IMAGINING PLASTIC. Mula sa latak ng mga Oil Refineries nanggaling ang mga monomer o hydrocarbons. Sa halip na itapon, sinasalo ito ng mga Petrochemical Industries (kung saan tayo nagtatrabaho) para maging polymer resins at mapakinabangan. Ang polymer resins ang raw materials ng Plastic Industries na gumagawa ng mga bagay na makulay, magaan, at mas komportable. Pangmatagalan o pansamantala man.
Sunod-sunod ang mandatory plastic ban sa mga main cities sa Pinas. Hindi ko mawari kung ito'y totohanan na talaga o pansamantala lang. "
Tama ito" ayon sa mga
Environmentalists na nagmamalasakit sa kalikasan ngunit "
di ito ang solusyon" ayon naman sa mga
Engineers na nagtratrabaho sa mga plastic industries.
Buhat noong bumaha kasama ang basura sa kamaynilaan, marami na ang sumusunod sa panawagan na bawasan ang paggamit ng plastic bags. Para sa mas malinis na kapaligiran, pag-iwas sa pagbaha, at pangangalaga sa Inang Kalikasan.
"PLASTIC FREE", parang may mali yata sa ganitong tarpaulin printing sa mga malls at nakikita ko sa TV. Hindi ibig sabihin na kapag walang plastic grocery bags ay wala nang plastic. Ang film ay isa lamang application ng plastic kung saan ginagawa itong manipis at transparent katulad ng
liners at
grocery bags.
May iba't ibang klase ng plastic depende ito sa kanilang origin component o tinatawag na "monomer". Ang resin plastic code ay para sana mapabilis ang seggregation ng plastic. Ito ay makikita sa ibabang bahagi ng bawat bote. Lahat sila maliban sa polystyrene(PS) ay may film applications kung saan maaring gawing plastic bags. (Inilista ko na para di ko makalimutan at sana makatulong dagdag sa kaalaman!
Ito ay base sa mga nakikita kong plastic made materials sa loob ng bahay.)
PET o PETE (Polyethylene Terephthalate) ay madalas ginagamit sa mga naiinom nating bote ng tubig o juices, lagayan ng mga candies sa tindahan, garapon at mga cosmetics bottles (baby oil, gel, facial cleanser).
Medyo malambot at clear ang mga lagayan na tipong alam na natin ang kulay, hugis, at dami ng laman kahit tinititigan lang.
HDPE (High Density Polyethylene) ay madalas lagayan ng mga cosmetic products (lotion, powder), rekados sa kusina (asin, paminta, toyo, suka) at bote ng mga gamot at shampoo.
Makapal at may katigasan ang mga bote. Kadalasan na pigmented o may kulay ang plastic na ito.
PVC (Polyvinyl Chloride) ay madalas ginagamit sa blister packs ng mga gamot, blood bags, floor tiles, shower curtains, at electrical insulation. Kapag sinasabing PVC, water pipes na kaagad ang iniisip natin.
LDPE (Low Density Polyethylene) ay kadalasang film kaya makikita mo ito bilang bags at malalambot tulad ng mga squeezable bottles (ilang brand ng shampoos). Ito rin yong packaging ng mga tinapay, frozen meats at ginagamit na pantakip sa mga ulam.
Malambot ngunit matibay kaya nakakagawa ito nang pangmatagalan at matibay na packaging bags.
PP (Polypropylene) ay gamit na gamit sa pagsasaka dahil sa sako. Ginagawa din itong mga baunan at plato. Madalas din lagyan ng mga beauty products (deodorant, lotions)
Matibay at matigas.
PS (Polystyrene) ay madalas suki ng mga food chain. Lagayan ng mga take out! Damay pa ang plastic na kutsara, tinidor at baso na lagi nating ginagamit sa mga parties.
Madalas madaling mapudpod o madaling punitin ang plastic na ito. Minsan rigid din o matibay ang pagkagawa.
OTHER, PC (Polycarbonate), baby milk bottles at mga sachets ng shampoo at toothpaste.Iyong 5 gallons na bote ng tubig ay gawa din nito.
Ang material nito ay binubuo ng higit sa 2 combination ng mga materials (1 to 6).
Ang PET (1), HDPE (2), PVC (3), at PP (5) ay halos di nagkakalayo sa mga gamit at applications. Iyong mga kagamitan na pangmatagalan tulad ng mga malalaking containers, tubo ng tubig, at mga plastic materials na makikita sa ating bahay, kotse, laruan ng mga bata, at mga kasangkapan.
Ang application ng bawat plastic ay depende rin sa availability ng plastic resin sa lugar at sa paggagamitan o demand ng mga kustomer. Halimbawa, sa bote ng gamot, minsan ang bote ay yari sa HDPE o minsan PP.
Masyadong malawak at versatile ang gamit ng plastik sa ngayon. At kapag dumating ang araw na required ang bayong sa pamamalengke. Itong mga Plastic Industries, gagawa din sila ng mukhang bayong pero mas matibay pa sa bayong dahil hindi naluluma.
Kakaunti lang sa Pinas ang plantang gumagawa ng
"polymer resin", ang main materials sa paggawa ng plastic, kung ikumpara dito sa Middle East. Ibig sabihin kakaunti lang din sana ang iniexpect nating basura. Iyon ay kung mayroon tayong tamang seggragation, pagtatapon, at pagrerecycle ng ating plastic na basura.