Thursday, January 1, 2015

Atake sa Bagong Taon

"Kukuhanan ko ng larawan ang Kawayanan Festival", ang nasa isipan ko bago ako nagbakasyon. Ang kapistahan ay ipinagdiriwang sa tuwing unang linggo ng Disyembre.

Nobyembre 23, habang nasa biyahe pauwi ng Pinas, napabalitang may bombang sumabog sa mismong parke kung saan pagdadausan ng pista. Ang lugar na iyon ay ginawang peryahan kaya dagsa ang mga kababayan na sana ay nakikisaya. May namatay at marami ang nasugatan.

Disyembre 31 ng hapon, habang ang lahat ay abala sa pamamalengke para may maihanda sa noche buena, isa na namang karahasan ang naganap sa aking bayan. Isang bomba ang sumabog sa mismong palengke. Marami ang natamaan at mayroon na namang nagpaalam. Ilan sa mga minalas na nasugatan at namatay ay kabarangay ko. Ang bagong taon na sana ay kasayahan ay nabalot ng hinagpis at kalungkutan.


Part of Mlang Public Market after bombing on December 31, 2014. Photo credits to Ms. Gina Eumeda
Prutas at Torotot. Ang naiwanan ng biktima sa lugar matapos ang pagsabog. Photo credits to Mr. Nikko Arvin Mortera.
Ang lahat ay nagluksa, nangamba at natakot. Ang bayan na naging huwaran ng kaayusan at katahimikan ay naging biktima ng karahasan.

Ano ba ang meron sa bayan at ito ang napiling guluhin?

Heto ang ilan sa mga eksena na nakuha ko noong Kawayanan Festival.


Ang bayan ng Mlang sa Hilagang Cotabato ay isang TAHIMIK na lugar. Namumuhay nang SIMPLE ang mamamayan dahil ang karamihan ay nabubuhay sa pagsasaka. Ang pagsasaka ay isang MARANGAL na trabaho na nagbibigay ng inspirasyon sa mga kabataan na magpursige sa pag-aaral.


Ang kapistahan ay ipinagdiriwang at nilalahukan ng lahat. Mula sa pinakamababang opisyal ng barangay hanggang sa pinakapunong opisyal ng bayan. AKTIBO ang lahat dahil sa hanay ng mga litsong baboy na lahok ng bawat barangay at mga LGU.


 Ang litson sa kawayan ay hindi lamang isang pakontest dahil ang lahat ng ito ay ipinamumudmod at IPINAMIMIGAY sa lahat.


At tanda ng PAGGALANG sa tradisyon at paniniwala ng mga kababayan naming hindi kumakain ng baboy, litsong manok naman ang sa kanila ay inaalok.


Ang mga paghahanda na ito ay hindi lamang para pasayahin kaming mga matatanda. Ito ay para maipakita sa mga kabataan ang ibig sabihin ng NAGKAKAISA.


Kaya sa mga kababayan ko, Babangon Tayo! Maging mapagmatyag at sa simpleng pag-iingat sa ating mga sarili ay maibabalik natin ang kaayusan ng bayan.

Sana makamit natin ang hustisya!

No comments:

Post a Comment