Wednesday, February 11, 2015

Buhay ng Trailer Driver sa Saudi

Kasama sa trabaho ang pagsundo ng mga trailer truck na may lulang chemical tank sa gate ng kumpanya. Ito ang nagsusuplay sa amin ng kemikal na ginagamit sa plantang pinagtatrabahuan. At sa linggong ito, ang mga driver na naghahatid ay mga Pinoy.

Nang minsan ako ang nangangasiwa sa pagdiskarga nang laman ng tangke ay napagkuwentuhan namin ng isang Pinoy driver ang kanilang kalagayan sa pagmamaneho ng sinasakyang trailer truck at ang buhay nila bilang driver.

Gusto ko sanang kuhanan ng larawan o di kaya ay mairekord ang mga pinag-usapan namin. Kaya lang bawal ang cellphone at camera. Kailangang iwanan sa guard house ang gadget sa tuwing papasok sa planta. Ganunpaman, masaya pa rin ang aming kuwentuhan at ito ang mga nilalaman ng aming usapan.

Highway in Abqaiq, Saudi Arabia.
"Galing pa kami ng Jeddah, nandoon ang base namin. Halos isang linggo na kami dito. Tumambay pa nga kami ng ilang araw sa may check point dahil nahold kami ng pulis. Paso na kasi ang mga gate pass ng trailer.

Iyong truck lang ang amin dahil iba-iba ang aming hinihila. Kung ano ang inuutos sa amin, iyon ang aming naging trabaho. Hindi namin alam kung kailan kami makakabalik sa aming base. Hanggat may trabaho pa ay dito muna kami sa Jubail pansamantala.

Sa bawat biyahe, binibigyan kami ng kumpanya namin ng allowance. Iyon ang kinukuhanan namin ng gasolina at pagkain. Kaya masaya kami kapag may biyahe dahil may extra income kami. Ang allowance na binigay ay tinitipid namin. Hindi kami laging bumibili ng pagkain sa mga restaurant. Nagluluto kami. Meron kaming maliit na gas stove, kaldero, galon ng tubig at mga de latang pagkain. Sa oras na nagugutom ay may kanin at ulam kaming nadudukot habang nagmamaneho.

Ang sasakyan na iyan ang naging bahay namin. Kung saan man kami makakarating, siguradong mayroong barracks na nirerentahan ang kumpanya namin. Ang kaso, walang parking space para sa mga malalaking sasakyan na tulad ng dala namin kaya malimit di na kami natutulog doon. Sa sasakyan na kami natutulog."

"Maayos ngayon dahil taglamig. Pero kapag tag-init, para kaming ginisa ng sariling pawis dahil sa init. Hindi kasi kaya ng aircon ng sasakyan na palamigin ang loob."

"Kung saan may malawak na lugar, doon kami humihinto. Magluluto at matutulog. Kapag sa tabi ng dagat, nakakapamingwit kami. May huli at ulam na kaming isda bago umalis. Inaalam din namin ang susunod na istasyon na puwedeng maligo at para sundin ang tawag ng kalikasan. Hindi naman puwedeng basta na lang tumabi at huminto sa daan dahil delikado. Malalim kasi at malambot ang gilid ng kalsada at baka mabaon ang mga sasakyan namin. Kaya sinisigurado na may tamang pundasyon ang mga lugar na hihintuan katulad ng ilalim ng tulay at mga gasolinahan. Kapag may problema at di na kayang tumakbo pa, tatawag lang kami para magparescue sa tauhan ng kumpanya. Kung sino ang nasa malapit na bayan ay siyang magliligtas sa amin.

Hindi ito Pilipinas na ang bawat truck ay may kasamang pahinante. Dito, ang driver ay mag-isa kaya ang lahat ay nasa aming kamay. Ang sariling kaligtasan at ng truck na minamaneho. May nagnanakaw din ng mga gulong ng sasakyan dito. Yung sa amin, walang nagkainterest dahil puro China made ang mga iyan.

