Tuesday, January 20, 2015

Salamat sa Pagbisita! Pope Francis

Bilang isang OFW, sa una pa lang, naging kabado rin ako at nag-aalala sa magiging kahihinatnan nang pagbisita sa Pilipinas ng pinakamaempluwensiyang tao sa mundo. Lalo na sa usaping seguridad at disiplina.

Ang Santo Papa ang siyang pinuno ng Simbahang Katolika. Ang pinakamataas na lider na ginagalang at nirerespeto ng buong mundo. Kaya hindi nakakapagtaka na ganoon na lang ang paghahandang ginawa ng pamahalaan at ng mga Pilipino. 

Sinasabing ang Pilipinas ay isang mahirap na bansa. Ngunit pagkatapos nang matagumpay na pagbisita ng Santo Papa sa Pilipinas ay naiba na ang naging pamantayan ko. Mayaman tayo! Sa puso, sa pagmamahal, sa pananalig, at sa pakikipagkapwa.

Kung ako ang Santo Papa ay ito ang magiging unang impresyon ko sa Pilipinas;

Paglabas ko pa lang ng eroplano at nilipad ng hangin ang sombrero ko - Malakas at Matitibay ang mga Pinoy! Kung ganito kalakas ang hangin na dadapo sa akin ay kailangan mo ngang kumain ng kanin araw-araw.

Pagbaba ng hagdanan at nakita ang mga postura ng kadete at mga taong sumasalubong - Elegante, Malinis at Disiplinado ang mga Pinoy.

Narinig ang kanta at pinanuod ang mga batang sumasayaw - Kuwela at Masayahin ang mga Pinoy! Moderno na ang mga Pinoy. Makabagong tugtog at sayaw ang nasilayan sa halip na luma ang inihanda ng mga kabataan.

Pagsakay sa sasakyan at habang binabagtas ang kalsada ay napalibutan ng mga taong nakataas ang kamay na may celphone, camera, at tablet. - Kakaiba nga talaga ang mga Pinoy! 

Halos magdamag na nakabukas ang telebisyon para lamang masundan ang convoy ng Santo Papa sa mga nakaraang araw. Kaya mas sobra pa ang bilang na anim na milyong tao ang nasa Luneta kung isama sa bilang kaming mga hindi nakadalo at mga OFW na nakiiyak, nakikaway, nakisigaw, at nakikanta sa mga screen ng mga telebisyon.

Sa paglisan ng Santo Papa, ay naiwan sa atin (kahit sa hindi katoliko) ang mataas na moralidad ng ating pananalig at pagkatao. Ang mga sakripisyo at paghihintay ay napalitan ng kasayahan at pag-asa. Sa panahon natin ngayon, sakto lamang na may dumating para muli tayong gabayan. Para tayong lampara na halos masaid ang lamang gas ngunit muling nalagyan para muling umilaw nang maliwanag.

Salamat sa Pagbisita Santo Papa. Sa kabila ng mga posibleng karahasan at hindi magandang panahon ay dumating ka sa Pilipinas. Tama ka, hindi ikaw ang Diyos at isa ka lang tao pero ang iyong gawi ay nagsisilbing inspirasyon at dapat naming tularan. Ang iyong mga aral ay di namin kakalimutan.

No comments:

Post a Comment