Friday, July 6, 2018

Utang sa SSS, Nabayaran nang Walang Interest

May utang ka ba na matagal nang hindi nababayaran sa SSS?
Alam mo ba na may programa ang SSS na tinatawag na Loan Restructuring Program?
Maaring bayaran ng mga miyembro ang matagal ng utang nang walang tubo o interest.


Nitong Mayo habang ako ay nasa bakasyon sa Pilipinas,sinamantala ko ang pagkakataon at kaagad na pumunta sa sangay ng SSS sa aming lugar para hukayin ang 10 taon ko nang pagkakautang. Tama nga ang hinala ko! Dumoble na ang dati'y P11,000 balanse na utang ko! At dahil sa programa, ang tanging nabayaran ko ay ang balanse lamang.

Ito ang mga ginawa ko. (Base sa SSS Kidapawan branch )

1. Pumasok sa opisina ng SSS at pumunta sa Information Table. Binigay ko sa staff ang SSS number at sinabi ko na mag-aaply ako ng Restructuring Program sa utang na matagal nang hindi nabayaran. Tsinek niya ang profile ko sa system at binigyan ako ng form. Siya din ang nagturo kung aling transaction table ako pupunta. Kada transaction table ay may priority number.
2. Nagfill up ng form habang naghihintay na tawagin ang priority number ko.
3. Kinausap ako ng SSS staff tungkol sa utang ko. Ang actual amount ng utang at ang penalty nito. At dahil sa programa, wala nang penalty. Binigyan ako ng option kung ilang buwan kong babayaran ang loan.
4. Bumalik sa Information Table para kumuha ng form para magbayad. May priority number ulit na binigay para sa Cashier.
5. Nagbayad sa Cashier. Tapos ang transaksyon.

Ang programang ito ay hanggang sa Oktobre 1, 2018 kaya may marami pang araw na ito ay asikasuhin. Sa mga karagdagang impormasyon, bisitahin lamang ang SSS website sa link sa baba.

How to Apply for SSS Loan Restructuring Program

At dahil wala nang utang, nagdesisyon na rin ako na ipagpatuloy ko ang paghuhulog at ang pagiging miyembro ko. Sayang kasi ang 54 buwan contributions ko kapag hindi ko itutuloy. Paabutin ko ito sa 120 para pwede akong mag-apply ng Retirement Pension pagdating ng araw.

http://join-shortest.com/ref/e1cc88d760?user-type=new

Sunday, November 5, 2017

Pusong Pinoy at ang Wikang Mapagbago

Kadalasang ginaganap ang Linggo ng Wika sa buwan ng Agosto kung saan hinihikayat ang lahat na gamitin ang ating sariling pagkakilanlan. Maipahayag ang ating pagka-Pilipino gamit ang ating pambansang kasuotan at lengguwahe.



Nobyembre 3, 2017, Petrokemya Beach Camp, Jubail, KSA - ang kauna-unahan na pilipinong piging na aking dinaluhan sa loob ng sampung taon nang pagtatrabaho dito sa kaharian. Noon ko lamang nalaman na aktibo pala ang komunidad ng mga Pilipino dito. Ang buong programa ay naglalayon na gunitain nang sabay ang Buwan ng Wika na may temang "Filipino: Wikang Mapagbago" at Buwan ng Nutrisyon. Kasabay din ang pagbibigay ng karangalan sa mga kabataan na nag-aaral sa isang "home study learning center" dito sa Jubail.

Bilang isang magulang na lumaki ang anak na malayo sa Pilipinas ay isa ito sa mahalagang araw para masilip ng anak ang tradisyon at kultura na mayroon tayong mga Pilipino. Bagamat limitado lamang ang maaring maipakita, ito ay isang magandang pagkakataon na maipakilala ang ating bansang nakagisnan.