Noong bago ako rito ay mahirap dahil hindi pa kabisado ang daan at pahirapan ang magtanong. Pero ngayon ay may kaunting alam na sa lengguwahe ng Arabo at may celphone na kaya medyo madali. Kaming magkakasama, nagtatawagan kami kung saan ang daan para ihatid ang mga kargamentong hila namin.

Ang matinding kalaban namin dito ay ang "truck ban". Bawat bayan ay may iba't ibang oras para sa pagdaan ng mga truck. Kailangang sa oras na iyon ay makakarating ka na at kung hindi ay matatambay ka sa tabing daan at sa susunod na araw pa ang alis mo. Kaya minsan walang tulugan, para lang maabutan ang oras. Matutulog na lang ulit kami kapag nakaligtas at nasa loob na kami ng bayan."
 
Kapag itong tangke ng chemical ang dala namin, mauga kapag kalahati. Umaalog kasi ang laman. Pero kapag puno o di kaya walang laman ay walang problema. Hindi namin minsan alam kung ano ang mga karga namin. Binabasa lang namin ang MSDS na nakalakip sa dokumento na aming dala. ", pagkukuwento ni Kuya.

Red sand dunes near Riyadh.
Ang Material Safety Data Sheet (MSDS) ay isang dokumento na naglalaman ng impormasyon ng isang produkto. Nakasaad dito ang kanilang chemical components, chemical at physical characteristics, kung gaano ito ka delikado at kung paano ito maiwasan, at marami pang iba. Mahalaga itong basahin para sa kaligtasan ng kumakarga.

At dahil lagi naming ginagamit ang kemikal na ito, ibinahagi ko kay Kuya ang ilan pang kaalaman at impormasyon para makilala niya nang husto ang kargamentong dala niya. Sabay na rin nang pasasalamat sa pagbahagi ng kanyang karanasan bilang isang trailer truck driver dito sa Gitnang Silangan.

Friday, January 30, 2015

Sundalo - Sa Aking Karanasan

Maliit pa lang kaming magkakapatid, isinasama na kami ng tatay kong sundalo sa paninirahan sa isang kampo sa Mindanao. Nakakaawa kasi si tatay kung mag-isa lang siya sa kampo. At mas iba talaga kapag buo ang pamilya. Marami din namang mga sundalo ang nagdadala ng pamilya sa kampo kaya nakisabay na rin siguro sa agos at nakapagdesisyon nang ganoon si nanay.

Larawan kuha mula sa net.
Lumaki kami kasama ang mga sundalo. Kung saan sila madidestino, ay kasama din kaming mga pamilya. Natirhan namin ang South Cotabato, Davao del Sur, North Cotabato, at Maguindanao. Kaya hindi na bago sa amin kung marami kaming paaralan at kahit kaming magkakapatid ay hindi pare-pareho ng ALMA MATER.

Lahat kaming mga bata sa kampo, iniidolo ang trabaho ng aming mga tatay. Bakit? Dahil ginagawa nila ang kanilang makakaya para ilihis ang mga taong nais manggulo at para hindi masaktan ang mga sibilyan.
Ang magandang tanawin na ito ay matatagpuan sa Maguindanao.
Mula sa mga rebelde, nagkaroon nang sagupaan ang mga sundalo sa Moro National Liberation Front (MNLF) sa probinsiya ng Maguindanao at ilang bayan sa North Cotabato. May pagkakataon pa nga na kaming mga kabataan ang nagdadala ng bala ng kanyon mula sa taguan nito para ibigay sa gunner na siyang hihila ng tali para ito paputukin. Iyon ay dahil wala ang mga tatay namin at kakaunti ang mga sundalong naiwan sa kampo.

Noong naging integrated ang MNLF at nagkaroon ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), medyo mapayapa na. Ngunit, ilang buwan lang ang itinagal nito dahil dumating ang isang sigalot kung saan ang mga Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang naging katunggali ng pinagsanib na puwersa ng AFP at Integrated MNLF.

