Tuesday, September 2, 2014

Relasyong Amo at Kasambahay

Binisita ang isang kamag-anak na nagtatrabaho bilang isang kasambahay sa Riyadh. Hindi ito magagawa ng isang ordinaryong empleyado na basta na lang bisitahin ng kakilala sa bahay ng mga Arabong amo. Napakasuwerte namin dahil mababait ang kanyang mga amo para kami ay pahintulutan at patuluyin sa kanilang magara at napakalaking bahay habang sila ay nasa bakasyon.

Iginala kami sa buong kabahayan kaya nakilala namin ang mga boss nila dahil sa mga larawan na nakapaskil sa dingding ng sala. Idinetalye din ang kanilang mga trabaho. Sa laki ng bahay, ay kulang pa ang isang araw para ito ay ayusin at linisin.

Tatlo lang silang Pinay doon. Dalawa lang ang aming nadatnan dahil isinama ng among pamilya ang isa sa Europe. Nagkaroon kami ng pagkakataon na makapagbonding dahil kahit nasa iisang bansa lang kami, hindi naman kami malaya para magkikita-kita.
Ang ganda ng mosque!
Napakasuwerte nila dahil mababait at pinagkakatiwalaan sila ng kanilang mga amo. Sa isang banda, napakasuwerte ng amo nila dahil nagkaroon sila ng mababait at mapagkakatiwalaang kasambahay. Kaya sila tumagal. Sa katunayan, si Auntie na huling pumasok ay nakawalaong taon na!

Matagal na nilang gustong umuwi at mamalagi na lang sa Pinas. Nasasayang daw kasi ang oras na sana ay para sa pamilya. Ilang beses na silang nagpaalam sa amo nila ngunit ilang beses din silang pinakiusapan na manatili muna. Kailangan pa sila ng boss nila.

"Saan pa sila makakahanap ng kasambahay na ang baryang naiwanan ng mga amo pag-alis ay siya pa ring barya na kanilang daratnan pag-uwi.." kuwento nila.

My wife with Auntie Gen and Auntie Meriam.
Ang pagiging kasambahay ay hindi madali. Malapit kasi ito sa pang-aabuso. Ito lang kasi ang trabaho na madaling makuha dahil hindi naman kailangan ng mahabang work experience at mataas na edukasyon.

Sa pakikipag-usap sa kanila, heto ang mga natutunan ko. Ang tatlong klaseng relasyon ng amo at kasambahay.

1. Hudas na amo, kawawa ang kasambahay.
Ilang beses ko nang narinig ang ganitong mga kuwento. Malas ang aabutin kapag ito ang napuntahan ng isang tao na papasok bilang kasambahay. Kahit anong sipag at tiyaga ang gawin ay bugbog pa rin ang aabutin. Pisikal man o mental.
Sa mga hindi nakatiis, ang pagtakas ang tanging naisip na paraan para makaalis sa animo'y impiyernong pamamahay na napasukan. Ang iba nga ay nabalian pa ng mga buto dahil tumalon o nahulog sa bintana dahil sa pagtakas. Samantalang ang iba ay binawian pa ng buhay.

2. Mabait na amo, mapagsamantalang kasambahay.
May kasabihan nga na kung wala ang pusa, nagsasaya ang mga daga. Ganito inihahantulad ang mga kasambahay na inaabuso ang kabaitan ng mga amo. Kapag wala ang amo, maraming milagro ang nangyayari sa loob ng bahay. Mga nawawalang gamit, sinasaktan ang mga alagang bata, at marami pang iba.
Lingid sa kaalaman, ang mabait at tahimik na amo ay siya ang pinakaalerto. Magtataka na lang ang kasambahay kung bakit maagang tinapos ang kontrata niya nang hindi pa naman nahuhuli ang kabulastugang nagawa niya.

3. Mabait na amo, kapamilya kung ituring ng kasambahay.
Sana lahat ay ganito. Hindi na nakakapagtaka na ang iba ay hindi na nakapag-asawa dahil sa debosyon sa pamilya na pinaglilingkuran at nagpapasahod sa kanya.
Kamakailan lang ay may napabalita sa TV na hinahanap ng dating alaga ang kanyang yaya na isang Pilipina. Naiwan kasi sa kanila ang napakagandang alaala ng kanilang yaya.

Ang kakulangan sa paghubog ng isang respetadong tahanan sa kabila ng magarang pamumuhay ay ginagampanan at pinupunan ng isang kasambahay. Ganyan kahalaga ang resposibilidad nila!

1 comment:

  1. Hi,

    Thank you for sharing your article. I agree with you the household is not easy.

    ReplyDelete