Ang kuwartong inuupahan ay nasa 3rd floor ng isang buiding at walang elevator. At habang nagluluto ay napansin na may kulang na sangkap. Mauuwi lamang sa basura ang pagkaing nasa kaldero kapag wala ang sangkap na iyon. Saglit na nagbihis at patakbong bumaba sa hagdanan. Ang misyon ay pumunta sa malapit na tindahan na ilang metro lang ang layo. Humahangos na narating ang tindahan. Ilang hakbang na lang sana nang lumabas ang tindero at madaling isinara ang pintuan. Sabay padlock sa pinto ang karatulang
"Closed for Prayer".
Nakakainis.
Naiinis sa sarili dahil hindi namalayan ang oras ng
SALAH (salat ayon sa wikipedia at salah ayon sa mga lokal dito sa Saudi.). Ito ang oras ng dasal ng mga Muslim na ginagawa limang beses sa isang araw. Ito ay nagtatagal ng 15 hanggang 30 minutos.
Namumukod tangi ang Saudi Arabia sa mga bansa na kailangang magsara ang mga tindahan, kainan, bangko, private at government offices, outpatients clinics o hospitals at halos lahat ng kumikitang kabuhayan tuwing oras ng
salah. May mga religious pulis na nagmamatyag sa mga establisyamentong hindi tumutugon sa kanilang alituntunin. Maaring ipasara ang mga ito kapag nahuling hindi sumusunod.
|
1st Prayer: Fajr |
Ang unang salah ang pampagising sa umaga. Ang pagtatapos nito ay ang pagbubukas ng mga bofia at mga maliliit na grocery stores. Ang unang liwanag sa kalangitan ang hudyat ng pasiunang dasal.
|
2nd Prayer: Dhuhr |
Kapag naabot na ng araw ang rurok at nagsimula nang bumaba, ito na ang hudyat ng
tanghaling salah. Ito ay uwian ng mga nagtatrabaho sa hospital. Hanggang tanghali lang at babalik ulit sa hapon ang kadalasang pasok nila. Sarado ulit ang mga tindahan pero saglit ding magbukas. Oras na kasi ng tanghalian. Kaya kadalasang nadidistorbo ang mga taong nagugutom, nakapila at kakain pa lang sa mga restaurants. Hindi na tumatanggap ng food order ang mga kahero kahit take out pa!
|
3rd Prayer: Asr |
Sarado ulit ang mga tindahan. Napapansin kong mas mahaba ang oras ng panalangin sa hapon. Subalit, halos lahat ng tindahan ay nagbubukas pagkatapos. Ito ang oras na maraming nagsisipaglabasan dahil buhay na buhay ang mga paninda.
|
4th Prayer: Magrib |
Sarado ulit at pinapatay ang ilaw ng ibang tindahan. Kaya kapag naabutan kang naghahapunan sa isang restaurant ay magdahan dahan sa paglunok at baka matinik ka kapag isda ang ulam. Kahit sa malaking department store ay ganito din ang eksena. Kapag nasa loob ka nung naabutan ng salah, ay saglit na maghanap ng maupuan at hintaying matapos dahil walang tindero na mag-aasikaso. Medyo madilim din kaya iwasan muna ang pamimili. Hindi ka puwedeng lumabas dahil sarado ang mga pintuan.
|
5th Prayer: Isha |
Pagkatapos ng panghuling salah sa gabi, malaya na ang mga tindahan sa sitwasyong bukas- sarado. Kaya maraming namamalengke at nagshoshopping pagkatapos nito.
PAALALA: Paiba-iba ang mga timings ng salah. Depende kasi iyon sa araw o buwan na basehan nila ng oras.
Kahit amining matagal na sa kaharian, hindi maitatangging minsan nahuli pa rin ako ng salah. Kahit may bibilhin pa sana ay kailangan nang pumunta sa counter dahil sinasarado na ang pintuan ng grocery store. Ang sana ay "Dine In" sa paboritong kainan ay naging "TAKE OUT" na lamang. Ang tumambay sa loob ng madilim na barber shop dahil hindi pa tapos ang haircut. At iyong gutom na gutom nang pumasok sa fast food restaurant, ngunit hindi makapag-order dahil ilang minuto na lang ay magsasara na.
Ganunpaman,
respeto pa rin ang dapat na ipairal. Ang minuto na iyon ay
BANAL para sa mga lokal ng kaharian.