Sunday, June 1, 2014

Biktimang Protektado

"Domestic Helper na minaltrato at Pinoy na ginahasa". 

Hindi ito bago. Unang dating ko pa lang sa Saudi ay mayroon ng ganyang mga kaso. At dahil sa malakas ang social media sa ngayon ay lalo pa itong napag-uusapan.Sana lang, ito ay mabigyan ng solusyon ng gobyerno at huwag nang maulit pa.

Al-Dawaah Guidance Center - dito kadalasang pumupunta ang mga expat na may mga problema. Sila ang pansamantalang nagpoprotekta at nagdadala sa mga biktima sa kani-kanilang embassy.
Ang mga pangyayari ay nag-iiwan ng mga leksyon. Sanay maging alisto at mapagmatyag tayo katulad ng Matanglawin ni Kuya Kim. Ito'y para maiwasan na maging biktima o ang susunod na target ng masasamang tao.

1. Laging dalhin ang iqama kahit saan magpunta (kahit magtapon lang ng basura sa labasan). Nagkakaroon ng dahilan ang isang pulis na manghuli lalo na kung walang maipakitang iqama. Ayos lang ito kung totoong pulis ang makahuli. Ang bansang ito ay hindi perpekto. Marami ring masasamang loob dito.

2. Huwag magpakita ng motibo para paghinalaang bading. Sa kilos, pananalita at pananamit.

3. Iwasan ang agaw-pansin looks. Ang pagiging modelo, fashionista o pagsuot ng matitingkad na kulay ng damit ay hindi angkop sa lugar na ito. Masyado kasi itong pansinin lalo na't majority ng kulay dito ay puti at dark colored na damit.

4. Lumabas ng magkagrupo lalo na kung hindi mo naman kabisado ang lugar. Iwasan ang gumala nang nag-iisa lalo na sa gabi. At kapag lumabas laging panatilihin na may load ang celphone para may matawagan sa tuwing may problema.

5. Magpatubo ng balbas o kahit ilang piraso lang ng buhok sa mukha. Ilang henerasyon na ang pinoy dito sa Saudi at lahat na nanggaling dito ay ito ang ipinapayo.

6. Makipagkaibigan kahit sa isang lokal lang. Sa oras ng pangangailangan at kapag siya ay iyong tinawagan, siguradong matutulungan ka.

7. Magbasa ng mga libro tungkol sa Islam. Nagagamit ang mga natutunan mga bagay kapag naiisahan ka. Kapag alam mong nasa tama ka, banggittin ang "Haram" o bawal iyan sabi ni Allah.

8. At higit sa lahat, sumunod po tayo sa patakaran at batas ng Saudi. Huwag nang ipilit ang bawal (please lang..) Hanap natin ay trabaho para makatulong sa pamilya at sa bansa kaya huwag tayong gumawa ng isang bagay na ikakasira ng sarili at ng mga kababayan natin.

Sa loob ng mahigit limang taon ko sa Saudi, ilang beses na rin akong nahipuan sa puwetan. Ilang beses na rin akong tinawag para sumakay sa kotse. Di ko alam kung ano ang gusto. Naranasan ko ring dinuro-duro ng isang lokal at muntik ko nang mabali yong hintuturo niya. Minsan ang sarap manapak, kaso ang pikon sa lugar na ito ay talo! Ganunpaman, masasabi kong mas ligtas pa ring tumira sa Saudi kung ikumpara sa Pilipinas. Kakaunti lang kasi ang naitalang krimen at respetado ang pamilya dito.

Ang sinapit ng ating mga kababayan ay kagagawan ng iilang masasamang loob na mga lokal at ng ibang mga dayuhan dito kaya huwag nating lahatin ang sitwasyon. May masamang tao talaga kahit saang lugar ka mapadpad.

Sana makuha ng ating mga kababayan ang hustisya sa kanilang mga sinapit.

2 comments:

  1. Totoo ang mga payo mo! At kahit saan naman talaga may masasamang tao! Hindi ko alam kung ano meron sa abroad pero kung maayos sana ang Gobyerno sa PInas siguro masaya lahat ditto! Ingatan ka nawa sa lahat ng ginagawa mo Bro!

    ReplyDelete
  2. May pag-asa pa naman ang gobyerno sa Pinas. Hanggat may buhay ay may pag-asa. Di lang natin alam kung kelan. Salamat...

    ReplyDelete