Para sa akin, mainam gawin ang renewal ng passport, isang taon bago ito maexpire. Ito ay para maprotektahan ang sarili sa perwisyo kung ito ay magkaproblema. Ang pasaporte ay maaring magamit at least 6 months validity ayon sa ating mga nababasa. Pero huwag tayong paloloko! Ang ibang mga bansa, ayaw magbigay ng visa kahit anim na buwan pa ang itatagal ng iyong passport.
Kamakailan lang ay pumunta ako sa embahada ng Pilipinas sa Riyadh para iparenew ang passport. Simple lang ang mga kailangan at mabilis ang proseso. Heto ang mga pinagdaanan ko.
Philippine Embassy Building in Riyadh. (mula sa google) |
1. Kumuha ng Appointment sa website.
Katulad sa Pinas, pinagdaanan ko ang Online Appointment System kung saan pipili ng araw at oras nang magiging transaksyon sa embahada. Ito ay para mapabilis ang transaksyon at maiwasan ang mahabang paghihintay ng aplikante.
Limang minutong transaksyon lang ang kada appointment. Kaso, ang schedule of appointment na pagpipilian ay mga dalawa hanggang tatlong buwan pa dahil wala nang slot. Ganyan kadami ang nagpaparenew ng pasaporte sa Riyadh. Masyadong matagal. (Sana, sampung taon ang validity ng ating passport!) Mahirap mamili ng appointment dahil itataon pa ang araw kung saan wala akong pasok.
2. Preparasyon.
Dahil may sapat na oras pa para paghandaan ang pagpunta sa Philippine Embassy sa Riyadh, ito ang mga naging preparasyon ko.
Tiket sa eroplano papuntang Riyadh. Mas maagang magbook, mas mura.
Naiprint ang E-passport Application Form na madodownload sa kanilang website. Pinunan ito at hindi iniwanang blangko. Nilagyan ng N/A (not applicable) ang mga detalyeng hindi ko masagutan.
Naiphoto copy (Xerox) ang Passport (iyong pahina na may data). Ginawang tatlo para kapag may problema ay may dalawa pang sobra.
Hiniram ko muna ang Original Passport ko sa kumpanya na nagtatago ng aking pasaporte dalawang araw bago ang biyahe ko sa embahada.
At ang kopya ng appointment letter. Naiprint ang reply sa email ng embahada. Ito ang magsisilbing katibayan na may transaksyon ako sa araw na iyon.
3. Embahada sa Riyadh
Pumunta sa embassy sa araw ng appointment date, 30 minutos bago ang appointment.
Ipinakita ang kopya ng appointment letter at pumirma sa logbook na meron ang staff sa gate. Nakita ko ang pangalan ko doon, nagpapahiwatig na inaasahan ang pagdating ko. Binigyan ako ng visitor's ID na may nakasulat na "RENEWAL" na may numero at pumasok na sa loob ng embahada.
Sa kasalukuyan, isinasagawa ang Absentee's Voter's Registration (AVR) sa lahat ng OFW na magpaparenew ng passport. (Di ko ito alam!) Kinuha ang photocopy ng passport ko na para sana ay sa passport renewal. Ilang minuto din ang itatagal dito dahil wala naman itong appointment at ang lahat na may transaksyon sa pasaporte ay nakapila. May registration form na ibibigay na kailangang punan.
Pagkatapos ng registration, ay pumila ulit sa Passport Processing. Kahit may appointment na ay "first come, first serve" pa rin ito kapag nasa loob na ng gusali. Kailangan din dito ang photocopy ng passport at ibinigay ko sa kanila ang extra copy na meron ako. Meron naman silang xerox machine kung sakaling iisang kopya lang ang nadala.
Saglit lang ang proseso. Masyadong mahaba ang limang minuto kapag walang problema at kumpleto ang mga dokumentong isusumite sa kanila. Binigyan ako ng resibo para sa transaksyon at pumunta na sa Cashier para bayaran ang passport renewal fee sa halagang 240 riyals.
Paalala: Dapat nandoon ka na isang oras bago ang iyong appointment. Sa kaso ko, dumating ako 30 minutos bago ang appointment schedule ko ngunit natagalan pa ako ng halos 20 minutos dahil sa isinasagawang Absentee's Voter Registration.
4. Pagkuha ng Passport
Laging binibisita ang kanilang website. Nagbabasakaling for release na ang passport. Mga 30 to 45 araw ang sinasabing "releasing day".
Bumalik sa embassy para personal na makolekta ang passport. Dinala ang lumang pasaporte at ang resibo.
Maari din itong ipakuha sa mga embassy service agent na malapit sa lugar kung saan tayo nakadestino katulad ng Al-FIFA (for government and embassy services) o di kaya sa isang kakilala na pupunta ng embahada. Kakailanganin lamang na mayroong Letter of Authorization ang tao na kukuha ng pasaporte.