Taong 2000, kasagsagan ng mga giyera sa Maguindanao, napadaan kami sa isang eskuwelahan sa bandang Buldon. Kagagaling lang namin noon sa isang school press contest na idinaos sa Visayas at tanging ito lang ang daan (Marawi to Cotabato route) na malapit pauwi sa Parang, Maguindanao. Kahit ordinaryong eskuwelahan ito pero mararamdaman mo ang tensyon. Isa din kasi ito sa lugar na laging binobomba ng militar. Nakuha ng atensyon ko ang isang estudyante na may bitbit na baril. At animo'y galit sa akin nang malaman na ako'y anak ng sundalo. Ang mga kaklase niya ang pumigil at nagpatahan sa kanya. Narinig ko sa kanila na "Hindi yan kasali, Inosente yan". Estudyante lang din siya katulad ko pero may ipinaglalaban na siya.

All-Out-War! Matindi ang bakbakan. Ang rutang minsan kong nadaanan ay hindi na ligtas. Nag-aaral na ako sa kolehiyo nang nasugatan ang tatay ko sa isang engkuwentro. At sa semestral break ng klase ay ang uga nang pagsabog ng kanyon ang bumulaga sa bakasyon ko. Marami ang namatay. Ang ilan sa kanila, malapit na kaibigan ng tatay.

Minsan hindi ko maipaliwanag ang giyera sa Maguindanao. May pagkakataon kasi na kahit malapit na ang grupo ng mga rebelde sa kampo ay wala namang bakbakan na naganap.  Wika nga nila, "pag walang utos, walang giyera". Hindi ko rin maunawaan kung bakit pa kailangang mag-away gayong puwede naman palang mamuhay nang tahimik at walang gulo.

Ang Terorista at ang Bangsamoro Basic Law.
Marami akong nakasalamuha na mga Muslim. Karapat-dapat naman talaga sa kanila ang pagbabago at kapayapaan. Malamang ang BBL ang maging susi nito. Ganunpaman dahil ito ay isinusulong ng bandidong grupo, para sa akin, ito ay malabong mangyari. Paano ba maitatayo ang bandila ng kapayapaan kung ngayon pa lang ay marami nang dahas ang nagagawa nila? Huwag sanang kalimutan ang mga sibilyan na pinatay sa Lanao del Norte noon at maya't mayang pagsabog ng bomba na sibilyan ang puntirya sa ngayon. Paano na kaya kung ang kanilang lakas militar ay maging lehitimo? Paano na ang mga militar ng gobyerno? Kaya nga iisa lang ang tandang sa aming alagang manok dahil nagsasabong kapag dalawa sila.

Kung mula sa MNLF ay nabuo ang MILF, at dahil sa MILF ay may BIFF, hindi pa ba nadala ang gobyerno na mas lalong lumalaki ang problema? Nanganganak lamang ito. Mas malakas ang MILF kaysa MNLF, at mas tuso ang BIFF kaysa MILF, ano pa kaya ang kayang gawin ng susunod na sangay nito? Ang mga grupo na ito ay may kapasidad na magkanlong ng mga terorista at gumawa ng mga kaguluhan sa iba't ibang parte ng Mindanao.

Sang-ayon ako sa Bangsamoro Basic Law pero ang pakikipagbati sa isang grupo na alam naman natin kung ano ang istilo ng pamamahala at pananaw ay di ko sinasang-ayunan. Ang batas na ito ay dapat para sa mga Muslim na mapayapang naninirahan sa Mindanao at hindi para sa kapakanan ng iisang grupo. Isipin sana na hindi lahat ng muslim sa Mindanao ay kasapi ng MILF. 

Sana ay may pangmatagalang solusyon ang gobyerno para dito. Hindi iyong pansamantala lang. Iyong pulido at hindi tapal lang. Dahil kahit sabihing normal na lang ang giyera sa lugar na ito ay napapagod din ang aming mga tenga sa putok at iyakan.