Nakakaluha at nakakaaliw pagmasdan ang mga bata na sinasadula ang sabayang pagbigkas at sumasabay sa indak ng mga sayaw sa salin ng mga pilipinong tugtugin. At higit sa lahat, ang suporta at partisipasyon ng bawat magulang na nagpagilas ng husay sa pagkanta ng mga orihinal na Pilipinong musika.

Mga nagwagi sa tradisyunal na Kasuotan (Indibidwal)

Unang Karangalan - sa kategorya ng Grupong Presentasyon at Kasuotan

Unang Karangalan - sa kategoryang Lutong Bahay - Espesyal. Mga putahe na kamote ang pinakamahalagang sangkap.
Sa pangkalahatan, ang lahat ay sama-samang pinagsaluhan ang mga pagkaing pilipino na nanatiling buhay sa bawat mesa ng bawat pamilyang pansamantalang naninirahan dito sa Saudi Arabia. Lumitaw ang mga kakaning puto, biko, at kutsinta. Ang putahe ng Timog Luzon na Bikol Express at laing at ang paboritong ulam na pansit ang nangunguna sa mga pagkain na nawala na parang bula sa hapag-kainan.

Ang mga larawan ay mga kuha ni Michael Angelo Correos.

Sunday, July 30, 2017

Pag-iipon para sa Dependent Levy Fee


Ang pagdadala ng pamilya sa Saudi Arabia ay isa sa mga benipisyo na tinatamasa ng halos karamihan ng mga expat na manggagawa katulad naming mga OFW. Kahit sobrang pagod sa trabaho, masaya ang pakiramdam ng may pamilyang naghihintay sa bawat pag-uwi. Wala na ang dating sobrang pag-iisip at pag-aalala. At higit sa lahat, nasubaybayan ang paglaki at paghubog ng ugali ng anak.

Noong unang araw ng buwan ng Hulyo, sinimulan na ng gobyerno ng Saudi Arabia ang paniningil ng "expat dependent levy fee". Ito ay ang pagbabayad ng SAR1,200 kada taon sa bawat miyembro ng pamilya na kasama ng isang expat na nagtatrabaho sa kaharian. Magiging doble ang halaga na ito sa susunod na taon hanggang sa aabutin ng SAR4,800 sa taong 2020. Ang isang expat ay hindi makakakuha ng exit-reentry visa o makakapagrenew ng iqama kapag hindi nabayaran ang buong halaga.

Ang bayaring ito ang naging kuwentuhan ng lahat ng may pamilyang expat na nakakausap ko. Marami sa kanila, naisipan nang pauwiin ang pamilya sa kani-kanilang mga bansa lalo na iyong may maraming anak at magulang na kasama. Napakalaki ng halaga lalo na at isang bagsakan lang ang bayad.

Sa kasalukuyan, kaya ko pang bayaran ang levy fees hanggang sa susunod na taon o hanggang sa hindi na mairenew ng kumpanya ang aking kontrata. Sabay-sabay na kami sa pag-uwi kapag darating ang panahon na iyon. At dahil sa nakapagrenew na ako ng iqama bago naimplementa ang bagong bayarin, may pagkakataon pa ako na mag-ipon ng 200 riyals kada sahod. Dodublehin ko ang halaga na ito sa susunod na taon. Sa ganitong paraan ay makakabayad ako ng levy fees na may laman pa rin ang bulsa at hindi apektado ang ibang pangangailangan.

Pag-iipon gamit ang pinaglumaang Qatar Airways travel wallet.
Malalaman ang halagang babayaran na dependent levy fee sa mismong bangko. Halimbawa, ang bangko ay SABB at kasama ko sa kaharian ang aking asawa at isang anak.

➩Open Online Banking (SABB)
➩Click SADAD
➩Click Government Payments
➩MOI Service: Alien control
➩Transaction Type: Payment
➩Service Type: Associate Fees for all Registered Associates on the Head of Household Iqama
➩Iqama ID: ********** (Iqama number ng OFW)
➩Fees Duration End Date: Date , Month, and Year (Hijri date - maiging icheck ang online MOI Absher Service para sa actual validity ng iqama))
➩Request