Friday, March 14, 2014

Dilaw na Buhangin

Tuwing ako'y napapadaan sa bahagi ng disyertong ito, palaisipan pa rin sa akin kung papaano tumubo ang mga halaman sa buhanginan. Isang ordinaryong tanim na napadpad sa isang hindi ordinaryong lupain.


Ito ang mga bulaklak na sumisibol tuwing panahon ng taglamig dito sa disyerto. Animo'y maliliit na sunflower. Ang kanilang paglitaw sa kalbong buhanginan at walang humpay na pamumukadkad ay nagpapahiwatig ng magandang panahon at klima. Sila ang nagpapasigla at nagbibigay ng kakaibang kulay sa aking mga mata dito sa disyerto.

Kung ang bawat puno na aking nakikita ay napapaligiran ng water hose, sila naman ay wala. Ang langit na mismo ang kusang nagdidilig sa kabila ng pag-iwas ng ulan. Kung kailan nangyayari ang pagdidilig, iyan ang hindi ko alam.

Ang kanilang pananatili ay may hangganan. Kaya sa loob ng ilang buwan, nanatili ang berdeng dahon at hitik na mga bulaklak. Kumbaga, sa maiksing panahon na iyon, binibigay nila ang pinaka "best" nila. Buhay na buhay ang disyerto na parang isang hardin.


Ilang linggo na lang mawawala na sila. Kung dati, punong-puno sila sa espasyo na ito, ngayon may mga bakante na. Hindi na rin bumabalik ang kanilang mga dahon sa tuwing ito'y nalalagas. Mawawala na ulit sila sa aking paningin pansamantala. Alam ko, tutubo ulit sila pagdating ng araw.

Katulad sa aming mga OFW. Ang aming pangingibang-bayan ay di pangmatagalan. Darating din ang araw na kami'y babalik kasama ang pinangarap na pagbabago. Katulad ng bagong sibol na bulaklak, mamumukadkad ng matagumpay. Patnubayan sana kami ng Maykapal.

No comments:

Post a Comment