Pagluluksa sa 44 Bayani ng PNP-SAF.
Nakikidalamhati ako sa mga namatay na pulis sa nangyaring sagupaan sa Mamasapano. Maraming Salamat at Saludo ako sa Inyo! Tunay kayong bayani sa mata ng buong sambayanan. Hangad ko din ang HUSTISYA sa inyong paglisan.

Para sa amin na may kapamilya at kamag-anak na nasa puwersa ng militar, ramdam namin ang pakiramdam nang mawalan ng mahal sa buhay dahil sa isang operasyong militar. Ganunpaman, ito ay aming napaghandaan dahil sa kanilang sinumpaang tungkulin at pagpapanatili ng kapayapaan. Hindi lamang sa magugulong bayan sa Maguindanao kundi sa buong parte ng Mindanao at ng bansa.

Tuesday, January 20, 2015

Salamat sa Pagbisita! Pope Francis

Bilang isang OFW, sa una pa lang, naging kabado rin ako at nag-aalala sa magiging kahihinatnan nang pagbisita sa Pilipinas ng pinakamaempluwensiyang tao sa mundo. Lalo na sa usaping seguridad at disiplina.

Ang Santo Papa ang siyang pinuno ng Simbahang Katolika. Ang pinakamataas na lider na ginagalang at nirerespeto ng buong mundo. Kaya hindi nakakapagtaka na ganoon na lang ang paghahandang ginawa ng pamahalaan at ng mga Pilipino. 

Sinasabing ang Pilipinas ay isang mahirap na bansa. Ngunit pagkatapos nang matagumpay na pagbisita ng Santo Papa sa Pilipinas ay naiba na ang naging pamantayan ko. Mayaman tayo! Sa puso, sa pagmamahal, sa pananalig, at sa pakikipagkapwa.

Kung ako ang Santo Papa ay ito ang magiging unang impresyon ko sa Pilipinas;

Paglabas ko pa lang ng eroplano at nilipad ng hangin ang sombrero ko - Malakas at Matitibay ang mga Pinoy! Kung ganito kalakas ang hangin na dadapo sa akin ay kailangan mo ngang kumain ng kanin araw-araw.

Pagbaba ng hagdanan at nakita ang mga postura ng kadete at mga taong sumasalubong - Elegante, Malinis at Disiplinado ang mga Pinoy.

Narinig ang kanta at pinanuod ang mga batang sumasayaw - Kuwela at Masayahin ang mga Pinoy! Moderno na ang mga Pinoy. Makabagong tugtog at sayaw ang nasilayan sa halip na luma ang inihanda ng mga kabataan.

Pagsakay sa sasakyan at habang binabagtas ang kalsada ay napalibutan ng mga taong nakataas ang kamay na may celphone, camera, at tablet. - Kakaiba nga talaga ang mga Pinoy! 

Halos magdamag na nakabukas ang telebisyon para lamang masundan ang convoy ng Santo Papa sa mga nakaraang araw. Kaya mas sobra pa ang bilang na anim na milyong tao ang nasa Luneta kung isama sa bilang kaming mga hindi nakadalo at mga OFW na nakiiyak, nakikaway, nakisigaw, at nakikanta sa mga screen ng mga telebisyon.

Sa paglisan ng Santo Papa, ay naiwan sa atin (kahit sa hindi katoliko) ang mataas na moralidad ng ating pananalig at pagkatao. Ang mga sakripisyo at paghihintay ay napalitan ng kasayahan at pag-asa. Sa panahon natin ngayon, sakto lamang na may dumating para muli tayong gabayan. Para tayong lampara na halos masaid ang lamang gas ngunit muling nalagyan para muling umilaw nang maliwanag.

Salamat sa Pagbisita Santo Papa. Sa kabila ng mga posibleng karahasan at hindi magandang panahon ay dumating ka sa Pilipinas. Tama ka, hindi ikaw ang Diyos at isa ka lang tao pero ang iyong gawi ay nagsisilbing inspirasyon at dapat naming tularan. Ang iyong mga aral ay di namin kakalimutan.