Ang OFW ay parang isang cell site. Malayo man kami ay konektado pa
rin lalo na kapag may nangangailangang pinansyal. Kami ang nagbibigay
ng dagdag signal sa mga kapamilya namin para makaahon at malusutan ang hirap ng buhay.
Hindi maiwasan na ang iilan sa amin ay magreklamo. Pero sa totoo
lang, dala lang iyon ng matinding pagod at pananabik sa pamilya. May naririnig nga silang mga salita sa amin pero humuhugot naman ang isang kamay para tumulong . Hindi matitiis ng isang OFW ang laging lumingon sa kanyang pamilyang naiwan lalo na kung siya lang ang may kakayahan at tanging pag-asa para maresolba ang
problema.
Dalawa o higit pang accounts sa bangko. Ganyan kayaman sa mga bank accounts ang isang pinoy na nagtatrabaho sa ibang bansa. Dito napupunta ang sahod bilang remittance.
Pero nagkakamali kayo kung iisipin niyong nag-iisa lang ang nagmamay-ari niyan. Marami at iba iba ang may-ari ng mga accounts. Minsan nga, iyong mismong OFW ay walang sariling bank account.
Ito ang mga laman ng aking remittance card. Kadalasan, ganito din ang nasa card ng karamihang OFW.
OFW Savings Account - para sa sariling ipon at panggastos tuwing magbakasyon.
Wife's Savings Account - para sa ipon at gastusin ng pamilya. At para sa akin, dahil kasama ko ang pamilya ko dito, naging pure savings na lang ito.
Parents' Savings Account - may fixed amount sila sa sahod ko. Kahit di sila humingi, pinaglalaanan ko sila ng bahagi.
Kapamilya Savings Accounts - Para sa mga estudyanteng sinusuportahan at iba pang bagay. Bakit lalapit pa sa ibang tao, kung kaya namang tulungan. Ang pagtutulungan ay dapat magsimula sa sariling pamilya.
Sa tuwing araw ng sahod, apat na accounts ang dapat paglagakan ko ng aking sahod. At sa bawat account na padadalhan ng pera, katumbas nito ay ang pagtapyas ng bahagi nito dahil sa remittance charges, ang pabago-bagong palitan ng peso sa dolyar at minsan ang mga bank transfer charges sa Pilipinas. At sa remittance center na naging suki ako ay 16 riyals ang bawat transaction. Dito pa lang ay bawas na ito ng 64 riyals na babayaran bilang transaction charges sa apat na account.
NAKATIPID AKO!
Paalala: Hindi ito promosyon.
Matagal nang sistema ang fund transfer service ng BPI ( Bank of the Philippine Islands) pero ngayon ko lang ito nagawa. Ang BPI fund transfer ay ang paglipat ng amount ng pera sa naenrol na third party accounts ng mabilis at libre. Dapat nakaenrol ang savings account para maging "online sa internet" para magawa ang proseso. At dahil mas masinop si Misis kaysa sa akin, ito ang mga naging diskarte namin.
Ang kanyang savings account ang naging
Master Account. Pinaenrol niya bilang third party ang aking savings account at
Parents' Savings Account. Ang kapamilya naming sinusuportahan sa pag-aaral ay pinaopen din ng account sa BPI at inenrol din. Sa madaling salita, tuwing araw ng sahod, nagreremit lamang ako sa isang account at iyon ay ang Master Account. At mula sa Master Account ay ididistribute na sila sa mga third party accounts nang libre, madali at mabilis.
Nakatipid ako ng 48 riyals o humigit kumulang P500 pesos at higit pa mula sa remittance charges.