't may liwanag.

Ganito tuwing Ramadan sa disyerto. Muslims man o non-Muslims ay pinaghahandaan ito. Kung sa mga Muslims ay pinaghahandaan ang pagfasting, pinaghahandaan naman ng mga non-Muslims kung paano susuportahan ang nagcecelebrate nito.

Kaya tuwing Ramadan, para sa mga OFW, expect mo na ang pag-iwas sa mga bawal, dagdag trabaho, at maraming overtime.

2 comments:

  1. kuya request lng gawa ka naman nun mga dapat gawin sa bansang tulad ng saudi at yun mga hindi dapat gawin..
    do's and dont po.
    salamat po.

    ReplyDelete
  2. Maraming salamat sa pagbisita at sa magandang suggestion.

    ReplyDelete