Sa mga nagdaaang mga araw, tila yata umiikot na hindi pabor sa ating mga Pilipino ang mundo. Minsan, hindi maiwasan na mapaiyak habang pinagmamasdan sa telebisyon ang mga sinapit ng ating mga kababayan sa Kabisayaan. Ang tindi talaga ni Yolanda, na akala ng karamihan ay magwindow shopping lang. Pakending kending na dumating (ang ganda pa naman ng pangalan niya!) ngunit malupit kung humagupit. Halos sinimot niya lahat ang mga kagamitan at iniwang luhaan ang ating mga magagandang lupain at mga taong naninirahan doon.
|
Tulong na, Tabang na, Tayo na, Kaon ta! A barbecue for a Cause of M'lang Doctors Hospital's employees. Photo from Summer Mei. |
Nakakapanlumo na halos kumpleto na ang napagdaanang trahedya at sakuna ng bansa. Mula sa madugong banggaan ng mga sasakyan, giyera, hanggang sa lindol at bagyo. Makailang beses na bang sinubok ng tadhana ang ating katatagan?
Hindi lamang kalamidad at si Yolanda ang hinarap nating mga Pilipino. Dito sa Saudi, hinarap ng ilan nating kababayan ang repatriation. Sa paghihigpit ng gobyerno, maraming indibidwal ang hindi nakatupad sa kanilang mga pangarap. Ang suki kong barbero ay tuluyan nang umuwi dahil sa pagsunod sa patakaran ng gobyerno. Alam kong hindi pa sapat ang kanyang naipon pero wala siyang magawa. Kailangan niyang bumitaw. Sana maging masaya ang misis niya sa nabili niyang wedding ring. Nahuli ko siyang bumili sa jewelry shop. Papakasal na sila ng misis niya.
Sinilip ko din si Kuya sa kasunod na shop. Nagsosolo. Halos hindi niya maasikaso ang lahat ng kostumer niya. Wala na siyang katulong sa karenderyang pinamumunuan niya. Puro part timer kasi ang mga kasamahan niya at ito'y mahigpit na ipinagbabawal. Parang ako ang napapagod sa kakailanganing liksi ng galaw sa trabahong ito. Sapilitang kinakaya ni Kuya ang kailangang bilis mula sa pagserve ng pagkain hanggang sa pagligpit ng mga plato. Sa edad niya, subsob pa siya sa trabaho.
Napansin ko rin ang kabarkada ni Kuya at ng suki kong barbero na nakatambay sa loob ng barber shop. Panay dial sa kanyang cellphone. Pilit na kinokontak ang kanyang pamilya na nasa Maasin, Leyte. Hindi ko na tinanong kung sino ang tatawagan niya basta hawak niya sa kabilang kamay ang flight ticket niya pauwi.
Isang dagok na naman ang matinding pinagdadaanan ng ibang mga OFW. Mula sa paglisan at pag-iwan sa pamilya ng ilang taon. Tiniis ang pangungulila ng napakaraming buwan. At ngayon, uuwi upang pakalmahin ang tahanang ginulantang ni Yolanda.
Iba talaga ang alindog ni Yolanda. Ilan sa mga OFW ang napaiyak niya. Halos pangalan niya ang bukambibig ng mga tao sa loob ng barber shop at kahit sa trabaho. At halos buong mundo ay nakatutok at napapunta niya sa Pilipinas.
Saludo ako! Sa dami ng problemang hinaharap ng bansa, damang dama ang damayan ng mga
Pilipino. Bumubuhos ang tulong mula sa mga kapwa Pilipino at kahit
tagaibang bansa. Kanya kanyang diskarte para makalikom ng pondo pero iisa ang layunin. Nagkakaisa ang lahat para sa pagtayo ng bagong pag-asa. Naniniwala ako, pagsubok lang ito dahil tayong Pilipino ay lahing matatag.
"The people of the Philippines are some of the strongest, kindest people
that I have ever had the opportunity to know. Each trip that I made to
the Philippines, I can’t help but be amazed at the kindest that I am
shown no matter where I am at there. The people have belief in family
that goes far beyond anything that we do here in the states. When you
speak of family in the Philippines, they speak of relatives that are
8th, 9th, and 10th cousins as though they were brother and sisters.
Family to the Filipino people comes before just about everything else.
Family to them is more than just a sharing of DNA, it is a way of life." - an inspiring word describing Filipinos from a person named atet.
Sama-sama, tulong-tulong. Tayong lahat ay siguradong makakabangon.